Saudi Minister of Labor, HE Engr. Adel bin Mohammad Fakih
Ipinahayag ng Ministro ng Paggawa ng Saudi na si Kgg. Adeel bin Mohammad Fakih, na magtatakda ito ng kita o suweldo na maaari lamang ilabas ng isang manggagawang banyaga mula sa Kaharian ng Saudi Arabia. Sa ngayon ay hindi pa inihayag ng Ministro ng Paggawa, kung magkano ito sa ngayon. Ginawa ang pagtatakda upang mapabuti ang ekonomiya ng bansa.
Magtatakda rin ng hanggang 20 porsyento lamang ng populasyon ng Kaharian ang kabibilangan ng mangagawang banyaga . Ito ay gagawin upang sa loob ng 3 taon ay mabawasan ng 50% ang bilang ng walang trabahong Saudi sa Kaharian. Sa ngayon, mayroong 10.8% ang walang trabaho sa mga mamamayan ng Saudi.
Magsasagawa rin ng 30 mga bagong pampasiglang programa o mga inisyatibo upang makalikha ng trabaho para sa mga Sauding nakatapos ng kolehiyo. Bibigyan rin ng oportunidad na makapagtrabaho ang mga kababaihang Saudi.
Binanggit din ni Kgg. Fakih na tatanggalin nito ang Saudization at papalitan ng programang "Hafiz" kung saan bibigyan ng suporta ang mga Sauding walang trabaho hanggang sila ay magkaroon ng trabaho. Ang biyayang ito ay sisimulang ibigay sa unang pagkakataon sa susunod na buwan.
Tiyak na mababawasan ang remittance na matatanggap ng Pilipinas at mababawasan din ang mga OFW sa Saudi Arabia kapag ipinatupad na ang mga mungkahi ng Ministro ng Paggawa ng Saudi Arabia.
Kung matutuloy ang panukalang pagtatakda sa salaping maaaring ipadala ng isang banyagang manggagawa sa kanilang pamilya, nangangahulugang bababa rin ang matatanggap na remittance ng Pilipinas. Kung anuman ang maging epekto nito sa ekonomiya ng Pilipinas ay nararapat lamang na talakayin na ngayon. Isa ring nakababahala ang pagtatakda ng bilang ng mga manggagawang banyaga sa Saudi Arabia. Nangangahulugang mababawasan din ang bilang ng mga OFW dito sa Kaharian. Nangangahulugang marami ang mawawalan ng trabaho.
Sa ngayon pa lamang ay dapat nang asikasuhin ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga programa upang matugunan ang pagbabawas trabahador na ito ng Saudi Arabia.