Bukod sa Pasko, isa pang pinakamasaya at inaabangang okasyon ng mga Pilipino sa lahat ng sulok ng mundo ay ang Bagong Taon. Isa itong pagtitipon kung saan nagkakasama ang mga miyembro ng pamilya mula bispiras hanggang sa mismong Bagong Taon.
Higit na mas masaya ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa Pilipinas. Una ay dahil mas malapit ka sa iyong pamilya, mga kamag-anak, at kaibigan. Ikalawa, pambihira ang okasyong ito dahil hindi lang mga bata ang natutuwa kundi mga matatanda rin. Kalimitan, nagiging family reunion ang Bagong Taon. Ang malalayong miyembro ng pamilya ay nagkakatipon-tipon at nagkakasayahan sa araw na ito. Ikatlo, ang Bagong Taon ay araw rin ng pagmuni-muni kung kailan ang isang indibiduwal ay gumagawa ng kanyang New Year’s Resolution, na kalimitan naman ay natutupad lamang sa mga unang linggo ng Enero. Pang-apat, lahat ng masasarap na putahe at kakanin ay inihahanda bago at sa araw ng Bagong Taon sa paniniwalang magiging masagana ang susunod na taon.
Maraming pamahiin at kasabihang lumalabas tuwing araw ng Bagong Taon. Dapat raw ay nakasuot ng kulay pula at may bilog-bilog na disenyo ang iyong suot sa araw na iyon. Kailangang may barya ang iyong bulsa o may lamang pera ang iyong pitaka upang lagu kang may panggastos sa susunod na taon. Bawal din ang magwalis palabas ng bahay sa bisperas ng Bagong Taon upang hindi lumayo ang suwerte. Para sa mga taong nais maragdagan ang taas, kailangang lumukso kapag sumapit ang ikalabing-dalawa ng gabi.
Noong bata pa ang inyong Mamay P ay nakiuuso rin ako sa mga pamahiing ito pero habang lumalaon ay nawawaglit na rin sa isipan. Hindi ko rin nakanayang gumawa ng New Year’s Resolution dahil hindi naman nasusunod. Ang hangarin ko na lamang ay maging mas mainam ang susunod na taon kaysa sa mga nagdaan.
Isa pang tradisyon at pamahiin sa Bagong Taon ay ang pag-iingay nang malakas upang mataboy raw ang masasamang ispirito. Ang pinaka-popular rito ay ang pagpapaputok ng rebentador at kwitis. Dagdag din dito ang pagkiskis ng watusi at pagsisindi ng lusis. Ang tradisyong ito ay unti-unting nawawala dahil na rin sa ordinansya ng isang lungsod o bayan. Sa ngayon, ang pagpapaputok ng rebentador at kwitis ay nagaganap na lamang sa isang designadong lugar na kalimitan ay sa mga liwasang bayan o parke. Ang bentahe sa sistemang ito ay nabawasan ang napuputulan ng mga daliri o nasasabugan sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa Australia, ipinagbabawal ang pagpapaputok ng rebentador at kwitis. Ang firework display ay nakalimita na lamang sa mga liwasang bayan at parke sa mga pangunahing lungsod at bayan. Sa Sydney, ito ay palagiang ginaganap sa Sydney Harbour Bridge kung saan libu-libong kwitis ang lumilikha ng kakaibang ingay, kulay, at liwanag na ginastusan din ng libu-libo ring dolyar.
Page 3 - Bagong Taon Na!