Showing posts with label savings. Show all posts
Showing posts with label savings. Show all posts

Monday, July 3, 2017

Paano Ba Ang Yumaman?

Natural sa isang tao saanman nagmula at anuman ang estado ng buhay ang nangangarap na magkamal ng maraming pera. Ang pagyaman ay isang hangaring inaasam-sam ng bawa't isa sa atin. Ito ang dahilan kung kaya't gagawin ng isang nilalang ang lahat upang makamtan lamang ang pinapangarap.


Marami sa nagnanais yumaman ang nag-aaral nang mabuti at dinaragdagan pa ng ilang taon ito. Sila ay yaong kumukuha ng kursong Medisina at Abugasya o di kaya ay ang pagkuha ng Masteral at Doctoral Degree sa kursong tinapos. Ang mga taong ito ay naniniwala na kapag mataas ang iyong pinag-aralan ay siguradong malaki ang iyong magiging posisyon at sahod at mapapadali ang iyong pagyaman.


Hindi naman kumbinsido ang ilan na kapag mataas ang pinag-aralan ay madadali ang pagyaman. Marami rin ang nagtatatrabaho kaagad pagkatapos ng elementarya o high school. Para sa kanila, kapag maaga kang kumayod ay maaga kang magkakapera at mapapadali ang iyong pagyaman.


Pagtitipid at pag-iimpok ang magandang paraan ng pagyaman. Hanggang maaga ay dapat na magtipid at mag-impok. Iwasan ang pagbili ng mga bagay-bagay na hindi naman sadyang kailangan. Ilagak ang suweldo o kinita sa banko at ito ay palaguin. Kapag marami kang inipon, tiyak na mapapadali ang iyong pagyaman.


Wala sa pagtitipid ang pagyaman. Ang iba ay pumapasok agad sa pagnenegosyo upang yumaman. Kokonti lang ang tutubuin ng pera kapag inimbak lamang sa mga banko. Dapat ay ikaw ang makinabang sa pera mo. Magtayo ka ng negosyo at tiyak ang iyong pag-asenso.


Masyadong delikado ang pagnenegosyo. Sa isang iglap, pwedeng mawala ang pinaghirapan mo. Bumili ka ng stock ng mga negosyong kumikita na. Kapag kumita sila ng malaki, malaki rin ang dibidendo mo at tiyak na ang iyong pagyaman.


Kailangan mong mag-abroad para yumaman. Ang suweldo sa ibang bansa hamak na mas malaki kung sa lokal ka lang mamamasukan. Maraming Filipino ang umasenso nang maging Overseas Filipino Workers o OFWs. Pabalik-balik lang sila sa bansang pinagtrabahuhan. Dahil doble ang kita, mas madali ang pagyaman.


Mas madaling yumaman kapag pumasok ka sa pulitika. Kapag may kapangyarihan ka na, marami ang rerespeto sa iyo. Marami kang magiging kaibigan. Maraming hihingi ng tulong sa iyo. Kapag pinagbigyan mo sila at sila ay nagkapera, siguradong maaambunan ka nila. Habang marami silang hinihinging pabor sa iyo, parami rin nang parami ang grasya mo. Tiyak ang iyong pagyaman.


Hindi na kailangan ang maging pulitiko upang yumaman. Sumuong ka sa mga iligal na gawain at tiyak ang iyong pag-asenso. Puwede kang mamuhunan sa jueteng at iba pang uri ng sugal. Maaari ring gumawa at magbenta ng shabu. Kung malakas-lakas ang loob, puwedeng maging carnaper, holdaper at kidnaper. Dahil madali ang kita, madali ang pagyaman.


Anuman ang pinili o pipiliin nating paraan sa pagyaman, dapat nating alalahanin na ang bawa't isa ay mayroong kalamangan at kapinsalaan. Piliin yaong naaayon sa ating estado at kakayahan. Higit sa lahat, sundin lamang ang paraang naaayon sa batas upang makaiwas sa peligro.

Ano ang gagawin mo upang yumaman? At sa mga mayaman na, anong paraan ang ginamit ninyo? Ikaw, ano ang iyong gagawin upang yumaman?

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...