Lalong lumalala ang giyera sa pagitan ng Hamas at Israel kung saan mahigit tatlong libong Palestino at isang libo't dalawandaang Israelyano na ang namamatay magmula nang magsimulang umatake ang Hamas sa Israel noong ika-7 ng Oktubre, 2023. Karamihan sa mga nasawi ay mga sibilyan sa magkabilang panig, kabilang na ang 3 Filipino.
Nagbigay abiso ang Israel na lumikas papuntang timog ang mga mamamayan ng Gaza bilang paghahanda sa susunod nitong pag-atake sa mga lider ng Hamas. Sinabi naman ni President Biden ng Amerika na "isang pagkakamali" ang pagkubkob ng Israel sa Gaza. Maraming lugar sa Gaza ang limitado na ang suplay ng tubig at iba pang pangangailagan dahil sa pagsakop ng mga Israelyano.
Sa kabila ng lumalalang sitwasyon, nanatiling kalmado ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa Israel at Gaza. Karamihan sa kanila ay wala pang balak na lisanin ang lugar. Masasabi tuloy na tila desperado ang ating mga kababayan dahil inuuna nila ang ekonomiya kaysa sariling kaligtasan. Gayunman, nanatiling alerto ang mga ahensya na gobyerno kung sakaling magkaroon ng malawakan at sapilitang pagligtas sa Israel at Gaza.
Pinangangambahan na maging malawakan ang digmaan kung hindi agad masasawata. Kaya gayon na lamang ang diplomasyang ginagawa ng United Nations, US, at Egypt.