Hindi ko batid kung sadya nga bang mapanghusga ang mga tao. Kalimitan kasi ay naroon ang mga mapanirang pananalita sa kapwa kahit hindi naman ginagambala ng mga ito. Ang tsismis ba ay likas? Bakit ito ang libangan ng maraming tao lalo na ng mga kababaihan? Bakit sila nakadarama ng pagkatuwa kapag may nabalitaang hindi maganda sa mga kaibigan at kapitbahay? Bakit hindi kapakipakinabangang bagay ang kanilang pag-usapan?
Mas maraming komento at puna ang makukuha ng isang balitang masama kaysa mabuti. Laging sensational ang balitang trahedya, sakuna, at hindi magandang pangyayari subali't nababalewala ang mga kaganapang maganda at mabuti na naghahatid ng inspirasyon at pag-asa sa buhay.
Laging mali ang akala dahil wala itong basehan kundi ang sariling interpretasyon ng isang bagay na nakita o naramdaman. Ang inggit ay isang depensa sa sarili dahil sa pansariling kakulangan. Naiinggit tayo sa ibang taong umaasenso dahil hindi natin nagawa ang kanilang tagumpay. Pilit nating pinasasama ang imahe ng mga kaibigan at kapitbahay dahil ayaw nating magmukhang kawawa o napag-iwanan. Pilit natin silan hinihila paibaba dahil ayaw nating maiwanang mag-isa sa ibaba.
Hindi natin naiiwasang pag-usapan ang buhay ng iba dahil kasama sila sa ating kapaligiran. Lagi natin silang nakakausap at nakikita. Ayos lang sana kung mabubuti ang mga salitang namumutawi sa ating mga bibig kapag sila ay nababanggit. Kadalasan ang hindi mabuting ugaling nakikita natin sa kanila ay salamin pala ng mas masamang katangian natin. Sabi nga, "Huwag husgahan ang isang aklat dahil lamang sa kanyang pabalat." Tulad ng tao, dapat natin muna silang kilalaning mabuti upang makapagbigay tayo ng tumpak na konklusyon. Gayunman, sa halip na ikalat sa buong barangay ang kanilang baho, nararapat n suriin muna natin ang ating mga sarili upang hindi lalong "bumaho" ang ating kapaligiran.
Basahin ang maikling kuwento sa ibaba nang makapulot ng konting aral: