Mahal na Araw na naman. Tulad noong isang taon, narito ako sa Saudi Arabia. Dito, ang mga importanteng okasyon ay nawawalan na ng saysay kung minsan dahil hindi naman naipagdiriwang ito nang hayagan. Pati ang pag-aayuno ay nakakalimutan na rin. Kailangang kumain nang makapagtrabaho nang husto. Hindi maiwasan ang pagkain ng karne dahil mas mura iyon kaysa sa isada at gulay. Walang Bisita-Iglesia, Pabasa, hampas-dugo, senakulo, mga prusisyon, Pasko ng Pagkabuhay at paghahanap ng Easter Eggs. Hindi maaaring maligo sa beach sa Linggo dahil araw ng Biyernes ang day-off.
Mahalaga raw ang fasting dahil nalilinis nito ang katawan at upang madama ng isang tao ang nadarama ng mga taong nagugutom. Noong bata pa ako, tanggap ko ang katwirang ito. Pero ngayong may ilang puti na ang mga buhok ko, nagdadalawang-isip na ako. Hindi ba't mas mainam ang pakainin mo na lang ang mga nagugutom kaysa makiisa ka sa kanilang pagdurusa?