Sumuko na sa laban ang "Pambansang Lola" ng Kalingap Team na si Lola Damiana. Ito ang hatid ng Facebook post ni Kalingap Rab ngayong araw na ito, Setyembre 22, 2021. Ito ang kanyang munting pahayag sa pagpanaw ni Lola Damiana:
"Nakakalungkot na balita. Lola Damiana pumanaw na. Maraming salamat sa maliligayang ala-ala na iyong iniwan sa amin. Mananatili kang pambansang lola namin. Mahal ka namin Lola Damiana. Mamimiss ko kulitan natin."
Dumagsa ang nagpahatid na pakikiramay sa pamilya ni Lola Damiana, gayundin ang magagandang salitang ipinahayag sa kanya dahil sa aliw at sayang naihatid sa kani-kanilang buhay sa panahong ito ng pandemya.
Simula't sapul ay pinapanood ko na ang mga vlogs nina Kuya Val Santos Matubang at ni Kalingap Rab tungkol sa buhay-buhay ni Lola Damiana - magmula ng pagiging masungit nito hanggang maging masayahing lola ang matanda at magkaroon ng simpleng bahay. Hindi ko alintana ang karamdaman niya sa pag-iisip dahil hindi naman siya nananakit bagkus ay nagbibigay payo pa kung magkaminsan.
Dahil kay Lola Damiana ay naipagpatayo rin ng sari-sariling bahay ang kanyang dalawang anak na sina Kuya Raymundo at Kuya Bernie. Kung may samaan man ng loob ang dalawang magkapatid, sana ay mawala na ito para na rin sa ikatatahimik ng kaluluwa ng kanilang ina.
Sa ngayon ay wala pa akong nakakalap na balita kung ano ba ang dahilan ng pagkamatay ni Lola Damiana. Sa isang vlog ni Kalingap Rab ay napansin ko na ang pananamlay ng matanda. Hindi ito makakain at tila walang panlasa. Dahil dito, ayoko mang isipin ay baka 'ikako sa Covid-19 namatay ang matanda dahil na rin sa isang vlog ni Kalingap Rab ay maraming mga kapitbahay ng matanda ang nanghihinging sa kanya ng pambili ng gamot sa trangkaso.
Kung Covid-19 nga ang ikinamatay ng matanda, dapat ay ibayong ingat ang gawin ng mga nagba-vlog. Kapag matatanda at may karamdaman ang kanilang kakapanayamin, dapat siguro ay may "negative result" sila ng Covid-19 bago mag-interview lalo na't mahina sa sakit ang ganitong mga tao. Dahil sa daming nagpupunta sa bahay nina Lola Damiana, maaari mong isipin na baka mayroon sa kanila ang nakahawa sa matanda.
Ang Covid-19 ay isang sakit na ikinahihiyang malaman ng iba. Isa itong dahilan kung bakit lalong dumarami ang nahahawa. Ang malaking gastos sa check-up at pagpapagamot ay iba pang dahilan kung bakit bantulot ang mga may karamdaman na magpakonsulta sa mga doktor at magpunta sa mga ospital at klinika. Kung libre sana ang magpapa-test at susunod sa mga health protocols, sa palagay ko ay hindi lalaganap ang sakit na ito sa Pilipinas.
Ano-ano ang natutunan natin sa pagkamatay ni Lola Damiana?
Una, parang iglap lang ang buhay. Ang dating masayahin at malakas sa ngayon ay maaaring lugmok na kinabukasan. Dahil dito, ipakita na natin at ipadama sa ngayon ang ating pag-ibig sa ating mga mahal sa buhay.
Pangalawa, kung sa Covid-19 pumanaw ang matanda, nagpapatunay lamang ito na ang sakit na ito ay totoo at nakamamatay. Bakuna lamang ang tanging paraan sa ngayon upang mapaglabanan natin ang sakit.
Pangatlo, kahit may kapansanan sa pag-iisip ang isang tao, hindi nangangahulugan na siya ay wala nang silbi sa mundo. Sa kanyang paraan, naipakita ni Lola Damiana na kaya niyang pasayahin at patawanin ang libo-libong manonood nina Kuya Val at Kalingap Rab.
Pang-apat, tuloy pa rin ang buhay. May isa pang Lola Damian na darating sa ating buhay na nagbibigay sa atin ng ngiti at saya hangga't nariyan sina Kuya Val Santos Matubang, Kalingap Rab, at iba pang charity vloggers na handang tumulong at ibahagi ang kanilang pagmamahal at yaman nang walang hinihinging kapalit.
Kay Lola Damiana, sumuko ka man sa laban ay tuloy pa rin ang ating pakikibaka upang makamtan ang tunay na mukha ng pag-ibig at kapayapaan!
No comments:
Post a Comment