Dahil sa pagmamahal nila sa kalikasan, dapat lamang mapansin at bigyang parangal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Team Harabas, sa pangunguna ni Jeff Guansing ng San Jose City, Occidental Mindoro. Ang pagtatanim nila ng punong bakawan o mangrove sa ilog ng San Jose at pangunguha ng mga basura sa paligid ay mga gawaing dapat hangaan at gawing inspirasyon bilang pagpapahalaga sa kalikasan at kapaligiran.
Ang Team Harabas ay binubuo ng mga YouTube vloggers na sina Harabas, Dala Man, Mr. Bags, Pungloy, Naldong Putik, Harabe, Harabuns, Tatang, Mr. Nice Guy, Cameraman, at video editor. Nakasama rin dito panandalian si Mananabas.
Nang ginawa ng grupo ang paglilinis at pagtatanim, hindi nila hinagad na makilala at mabigyan ng pagkilala. Ang kanilang ginawa ay kusa at likas. Nais nilang yumabong pa ang ang mga punong bakawan sa dalampasigan ng ilog dahil nakatutulong ang mga punong ito upang hadlangan ang pagguho (erosion) ng lupa. Isa pa, dito naninirahan ang maraming uri ng isda at iba pang lamang-dagat. Nais ng Team Harabas na mapangalagaan ang kalikasan at kapaligiran dahil maraming mamamayan sa tabing-dagat at ilog ang pinagkukunan ito ng kabuhayan at makakain sa araw-araw.
Saludo kami sa ginagawang ito ng Team Harabas sa Occidental Mindoro. Nawa ay maging inspirasyon ang grupo sa paglilinis at pagmamahal sa kapaligiran at kalikasan sa iba't ibang dako ng Pilipinas. Sana sa mga susunod na mga araw ay mabigyan sila ng pansin ng DENR at pagkalooban ng Sertipiko ng Pagkilala upang maging maigting pa ang kanilang adhikain na malinis at mahalin ang kapaligiran at kalikasan.