Showing posts with label Thessalonica Farm. Show all posts
Showing posts with label Thessalonica Farm. Show all posts

Wednesday, December 22, 2021

Malubhang Pinsala ng Bagyong Odette, Ibinahagi ng mga Vloggers

         Ibinahagi at ipinamalas ng mga YouTube vloggers sa buong mundo ang malubhang pinsala na dulot ng Bagyong Odette sa Hilagang Mindanao at Kabisayaan nitong December 16 - 18, 2021. Ang super bagyo na may international name na Rai ay pumasok sa Philippine Area of Resposibility (PAR) noong December 15, 2021 at mabagsik na nag-landfall sa Dinagat Island noong December 16, 2021 na may dalang hangin na umaabot sa 260 kilometro bawat oras. 

Surigao del Norte
(Image taken from https://moscowmulesonparade.com)

        Dahil sa malawakang pagkasira ng mga impraistraktura, transportation at telecommunication network, tanging ang mga Youtube vloggers sa Kabisayaan at kanugnog na lugar ang namahagi at nagpamalas ng hagupit at pinsala ng Super Bagyong Odette, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Nanlumo ang marami sa pinsalang idinulot ng ika-15 bagyong pumasok sa Pilipinas sa taong 2021 kung saan higit sa 275 ang nawalan ng buhay, bukod pa sa mga nawawala at nadisgrasya.

Siargao Island

            Kabilang sa unang nagbahagi ng kanyang karanasan sa bagyo ay si Thessalonica, isa sa  mga sikat na vlogger na may kinalaman sa pagsasaka at creator ng Thessalonica Farm. Sa kanyang vlog na inilathala noong December 20, 2021, maiyak-iyak at nakapanlulumong ipinakita  ni Thessalonica ang malaking pinsalang dulot ni Odette sa kanyang farm sa Bohol. Tumba lahat ang higit-kumulang sa 2,000 puno ng saging na kanyang tanim, wasak ang kulungan ng kanyang mga baboy na nawawala rin, sira  ang kanyang mga incubators, at maraming namatay sa kanyang mga alagang manok at itik, maliban pa sa pagkasira ng kanyang ipinatayong bahay, gayundin ang tinutuluyan ng kanyang mga tauhan. Sa kanyang vlog, dama mo ang kanyang lungkot at pagkadismaya dahil sa isang iglap ay nawala ang kanyang pinagpaguran. Gayunman, ipinagpasalamat pa rin ng mabait at seksing vlogger na ligtas sila at sinabing hindi niya alam kung kailan at paano makapagsisimulang muli, kahit na naroon pa rin ang pag-asa sa kanyang mga mata.

Thessalonica

            Ipinahagi naman ng The Ahern Family  sa pamamagitan ni Brian Ahern ang kanilang karanasan nang gabing dumaan ang Bagyong Odette sa tahanan ng kanyang biyenan sa Talibon, Bohol.  Nagkataon kasing bumisita silang mag-anak doon matapos na bumalik siya sa Pilipinas kasama ang dalawang anak. Biglang lakas ang ihip ng hangin nang gumagabi na hanggang magkaroon ng blackout. Natanggalan ng bubong ang bahay ng kanyang mga biyenan at nabasa ang kabahayan, maging ang mga gamit at materyales sa panggawa ng doormat. Ang nakapanlulumo, nabagsakan ng isang puno ang ginamit nilang sasakyan kaya nabasag ang salamin nito sa likuran at nayupi rin ang tagiliran. Tulad ni Thessalonica, nagpasalamat din ang pamilya Ahern dahil walang nasaktan sa kanila. 


            Halos lahat ng vloggers na naninirahan sa dinaanan ng Bagyong Odette ay may kani-kaniyang kuwento at karanasan sa pinagdaanang kalamidad. Ang iba ay hindi makapaniwala sa nasaksihan, ang ilan ay nanghinayang sa mga ari-ariang kanilang itinaguyod at iglap na nawala, at may mga vlogger naman ang dagling namigay ng tulong matapos ang bagyo. Nauna pa nga ang ilan sa mga politiko at lider ng bansa na namigay ng tulong sa kanilang mga kabarangay. 

            Isa sa mga nagpaabot ng ayuda sa mga napinsalang kababayan ay si Jigger Villacorta ng Negros. Namahagi siya ng mga isda at bigas sa kanyang mga kababayan, kahit siya mismo ay napinsala rin ng bagyo.

Jigger Villacorta

            Maraming aral ang natutunan ng ating mga kababayan dahil sa Bagyong Odette. Isa na rito ang laging pagsunod sa mga tagubilin ng ahensiya at lider ng bansa. Marami kasi ang hindi agad naniwala na maaaring super bagyo ang darating dahil napakainit ng araw at maaliwalas ang panahon noong umaga ng December 16, 2021. Laging maging handa sa oras ng kalamidad. Magtungo sa mataas at ligtas na lugar kapag ipinalilikas. Huwag magtanim ng mga mangga at puno ng niyog malapit sa bahay. Laging suriin ang estado ng bahay kahit walang kalamidad.

            Sa kabila ng malawakang pinsalang dulot ng Bagyong Odette sa buhay at kabuhayan ng mga Filipino, nanatili pa rin ang bayanihan at pagtutulungan. Dahil sa kaugaliang ito, nanatili ang pag-asa sa malulungkot ng mga mata ng mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay (higit sa 375 katao) at/o kabuhayan. Muli silang babangon sa trahedyang ito. 

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...