Sa tagal ko sa Saudi, ngayon ko lang nakitang masyadong naging pursigido sa pagpasok sa maliliit na negosyo ang mga Saudis. Hindi ko tuloy naalis sa isip na baka ito ay epekto rin ng global crisis. Noong una ay iilan lang sa kanila ang makikita mong naglalatag ng paninda sa mga bangketa. Halos domoble ang bilang nila sa ngayon. Maliban sa mga pabangong itinitinda, mayroon na ring mga laruan, medyas, relos at kung anu-ano pa.
Nguni't ang pumukaw sa akin ay ang nakitang pagtitinda nila ng binusang mani. Dati-rati ay iisa lang ay may ganitong puwesto sa harap ng Cash & Carry (pangalan ng isang supermarket sa Pilipinas na ginaya ang pangalan) subali't nitong huling punta ko sa bayan, naglipana na rin sila. Kung baga, tulad ng mga Pinoy, naggaya-gaya na rin sila sa ganitong negosyo. Naalala ko tuloy noong mauso ang telephone cabin. Halos lahat ng sulok ng Jubail ay may nakapwestong telephone booth. Nang mauso ang cellphone, isa-isang nangawala ang mga ito.
Ang nagtitinda ay may hatak-hatak na wheelbarrow o kareta kung saan nakalagay ang isang kusinilya, sako ng mani at mga papel na pambalot. Ang mga mani ay binubusa o sinasangag ng walang mantika kasama ang pulbos ng mais. Para raw madaling maluto at hindi masunog ang mga mani. Isang riyal ang presyo ng isang maliit na supot na tamang-tama sa tatlo katao. Mainam na kutkutin habang hinihintay matapos ang salah o prayer.
Humanga ako sa mga Sauding ito dahil hindi talaga nila ikinahihiya ang kanilang ginagawa. Sana lang, walang salmonella ang mga maning ito.