Pasko ang pinakamasaya at pinanabikang araw ng mga Pilipino. Bilang isang Kristiyanong bansa, bukod sa Mahal na Araw, hindi kinalilimutang ipagdiwang ng mga Pilipino ang Pasko maski na anuman ang sitwasyon sa buhay dahil ang araw ng pagsilang ni Hesus ay isang simbolo ng pagmamahal at pag-asa.
Maagang nagdiriwang ng Pasko ang mga Pilipino. Setyembre pa lang ay pumapailanlang na sa himpapawid ang mga awit ng Pasko. Mga ilang linggo lang ay unti-unti nang napupuno ng dekorasyong pampasko ang paligid. Mayroon ng parol sa mga bintana at mga kumukuti-kutitap na Christmas lights sa mga mall, parke, kalsada, bahay-pamahalaan at kung saan-saang dako. Nagpapataasan ang mga Christmas trees sa iba’t ibang lungsod at bayan. O, kaya saya-saya ng paligid lalo na at maririnig mo ang nangangaroling na mga bata!
Kahit ipinagdiriwang ang Pasko sa Australia, hindi ito kasingkulay at kasingsaya tulad sa Pilipinas. Gayunman, napapalamutian din ng mga dekorasyong pamasko ang mga naglalakihang mall, mga parke, at ilang tahanan. Kung susuriin nga ay tila mapanglaw ang Pasko sa Australia kung ikaw ay isang Pilipino.
Dahil naiinip ang inyong Mamay P, naisipan kong gumawa ng parol na isasabit ko sa harap ng bahay. Hugis estrelya ang parol na aking ginawa. Ito ang disensyo ng parol na malimit kung gawin sa Pilipinas man o sa ibang bansa kung may mga materyales. Gawa ito sa kawayan, papel de hapon, at cellophane. Natutunan kong gawin ang nasabing parol sa pagmamasid sa isang karpinterong gumawa ng bahay ng aking Nang Ores. Dahil kakaiba ang disenyo, ito ang naging paborito kong parol mula noon.
Tiyaga ang kailangan upang matapos ang parol dahil tiyak na mababagot ka kung wala ka nito. Ang mahirap na parte ay ang pagtatali ng mga dulo ng kawayan. Pasensya rin ang kailangan sa pagbabalot ng parol. Nilutong cassava powder na may konting suka ang aking ginawang paste.
Pagkatapos kong gawin ang parol ay gumawa rin ako ng maliliit na parol sa gawa sa styrofoam na inihugis ko sa korteng bituin. Sa gitna ng maliliit na mga parol ay inilagay ko ang “Merry Christmas & Happy New Year”. Akin itong isinabit sa itaas ng garahe at nilagyan ng Christmas lights. Kahit paano ay nakarama rin ako ng kakaibang Pasko dahil sa aking ginawa. Syempre, hindi kumpleto ang Pasko kung walang Christmas tree at Santa Claus.
Masaya ang araw ng Pasko sa mga tahanan ng mga Pilipino rito sa Australia. Araw ito kung kailan nagkakasama-sama ang kani-kanilang pamilya at kaibigan kahit isang araw lamang. Dahil Pinoy, umaapaw sa masasarap na pagkain at kakanin ang hapag-kainan. Kahit sa konting oras ay naipagdiwang nila ang ang Pasko nang masaya at punumpuno ng pag-asa, tulad din ng pagdiriwang naming magkakapamilya rito. Nagpapatunay lamang na kahit saanman naroroon ang isang Pilipino ay hindi niya nakalilimutan ang nakagisnang tradisyon at kultura.
Maligayang Pasko, mga apo!