Maraming parte ng Sydney at Queensland sa Australia ang kasalukuyang nalubog sa baha sanhi ng walang humpay na pag-ulan. Isang linggo nang hinahampas ng ulan ang malaking bahagi ng Kalakhang Sydney at Queensland. Sinasabing muling naulit ang ganitong kalagayan pagkatapos ng 60 taon.
Dahil sa walang tigil ng ulan, umapaw ang mga ilog at dam sa paligid ng Sydney at Gold Coast sa Queensland. Maraming lugar sa Sydney ang inutusang mag-evacuate ang mga residente lalo na yaong nasa dalampasigan ng Hawkesbury River mula sa Windsor hanggang Wisemans Ferry. Ganito rin ang iniutos sa mga naninirahan malapit sa Colo River.
Masyadong naapektuhan ng baha ang Penrith at Windsor sa Sydney, at Lungsod ng Gold Coast sa Queensland. Marami ring regional areas ang binaha tulad ng Taree. Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagbugso ng ulan, subali't tinatayang bubuti ang panahon bukas, March 24, 2021. Gayunman, patuloy na binibigyang babala ang mga residente ng mga apektadong lugar na maging mapagmatyag at maghanda sa anumang maaaring mangyari. Inabusuhan din ang madla na iwasan ang bumiyahe kung hindi kinakailangan.