Hanggang sa
ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang mga Pilipinong hindi bumoto kina Bong
Revilla at Lito Lapid sa pagkakabilang nito sa Magic 12 sa nakaraang Halalan
2019 sa pagka-Senador. Nagtataka sila dahil sa kabila ng mga kasong isinampa sa
dalawang mambabatas, nanatiling “mahal” sila ng publiko. Ano ang dahilan kung
bakit sina Bong Revilla at Lito Lapid ang ibinoto ng taumbayan sa halip na sina
Larry Gadon, Glenn Chong, at Doc. Willie Ong?
Maraming dahilan
kung bakit sa halip na ibinoto ng nakararami ang mga baguhang pulitiko sa
pagka-Senador na wala (pang) bahid katiwalian ay ang mga nagsilbi na ang ibinoto
pa rin ng mga mamamayang Pilipino. Una, ang halalan sa Pilipinas ay “popularity
contest”. Mahirap makalusot at manalo ang mga kandidatong hindi kilala at bigla
na lang sumulpot kung saan kahit na nga napakahusay nito at maraming gagawin
para sa ikabubuti ng bansa. Nanalong muli sina Bong Revilla at Lito Lapid dahil
kilala silang mga artista at marami pa rin silang mga ta(n)gahanga kahit na
sinampahan sila ng kasong katiwalaan.
Ang pangalawang
dahilan kung bakit nanalo sina Bong Revilla at Lito Lapid ay sa kadahilanang
pinawalang-bisa naman o kaya ay hindi napatunayan na sila ay nagkasala. Ito ay
mabibigyang paliwananag sa ang pagiging mapagpatawad at/o kaiklian ng memorya
ng mga Pinoy. Hindi ba’t nanalo pa rin mayor ng Maynila si Erap Estrada kahit
na siya ay nakulong? Hindi ba’t naging House Speaker pa rin si dating Pangulong
Gloria Macapagal Arroyo kahit na siya ay nakasuhan at naka-hospital arrest?
Ikatlo, hindi
masyadong “opinionated” at nahihilig sa pulitika ang maraming mga ordinaryong
Pilipino. Kadalasan, ang usaping pulitika ay nakukulob lamang sa mga kabataang
mag-aaral, sa mga grupong kalaban ng estado, sa mga maykaya, at mga OFW na may
“internet connection.” Mas nananaisin ng mga maraming magsasaka, trabahador,
mangingisda, at mga probinsyano ang pagtuunan ng pansin kung paano sila kakain
sa araw-araw. Mas nanaisin nilang manood na lamang ng “Ang Probinsyano” kaysa
makinig ng mga debate ng mga pulitikong sa kanilang palagay ay iisa lamang
naman ang layunin – ang magkaroon ng kapangyarihan at magkamal ng kayamanan
kung may pagkakataon. Kahit na may mga TV station sa iba’t ibang panig ng
Pilipinas, ang mga baho ng mga pulitiko ay hindi lantarang ibinabalandra sa
publiko lalo na at karamihan sa mga media ay mga bayaran o nababayaran.
Napag-uusapan lamang ng mas detalyado ang mga kaso at personalidad ng mga
pulitiko sa Facebook at Twitter subali’t hindi ito malawakan dahil na rin sa
kadahilanang marami pa ring lugar sa bansa ang walang “internet connection” o
kung meron man ay mas mabagal pa sa lakad ng pagong.
Hindi mahalaga
sa maraming Pinoy kung ano ang kahihinatnan ng bansa sa mga susunod ng araw.
Ang importante sa kanila ay kung ano ang mapapakinabangan nila sa mga kandidato
bago ang eleksyon. Ito ang pang-apat na dahilan kung bakit, sa ayaw man o sa
gusto, ay napipilitan silang ipagbili ang mga boto kalakip ng kakarampot na
halaga. Para sa kanila, mas mabuti nang makinabang ngayon pa lang dahil kapag
nakaupo na ang mga pulitiko sa puwesto mahirap nang lapitan kahit na nga
madaling puntahan. Okey na ang mga bola ng basketbol o kapag sinuswerte ay
basketball court, mga sardinas, kuwatro kantos, lilimandaanin o kaya ay
lilibuhin. Para sa pananaw ng nakararami, ang mga pulitiko ay iisa lang ang
kulay – korap!
Ang pagkakaroon
ng malawakang makinarya (at makapal na bulsa) ang ikalimang dahilan kung bakit
nanalo sina Bong Revilla at Lito Lapid at natalo sina Glenn Chong, Larry Gadon
at Doc. Willie Ong. Tiyak na malaki ang ambag ng mga negosyante sa dalawa dahil
sa pakinabang na maaaring ibalik nito sa kanila. Kung baga, kailangang maibalik
ang kanilang puhunan lalo na kung sila ay taga-Cavite o Pampanga. Sino nga
namang pulitiko at nagosyante ang pupusta kina Gadon, Chong at Ong kung sa una
pa lamang ay batid na nila na sila ang titirahin ng tatlo sa kalaunan? Bakit
susuportahan ng mga datihang pulitiko ang mga baguhang ayaw ng dayaan sa
halalan, political dynasty, at pork barrel?
Ang huling
dahilan kung bakit nanalo sina Bong Revilla at Lito Lapid ay dahil nais lamang
ng nakararaming Pilipino ang maging tahimik ang pamumuhay. Napilitan silang
tanggapin ang mga suhol at bayad sa kanilang boto dahil ayaw nilang mapahamak.
Hindi prinsipyo ang kanilang ipinagbili nang tanggapin nila ang lilimandaanin o
lilibuhin kung hindi ang pagmamahal nila sa kanilang sariling buhay at sa
kanilang mga mahal sa buhay. Hindi sila dapat sisihin dahil hindi natin alam
ang kanilang katayuan sa buhay. Wala tayo sa lugar kung saan sila namumuhay.
Mas pipiliin nilang tanggapin ang perang iniaalok upang iboto ang isang
pulitiko o Party List kaysa maging isang malamig na bangkay. Iisang araw lang
ang eleksyon. Wala rin namang buti ang idudulot nito kahit sino ang piliin mong
iboto. Mabuti nang umiwas sa disgrasya sa ngayon kaysa mag-abang ng grasya
bukas.