Ito ang palatak ni Senator Juan Ponce Enrile nang biglang nawala ang kanyang prepaid load na kalalagay lang niya ng maaga pa. Tila parang bulang nawala ang load. Napag-alaman ng senador na hindi siya nag-iisa sa pagtatakang ito. Ito ang naging dahilan upang busisiin ni Enrile ang mga telecom company upang ipaliwanag ang kababalaghang ito na noon pa nangyayari. Aalamin din niya kung bakit may "expiration date" ang mga prepaid load.
Sana ay makagawa ng panukalang batas ang magiting na senador para sa mangungurakot na ito ng mga telecom company. Aba'y parang pinagnanakawan ka na ng mga ito. Hindi naman pagkain ang mga load na kailangan pang lagyan ng expiration date at pagkatapos ay lamunin ng mga masisiba at dambuhalang telecom company (Globe, Smart, PLDT, etc.) Dapat nang matigil ang kawalanghiyaang ito! Kailangan lamang na hindi maging ningas-cogon ang bantang pagbusisi ni Enrile sa mga telecom company. Baka kasi kapag nabigyan siya ng libreng load ng mga ito ay bigla ring parang bulang mawala ang kanyang ganang pagbusisi at paggawa ng kaukulang batas upang matigil ang modus operanding ito.