H. E. King Abdullah of Saudi Arabia
Matapos ihayag ni Haring Abdullah ng Saudi Arabia ang mga benepisyong pinansiyal at sosyal para sa kanyang nasasakupan 2 linggo na ang nakalipas, marami pa ring dayuhang manggagawa ang umaasang maaabunan sila kahit papaano ng mga ito. Partikular na ang 2-buwang sahod na ipinagkaloob bilang bonus para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno. Kabilang din dito ang 15% dagdag na sahod kung saan ang pinakamababang sasahurin ng mga kawani ng gobyerno ay 3,000 Saudi Riyals.
Bago magbunyi ang asawa at mga kamag-anak ng mga OFW sa Saudi Arabia, nararapat malaman na ang direktibang ito ay nakasentro lamang sa mga Saudi. Hindi sakop sa kautusan yaong mga nagtatrabaho sa mga pribadong kumpanya at mga dayuhang nagtatrabaho sa pamahalaan. Gayunpaman, may mga pribadong kumpanya na ang nakiuso sa utos ng Hari. Ilan sa mga ito ay ang SABIC, MARAFIQ, AMERICAN EXPRESS, ZAIN, ARAMCO at yaong mga nagtatrabaho sa bangko. Ang maganda rito, hindi lang mga Saudi ang kanilang binigyan ng bonus at salary increase kundi lahat ng empleyado.
Malaking tulong sa aming mga OFW ang mga benepisyong ito kung susunod ang aming mga kumpanya sa halimbawa ni Haring Abdullah. Ito ay dahil tumataas ang ilang pangunahing bilihin dito sa Gitnang Silangan at bumababa naman ang palitan ng piso sa riyal o dolyar.
Sa mga Pinoy na nakatanggap ng kanilang bonus, aba'y pakain naman kayo! Kahit sa Pansitan ay solve na 'ko!