Dumarami ang nagtatatag ng community pantry sa kani-kanilang lugar matapos itong pasimulan ang Maginhawa Community Pantry ni Jenny Non. Ang modernong bayanihang ito ay may konseptong: "Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan." Sa ngayon ay parang kabuteng nagsulputan ang community pantry sa iba't ibang lugar sa Pilipinas.
Sa pagiging viral ng community pantry, nagsulputan din ang sari-saring bersyon nito. Binansagan ito na "communist pantry" ng ilan. Dahil napakamalikhain ang kukote ng mga Pinoy, may nagbansag din nito ng "community panty" kung saan iba't ibang klase at hugis ng panty ang nakasampay. Sa isang post naman ay mga ataul sa halip na pagkain ang ipinakitang ipinamimigay. Ito ay nagpapakita na mapagbiro pa rin ang mga Pilipino sa gitna ng pandemya kahit na may ilang bumabatikos.
Marami ring kababayan natin ang napulaan dahil sa community pantry dahil may ilan ang sobra-sobra ang kinukuhang pagkain. Bago pulaan ay dapat ding unawain ang kumukuha ng marami dahil baka marami sila sa pamilya. Ganunpaman, dapat ding isaalang-alang ng iba ang kanyang kapwa.
Nawa ay magpatuloy pa ang ganitong bayanihan. Magbahagi ang mayroon upang makakain ang iba at kunin lamang ang kailangan.