Hindi kaligtasan ng mga bata kundi paghihiganti kaya ipinaaresto ni KaBusiness si Mario. Iyan ang gumugulo sa aking isipan matapos kong mapanood ang mga bidyo ni KaBusiness at Papadinz tungkol kay Mario. Nasabi ko ito dahil may nagawa si Mario kaya bumuwelta bigla ang sumisikat na charity vlogger.
(Image from KaBusiness Official YouTube Channel)
Sa hindi pa nakapapanood ng kuwento tungkol kay Mario at sa mga bata na karag-karag niya sa lansangan, maaaring panoorin ang mga bidyo ni KaBusiness DITO.
Tinulungan ni KaBusiness at ng kanyang maybahay sina Mario at ang mga bata nang makita ng una ang huli na namamalimos at nakatira sa lansangan ng Novaliches. Kinuha ni KaBusiness ang mga ito ng pansamantalang matitirahan subali't dagli ring umalis ang mga ito nang makaranas ng pambu-bully ang mga bata sa ilang mga bata sa naturang lugar. Dahil dito, inilipat silang muli ni KaBusiness sa ibang tirahan.
(Image from KaBusiness Official YouTube Channel)Nabigla na lang si KaBusiness nang makitang nasa lansangan muli sina Mario at mga bata. Sinabi ni Mario na kaya sila umalis ay nagugutom sila. Ito ay sa dahilang hindi sila nadalaw ng ilang araw at nabigyan ng tulong dahil na rin sa pagkamatay ng kapatid na lalaki ni Mrs. KaBusiness. Sabi pa ni Mario, tinawagan niya ang vlogger subali't pinatay nito ang telepono. Sagot ni KaBusiness, ginawa niya iyon dahil kasalukuyang inililibing ang bayaw. Dahil sa frustration, minabuti ni Mario na lisanin ang tirahang kinuha sa kanila ni KaBusiness. Dahil sa gawing ito, inalis na ni KaBusiness ang pagtulong kay Mario.
Ilang araw ang lumipas, napokus na naman ang atensyon ni KaBuddy kay Mario matapos may magpadala sa kanila ng litrato ng karatulang nakapaskel sa kariton ni Mario kung saan nakasulat na "ginamit" lang sila ni KaBusiness. Nakumpirma rin ni Papadinz na totoo ang karatula nang makita niya ito. Ang karatula ang naging senyales ni KaBuddy na busisiin ang tunay na pagkatao ni Mario matapos na may makapagsabi sa kanya na hindi tunay na mga anak ni Mario ang mga batang kayag-kayag nito.
Nagpunta sina KaBuddy sa Bulacan, Bulacan upang alamin ang katotohanan. Doon nila nalaman na nakakulong pala ang tunay na ina ng mga bata at patay na ang ama ng mga ito. Hinanap din nila ang panganay ng mga bata at nalamang nagpakilalang kamag-anak sa kanya si Mario kaya niya ipinagkatiwala ang kanyang mga kapatid dito.
Dahil sa mga nalaman, isiniwalat ni KaBusiness sa pulisya at ahensiya ng DSWD ang kanyang nalalaman sanhi upang maaresto at maligtas ang mga bata.
Dahil sa tayming ng mga pangyayari, hindi pa rin maalis sa aking isipan kung kaligtasan nga ba ng mga bata ang tanging motibo ni KaBusiness. Hindi kaya may halong paghihiganti ang kanyang gawi dahil napahiya siya sa mga sinabi ni Mario? Kung hindi nagsulat ng karatula sa kanyang kariton si Mario na patungkol kay KaBusiness, papansinin pa kaya niya ito?
Kung anuman ang totoong motibo ni KaBusiness, siya lang ang makasasagot nito. Nasa mga viewers na rin kung ano ang kanilang konklusyon. Gayunman, wala na sa poder ni Mario ang mga bata. Ang tanong, kaya kaya ng mga nasa DSWD na tugunan ang mga pangangailangan ng mga bata? Kung oo, hanggang kailan? Hindi kaya sila maging mamamalimos pa rin sa hinaharap?
--o0o--