Showing posts with label wikang banyaga. Show all posts
Showing posts with label wikang banyaga. Show all posts

Saturday, August 26, 2017

Sanaysay: Filipino - Wikang Mapagbago

Ang buwan ng Agosto ang napiling buwan ng wika bilang parangal sa “Ama ng Wikang Pambansa” na si Manuel L. Quezon. Taun-taon, ang wikang Filipino ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng tula, isahan o lahatang pagbigkas, paggawa ng poster o islogan, dula, sanaysay, atbp. upang bigyang pansin ang kahalagahan nito sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa taong 2017, ang Buwan ng Wika ay may temang Filipino - Wikang Mapagbago.


Tunay ngang mapagbago ang wikang Filipino. Pinatunayan ito ng pag-angkat ng mga salitang dayuhang hindi maisalin ng tuwiran sa ating wika upang higit na maunawaan ng balana. Karamihan sa mga salitang ito ay tungkol sa pagbabago sa teknolohiya at sa pagdagsa ng mga kagamitan ukol dito. Halimbawa ng mga salitang ito ay kompyuter, internet, google, na isinalin sa Filipino ang pagbaybay o tuwirang kinopya ang ispeling sa Ingles.


Bago pa ang mga salitang hango sa teknolohiya, nauna nang umunlad ang wikang Filipino dahil na rin sa pag-iimbento ng mga salitang nagmula sa mga bakla o yaong tinatawag na beki o gay lingo. Maliban sa mga pangalan ng mga sikat na tao o lugar na nabigyan ng iba’t ibang kahulugan, maraming salita ang naidagdag sa lengguwahe ng mga Filipino. Ilan sa mga ito ay bigalou(malaki), chipipay (cheap), kirara (panget), at shokot (takot).


Napayaman nga ang wikang Filipino dahil sa pagdagdag ng mga hiram ng wika at inimbentong salita ng mga bading, hindi naman napalaganap nang husto ang wikang Filipino sa nagdaang mga taon. Marahil, ito ay dahilang mas minahal natin ang wikang English kaysa sa sariling atin. Pagmasdan na lang ang mga senyales sa trapiko, marami pa rin ang nakasulat sa Ingles gayong mas maraming Filipino ang nakatira sa Pilipinas. Ang mga naglalakihang billboard sa kahabaan ng EDSA, SLEX at NLEX na may mga anunsiyo, kadalasan ay nakasulat sa Ingles.


Natural lamang na mag-aral at matuto ng wikang banyaga  tulad ng Nippongo, Arabia, Korean, Mandarin atbp. ang ating mga kababayang nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa. Subali’t isa namang kahibangan na isalin sa wikang banyaga ang ating mga anunsyo, balita, pelikula atbp. habang ang mga banyagang ito ay nasa Pilipinas. Samantalang nahihirapan ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na unawain ang wika ng mga dayuhan habang sila ay nasa ibang bansa, tayo naman sa Pilipinas ay isinasalin pa sa kanilang wika ang wikang Filipino habang sila ay naninirahan, bumibisita o nag-aaral sa Pilipinas!



Ang wikang Filipino ay sadyang magbabago sa darating pang panahon subali’t ang pagbabago ay hindi nangangahulugan ng pag-unlad. Nararapat lamang na ipalaganap natin ito sa buong mundo. Dapat na pag-aralan at matuto ng wika natin ang mga dayuhang naririto sa Pilipinas katulad ng ginagawa ng mga kababayan natin na nasa kanilang mga bansa. Nakatutuwang marinig sa susunod na mga araw na sinasalita sa buong mundo ang ating wika. Hindi ito imposible dahil laganap sa iba’t ibang bansa ang ating lahi.

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...