Sa hangarin kong manalo ng Carlos Palanca Memorial Award for Literature ay kakalikutin kong muli ang aking diwa upang makahabi ng pampanitikang-akda.
Nagsimula ang aking hilig sa pagsusulat noong ako ay nasa mataas na paaralan. Napili akong pangalawang-patnugot sa aming pahayagan na nasusulat sa Filipino. Hindi man kataasan, nagwagi rin ako sa ilang patimpalak na aking sinalihan. Ako nga ang tinanghal na Best in Journalism in Filipino noong ako'y magtapos ng high school.
Tila suntok sa buwan kung mapipili ang aking akda sa Carlos Palanca. Pero wala talagang mangyayari kung hindi ko susubukan. Kaya sa araw na ito at sa mga susunod pang mga araw ay lilikha ako ng mga akdang maaaring ilaban sa contest na ito. Hahayaan kong maglakbay ang aking diwa at lumipad ang aking guni-guni upang magawa ko ang aking obra-maestra.