Dumarami ang mga charity vloggers sa Pilipinas. Sila 'yong mga YouTube vloggers na namamahagi ng tulong pinansyal at/o materyal sa ating mga kapuspalad na kababayan buhat sa kanilang sariling bulsa o galing sa kinita nila sa YouTube. Hindi ko batid kung sino ang nagsimula ng trend na ito subali't dumarami ang subscribers, followers, at viewers ng mga vloggers na may ganitong tema.
Ang ilan sa mga charity vloggers na pinapanood ko ay kinabibilangan nina Kuya Val Santos Matubang, Kalingap Rab, TechRam, Pobreng Vlogger - Archie Hilario, Jose Hallorina, Virgelyncares 2.0., Pugong Biyahero, Kingluckss, atbp. Ang iba ay nagbibigay rin ng tulong sa mga mahihirap subali't hindi talaga ito ang tema ng kanilang vlog. Kabilang sa mga grupong ito sina Raffy Tulfo in Action, Hungry Syrian Wanderer, Japer Sniper, Ivana Alawi, Harabas, Macki Moto, atbp. Ipinabahagi lang ng mga vloggers na ito ang parte ng kanilang mga kinita sa mga mahihirap.
Dahil sa pagdami ng mga subscribers at views ng mga charity vloggers, naiinganyo rin ang iba na ito ang gawin nilang tema. Dahil maraming subscribers at views, marami rin ang kikitain ng isang vloggers. Sa totoo lang, pangunahing layunin ng isang vlogger ang kumita kahit papaano dahil hindi naman madali ang mag-vlog. Pinagtutuunan ito ng salapi, oras, at panahon. Kapareho na rin ito ng isang taong pumapasok sa opisina o pabrika dahil ang pagba-vlog ay isa na ring hanapbuhay.
Matatandaan na kaya biglang dumami ang subscribers ni Virgelyncares 2.0 ay dahil sa kaniyang vlog tungkol kay Mura Padua. Nag-trending ito nang humingi siya ng tulong sa kanyang kaibigang si Mahal (RIP). Dumami rin ang mga subscribers nina Kuya Val at Kalingap Rab nang i-feature nila si Christian, ang dating taong grasa na natagpuan ng mga kamag-anak. Ito rin ang dahilan kung bakit luminya na rin sa charity vlog si Kabusiness na dati ay nagtitinda lang ng mga makinang panahi at tutorial ang tema ng kanyang vlog.
Kung tutuusin ay iisa lang ang content ng mga charity vloggers pero bakit umaangat kaagad ang iba kumpara sa ilan? Sa aking palagay ay nasa dedikasyon ang isa sa mga dahilan. Pangalawa, dapat ay nasa puso talaga ang pagtulong. Ang unang layunin ay makatulong at hindi upang dumami ang views at kita. Pangatlo, dapat ay hindi scripted ang ginagawang pagtulong at pagbibidyo. Sa aking mga napapanood, nararamdaman kung scripted ang ilan sa mga ito. Ibig sabihin, may sinusunod na script o istorya ang vlogger at ang tinutulungan. Lumalabas tuloy na hindi natural ang mga emosyon ng mga tinulungan at tumutulong. Kung baga, hindi nakaaantig ng damdamin ng mga nanonood at ng potensyal na mga sponsors. Kapag natural ang pagtulong at walang sinasaulong sasabihin ang tinutulungan, mararamdaman mo ang kanilang mga emosyon. 'Yong iba kasi ay pinagmumukha pang kaawaawa ang isang tutulungan na hindi naman talaga ganoon kagrabe ang kalagayan. Mahahalata mo rin sa ibang charity vloggers na hindi tumataas ang subscribers at views ay ang layunin nilang kumita. Mas nakapokus sila sa madaragdag na subscribers, viewers at kita. Mapapansin ito sa mga vloggers na nakikipag-collab sa mga sikat nang charity vloggers. Binibisita nila ang mga ito upang mahikayat ding mag-subscribe sa kanila ang mga subscribers at sponsors nito. Sa palagay ko ay hindi epektibo ang ganitong istratehiya. Nanonood ang isang viewer dahil sa content at sincerity ng isang vlogger. Nais ng manonood ang sumaya, matuto, at makiisa sa karanasan ng vlogger at ng mga nakapaligid sa kanya.
Sa mga nagnanais na maging charity vlogger, isapuso na pagtulong talaga ang una ninyong layunin. Ang premyo ay darating sa araw na hindi ninyo inaasahan. Maging natural at totoo. Sinceridad ang susi ng tagumpay.