Naintriga naman ako sa Alternative Learning System (ALS) ng DepEd kung saan binibigyan ng pagkakataon ang marami nating kababayan na hindi nakatapos ng elementarya at high school na makakakuha ng certificate sa pamamagitan ng libreng pag-aaral at makapasa sa ALS A&E (Accreditation & Equivalency) examination. Sa ganitong paraan, nakakuha ng high school certificate si Manny Pacquiao kung saan ginawa pa siyang ambassador. Nitong 3 October 2010 ibinigay ang pagsusulit sa taong ito kung saan ilan sa aking kabarangay sa Loob, San Antonio, Quezon ay kumuha ng pagsusulit. Nawa, lahat sila ay pumasa. At sana naman ay mailabas agad ng DepEd ang resulta ng pagsusulit dahil noong isang taon ay inabot ng siyam-siyam ang paglabas ng resulta. May kasama kasing essay o sanaysay ang test at ito siguro ang nagpabagal sa paglabas ng resulta. Bakit hindi na lang agahan ang pagbibigay ng essay part ng test nang sa gayon ay madaling mailabas ang resulta?
Naghanap ako ng sample ALS A&E test sa internet pero wala akong makita. Gusto ko pa namang gumawa ng reviewer na magagamit ng mga kukuha ng pagsusulit. Sa ibang bansa kasi, naka-post ang anumang test na natapos na para maging gabay o giya ng mga susunod na kukuha. Takot yatang mapagbintangan ang DepEd na may leakage kung sakaling pareho ang nasa reviewer at nasa actual test! Hindi naman nababago ang mga facts!