Kahit naglipana ang mga tasty, pan amerikano, monay at kung anu-ano pangklaseng tinapay, pandesal pa rin ang paboritong agahan ng mga Filipino sa Pilipinas at saanman dako ng mundo. Dahil dito, nang mapadaan kami ni Roy, ang aming Indianong purchaser, sa Al-Jubail Mukkah Al Mukaramah Street at matapat sa Altabounah Bakery ay nagpababa ako. Malinis ang loob ng bago pang tayong bilihin ng mga tinapay. Bukod sa mga tinapay, meron din tindang mga sweets na patok na patok sa mga Arabo at mga mamamayan ng Middle East. Tulad ng karamihan sa mga bakery, hindi mga Saudi ang nagluluto ng tinapay. Hindi ko lang mawari kung ang mga ito ay galing ng Turkey, Jordan o Lebanon. Bumili ako ng tatlong supot ng tinapay sa halagang 7 riyals. Kabilang dito ang tinapay na mukhang pandesal. May kalakihan ito, mabigat pero hindi masyadong hugis-pandesal dahil medyo pabilog ito.
Ang pandesal ang nilantakan ko sa aking hapunan. Inilagay ko ang 2 piraso sa loob ng microwave. Eksayted ko itong kinagat pero ganoon na lang ang aking pagkaunsyami nang hindi ko ito makagat-kagat. Para itong balat ng baka sa kunat. Kailangan ko pang hiwa-hiwain para makain. Kinuha ko ang natitira pang pandesal na hindi isinalang sa microwave at sinubukan kong pirasuhin ito. Napiraso naman. Kaya lang, nakapira-piraso talaga ito nang husto. Hindi katulad ng pandesal ng Pinoy na maaari mong palamanan sa gitna.
Ang aking natutunan, huwag na huwag paiinitin sa microwave ang anumang uri ng tinapay. Nag-iiba ang texture nito at nakunat.