MULA SA kinalalagyan ay umaliwalas ang mukha ni Ruben. May nababaanag na siyang mga kumukuti-kutitap na ilaw sa malayo. Pamilyar na ang tanawing iyon. Nang makatapos kasi ng mataas na paaralan ay hindi na siya nakatuntong ng kolehiyo dahil sa kahirapan. Tinuruan at isinama siya ng kanyang ama sa pangingisda magmula noon. Hindi siya maaaring magkamali. Ang direksyong tinatahak ng kanyang bangka ay ang Baryo Alimasag.
Mula nang datnan ay hindi na nakipaglaro pa sa mga lalaki si Arminda. Nag-iba na rin siya ng bihis. Ang dating kamison lang ay nasapinan pa ng kamiseta o makapal na damit pambabae. Nagkaroon na rin siya ng kamalayan sa kanyang ayos at pananalita. Hindi basta-basta lumalabas ng bahay nang hindi maayos na nakasuklay ang mga buhok. Binibigyan malisya na ang patingin-tingin at pasulyap-sulyap nina Ruben, Natoy, Turo at iba pang kabataan sa kanilang baryo.
(Image from https://i.ytimg.com/vi/LVhmIbcnod4/maxresdefault.jpg)
Hindi lamang ang mga magulang na sina Ka Crispin at Ka Trining at mga nakababatang kapatid na sina Ilyo at Rebecca ang kinasasabikang makitang muli ni Ruben. Nais din niyang makita at mayakap nang mahigpit ang kanyang kasintahan. Ang tagal-tagal na nilang hindi nagkikita. Sa palagay niya ay sabik na sabik na rin itong magkatagpong silang muli. Sa puntong ito ay nanariwa sa kanya ang kanilang huling pagniniig.
Sa mga kabataang umakyat sa kanya ng ligaw matapos ang kanyang ika-labingwalong kaarawan, tanging si Ruben ang binigyan ni Arminda ng kaukulang pagtingin. Tuwang-tuwa ang binata nang sagutin niya sa tuktok mismo ng parola.
“Talagang-talaga?” nakangiti nitong tanong nang marinig ang kanyang sagot sa iniluluhog na pag-ibig.
Tumango siya habang nakangiti.
“Gusto kong marinig!” utos ni Ruben.
Nahihiya man ay napilitan siyang magsalita. “M-mahal din kita, Ruben!”
(Image from http://elinordewire.blogspot.com/2015/02/)
Lumapit sa kanya si Ruben. Mahigpit na yumakap. “Mahal na mahal din kita, Arminda!” Naramdaman niya sa kanyang balikat ang luhang pumatak mula sa mga mata ng kasintahan. Hindi na siya nakatanggi ng halikan siya nito sa labi. Maalab, mainit at punumpuno ng pagmamahal.
Bago sila umalis ng parola ay nagsumpaan pa sila sa isa’t isa na sila lamang sa bandang huli. Sa pamamagitan ng pako, umukit pa ng isang puso na may pangalan nila si Ruben sa nakasaradong pinto. Nagalit man si Tata Ambo sa ginawa ng kasintahan ay wala naman itong nagawa dahil inaanak niya sa binyag si Ruben.
Ano’ng ligaya ni Ruben simula nang sagutin siya ni Arminda. Liyad ang kanyang dibdib sa daan kapag magkasama sila ng kasintahan. Kahit sino naman ay ganoon din ang magiging pakiramdam lalo na at isa sa pinakamagagandang dalaga si Arminda sa Baryo Alimasag. Iyon din ang dahilan kung bakit lalo siyang nagsipag sa pangingisda. Nais niyang patunayan sa mga magulang ng kasintahan na kaya niyang buhayin nang mariwasa si Arminda kahit hindi siya nakatuntong ng kolehiyo.
Nang makarating sa parola ay nagtaka si Arminda. Napansin niyang natatanggal na ang pintura nitong puti. Nagtaasan na rin ang mga damo sa paligid. Naisip niyang tila napabayaan na ni Tata Ambo ang pangangalaga sa parola. Halos magiba na ang pintuan nito nang kanyang itulak. Nang makapasok at tahakin ang paikot na kahoy na hagdan ay dinig niya ang paglangitngit nito. Bigla niyang naisip ang nangyari dalawang buwan na ang nakalipas.
(Image from https://www.pinterest.com/pin/149111437642556864/)
Ipinagpalagay ng mga naninirahan sa Baryo Alimasag na patay na sina Ruben at ang kanyang mga kaibigan nang isang linggo na ay hindi pa sila bumabalik. Ipinagpalagay naman ng ilan na marahil ay kinuha ng mga hindi kilalang nilalang ang mga binata. Kuwento na kasi iyon ng mga matatanda simula nang magkasunod-sunod na hindi magsibalik ang ilan sa kanilang kabataang lalaki. Ang mga bangka na lang ng mga ito ang natatagpuan sa dagat.
Halos araw-araw si Arminda sa parola nang hindi pa bumabalik sina Ruben. Gusto na niyang maniwala sa sabi-sabi na maaaring patay na ang kasintahan. Nguni’t ayaw tanggapin ng kanyang puso ang maaaring sinapit ng kanyang minamahal. Ngayon pang may nangyari na sa kanila sa parola.
“Mag-iipon lang ako ng konti at mamamanhikan na kami sa inyo!” malambing na wika ni Ruben kay Arminda habang hinahalikan ang mga matang nitong puno ng luha, matapos nilang pagsaluhan ang pag-ibig. Narinig niya ang pasasalamat ng kasintahan sa kanyang sinabi. Ayaw din kasi niyang matulad si Arminda sa ilang kababaihan na iniwan ng kasintahan matapos maanakan. Magiging malaking kahihiyan iyon sa pamilya ng kasintahan. Hindi naman siya iresponsable para gawin iyon.
Dahan-dahang inakyat ni Arminda ang parola. Kailangan niyang makarating sa tutok nito upang sindihan ang mga gaserang naroroon. Ang mga iyon ang magsisilbing tanglaw ng mga mangingisdang pumapalaot. Magmula kasi nang ipasara ito matapos maipatayo ang bagong tanglawan sa kabilang ibayo ng baryo ay nawalan na ito ng kuryente. Subali’t kailangan niyang lagyan ng ilaw ang lumang parola dahil dito sanay si Ruben. Baka maligaw ang kanyang kasintahan kapag hindi nakita ang tanglaw mula sa laot.
Maraming nahuling isda sila Ruben at ang dalawang kababata nang araw na iyon. Binalak nilang umuwi na pagkatapos ng huli nilang paglambat. Puno ng isda ang lambat nang kanilang iahon. Tuwang- tuwa ang magkaibigan dahil malaking pera ang kanilang kikitain. Kasalukuyan nilang inilalagay ang mga nahuli sa mga tiklis nang mapansin nila ang isang kakaibang isdang ngayon lang nilang nakita. Ipinasya ng magkaibigan na ihawin iyon para sa kanilang agahan. Masarap ang lasa ng isda. Kakaiba ang linamnam nito. Matamis-tamis na hindi mo mawari.
Dahil sa puyat at kabusugan ay hinabol ng antok ang tatlo. Nang magising ay nasa loob na sila ng isang silid na napakaganda ang paligid. Mula sa isang pintuan ay bumulaga sa kanila ang tatlong babaeng ubod nang ganda na may dalang mga pagkain. Aminin man o hindi, mas magaganda ang mga iyon sa sinumang babae sa Baryo Alimasag, kasama na si Arminda.
Itutuloy...
Dahil sa puyat at kabusugan ay hinabol ng antok ang tatlo. Nang magising ay nasa loob na sila ng isang silid na napakaganda ang paligid. Mula sa isang pintuan ay bumulaga sa kanila ang tatlong babaeng ubod nang ganda na may dalang mga pagkain. Aminin man o hindi, mas magaganda ang mga iyon sa sinumang babae sa Baryo Alimasag, kasama na si Arminda.
Itutuloy...