HALOS inabot ng anim na buwan ang kaso ni Jacinto. Tinutukan ni Robert ang kaso hanggang ma-dismissed.Tatlong beses na kasing hindi sumisipot sa itinakdang pagdinig ang naholdap na estudyante. Marahil ay alam niyang abala lang ang kakaharapin dahil wala namang matibay na ebidensiya na sangkot nga si Jacinto sa holdapan.
(Image from https://s-media-cache-ak0.pinimg.com/736x/5e/3f/59/5e3f598fda0c169623c5483244fbe4a2--thin-lips-eyebrow-shapes.jpg)
Tuwang-tuwa si Jacinto nang ibalita namin sa kanya ang magandang balita.
“Talaga naman kasing wala akong kasalanan!” nakangiti niyang wika.
Simula noon ay naging madalas na ang pagkikita namin ni Jacinto tuwing may pagkakataon ako upang mag-jogging. Kung magkaminsan ay isinasama ko ang aking mag-ina sa baywalk upang lubos siyang makilala. Kalaunan, nakapalagayang loob na rin siya ni Maribel, lalung-lalo na si Annaliza.
“P-pwedeng tawagin kitang tito?” tanong niya kay Jacinto. “Wala kasi akong unclesa side ni Daddy eh!”
“’Yun lang pala,” nakangiting sagot ng aking bagong kaibigan at kababayan. “Gustong-gusto!”
Agosto 15. Galing kami ni Robert sa Manila City Hall nang matapat malapit sa CCP ang aking kotse dahil sa nakapula pa ang traffic lights. Hindi ko naiwasang maalala ang mapait na bahagi ng aking buhay na naganap ng ganitong petsa. May kaugnayan ang pagpunta namin ni Robert sa munisipyo sa aking nakaraan.
Napansin ng aking kaibigan ang pamumula ng aking mga mata.
“O-okay lang, pare!” sang-ayon nito sa nais kong mangyari gayong hindi ko pa naman sinasabi sa kanya ang nasa loob ko. Sa mga kaibigan kong malapit sa akin, isa si Robert sa iilan na may alam ng kuwento ng aking buhay.
Sa halip na dumiretso upang ihatid ang aking kaibigan sa kanyang opisina ay kumaliwa ako papuntang CCP. Matapos mag-park ay kasabay ko na si Robert sa bahaging iyon ng breakwater.Kahit matagal na ang nakalipas, wala pa ring masyadong nabago sa lugar na iyon. Naroon pa rin ang karatulang “Bawal Maligo” at “Bawal magtapon ng basura dito”.
(Image from http://www.getrealphilippines.com/blog/wp-content/uploads/2014/10/philippines_garbage_basura.jpg)
Umupo sa isang malaking tipak na bato si Robert at hinayaan akong lumakad mag-isa sa dako pa roon ng breakwater. Alam niyang kailangan kong mapag-isa ng mga sumandaling iyon.
Lumapit ako sa isang malaki at malapad na bato at kinayod ng aking sapatos ang mga lumot na dumikit doon. Napangiti ako nang naroon pa rin ang nakaukit na letrang J at M. Tila nagkabikig ang aking lalamunan nang sumagi sa aking isipan ang may-ari ng titik J na ‘yon. Nag-uunahang tumulo ang aking mga luha sa magkabilang mata. Hindi ko napigilang mapahagulgol.
Limang taon ako at wala pang natatandaang gasino nang mapadako sa lugar na ito ng Maynila. Ang alam ko lang ay kasa-kasama ko ang aking kuya kapag nagagawi rito. Ibinababa niya ako sa likuran ng mga bato at siya ay nangunguha ng mga plastic na lumulutang sa dagat.
Natatandaan ko rin na panay ang iyak ko noon dahil lagi kong hinahanap ang aking Papa at Mama. Matagal ko na kasi silang hindi nakikita. Hindi na rin ako kinakarga ng aking mga ate matapos ang nakakatakot na malakas na ulan. Dadalawa lang kami ni kuya na magkasama sa araw-araw mula noon.
Malakas na malakas ang ulan noon. Nakakatakot ang kulog at kidlat. Lalo pa akong natakot nang mapansin kong wala si kuya sa kanyang higaan, sa pinagtagpi-tagpi naming bahay sa bandang likurang ng gusaling iyon kung tawagin ng mga bumibisita ay Pok Ars.
(Image from https://curlybookworm.files.wordpress.com/2011/09/314582_2476630601189_1415197388_32904765_1019068974_n1.jpg)
Dahil sa takot ay sinuway ko ang kanyang bilin na huwag na huwag akong lalabas nang hindi siya kasama. Agad akong naghagilap ng plastic bag na ipangtataklob sa aking ulo. Hindi naman kasi kalayuan ang pinupuntahan ni kuya para mamulot ng mga plastic.
Maraming tao sa batuhan. May bata, matanda, lalaki at babae. Ang ilan sa kanila ay madalas ko nang nakikita rito. Ang ibang bata ay naging kalaro ko na rin. Dahil sa lakas ng ulan ay hindi ko maaninag si kuya kahit na nga mag-uumaga na at may ilaw naman ang ilang posteng tumatanglaw sa breakwater.
Maraming basura ang ipinadpad ng malakas na alon sa dalampasigan. Nagkakagulo ang marami sa pagsungkit ng mga boteng plastic at ilan pang bagay na gawa rin sa ganoong materyales. Kahit nakaamba ang posibleng panganib ay tuloy sila sa pamimingwit ng mga bagay na pagkakaperahan.
Ipinagpatuloy ko ang paghahanap at pagtawag sa pangalan ni kuya Intoy. Walang anu-ano ay nadupilas ako at dumausdos paibaba. Mabuti na lamang at nakakapit ako sa nakausling bato kaya hindi ako tuluyang nilamon ng alon. Paakyat na akong muli nang mula sa di-kalayuan ay narinig ko ang pagtawag ni kuya sa aking pangalan. Sumigaw ako nang ubod lakas upang marinig niya ang aking tinig.
Nasa ibabaw na uli ako nang biglang sumalpok sa katawan ko ang isang napakalaking alon. Tinangay ako nito paibaba. Habang paandap-andap na itinataas ko ang aking ulo ay narinig ko ang hiyawan at paghingi ng saklolo ng iba pang taong tinangay ng alon. Mula kung saan ay narinig ko ang malakas na hiyaw ni kuya. Iyon lang at wala na akong natandaan pa.
Pagkagising ko ay nasa ospital na ako. Iyak ako nang iyak noon. Hinahanap at tinatawag ko ang pangalan ni kuya pero tila walang pumapansin sa akin. Nang naging maayos ang aking pakiramdam ay dinala ako sa isang lugar na maraming bata. Ilang buwan lang ay may kumuha sa aking mag-asawang walang anak. Pinalaki nila ako at pinag-aral hanggang makatapos ng kolehiyo.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatayo at nakatitig sa kawalan habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw mula sa nangingislap kong mga mata. Umusal ako ng taimtim na dalangin at ipinasyang bumalik na sa sasakyan.
Habang papalapit sa kinauupuan kanina ni Robert ay nakita kong ibang tao na ang naroon. Nakatayo ito sa harap ng isang kandilang may sindi at sariwang mga bulaklak sa tabi. Kahit nasa tatlumpung hakbang ang layo ko sa kanya ay pamilyar na sa akin ang kanyang pigura. Nang makalapit ako nang husto ay nakumpirma ang aking hinala.
(Image from http://bna-art.s3.amazonaws.com/www.bootsnall.com/articles/wp-content/uploads/2009/06/manilabaysunset-reneatqc.jpg)
“Madalas ka rin pala rito, Jacinto!” ang bati ko sa aking kaibigan.
“Halos araw-araw ay naririto ako. Umulan man o umaraw!” seryosong niyang sagot.
“Sabagay,” pakli ko. “Higit na mas magandang pagmasdan ang paglubog ng araw mula rito!”
Pumihit siya ng tayo at humarap sa akin. Napansin kong namumula rin ang kanyang mga mata. Tila nanggaling din sa pag-iyak.
“Higit pa sa paglubog ng araw ang ipinupunta ko rito, lalo na ngayon!” tila may garalgal ang kanyang boses nang bitawan niya ang mga salitang iyon.
“B-bakit?” ang tanong ko.
“Naalala mo nang tanungin ako kung ano na ang nangyari sa nakababata kong kapatid?” seryoso niyang tanong sa akin.
Tumango ako.
“Ganitong petsa nang bawian siya ng buhay,” ang sabi niya habang tumutulo ang mga luha. “Dito mismo sa lugar na ‘to!”
Nabigla ako sa aking narinig. Parang pareho ang nangyaring trahedya sa aming buhay. Naging mas interesado tuloy ako sa kanyang kuwento.
Sa pagitan ng paghikbi at pagpunas ng luha sa kanyang mga mata ay ikinuwento unti-unti ni Jacinto ang nangyari dalawampu’t isang taon na ang nakalipas. Sa lugar na ito raw nang lamunin ng alon ang maraming mangangalakal isang madaling-araw habang malakas ang buhos ng ulan. Dahil nag-aarimunahan sa kikitaing pera ay hindi na pinagpabukas pa ang pamimingwit ng mga boteng plastic na lulutang-lutang sa dalampasigan.
Kabilang daw siya sa mga taong iyon. Nagawang iwanan ang natutulog na kapatid sa kanilang ginawang tirahan upang magkapera. Hindi raw niya akalaing susunod ito sa kanya.
Habang nagkukuwento ay hindi ko nagawang hindi pagmasdang mabuti ang lalaki sa aking harapan. Kumakabog man ang aking dibdib ay pilit kong pinaglalabanan. Gustong kumawala ang naiipong luha sa aking mga mata subali’t hindi ko sila hinahayaang pumatak.
“Nakita ko siya nang lamunin ng malaking alon,” tiim-bagang pinagpatuloy ni Jacinto ang pagkukuwento. “Pero wala akong nagawa!” pasigaw na wika.
Bigla siyang tumahimik. Matagal-tagal. Parang pinakakalma ang sarili kahit banaag pa sa mga mata ang mga luha.
“Ako ang kuya,” pagsisimula niyang muli. “Dapat ako ang tagapagligtas niya! Wala akong silbi!”
Napaupo si Jacinto pagkasabi noon. Tila nangalog ang kanyang mga binti. Ilang sandali pa ay narinig ko ang kanyang impit na paghagulgol.
“S-sana ay mapatawad na niya ako, saan man siya naroroon!”
Tumabi ako kay Jacinto. Hindi ko na napigilan ang mga luhang nag-uunahang pumatak sa aking magkabilang pisngi. Napahagulgol ako nang malakas. Tuloy-tuloy.
Luminga siya sa akin. Nakita ko ang pagkabigla sa kanyang mukha sa aking naging reaksyon. Mahigpit ko siyang niyakap at nagsabing, “P-pinatatawad na kita, kuya Intoy!”
Gumanti nang mahigpit na yakap ang lalaki sa breakwater. Para kaming mga batang nag-iyakan.
--o0o--