Showing posts with label Ang Babae sa Parola - Part 3 of 3. Show all posts
Showing posts with label Ang Babae sa Parola - Part 3 of 3. Show all posts

Friday, August 18, 2017

Maikling Kuwento: Ang Babae sa Parola - Part 3 of 3

PAGKATAPOS sindihan ang mga gasera ay sandaling tumanaw si Arminda sa labas ng parola. Naiiyak pa rin siya sa maaaring sinapit ng kasintahan. Ipinalangin na sana ay isa ang bangka ni Ruben sa mga ilaw na natatanaw niya sa gitna ng dagat. Matapos pahiran ang luha ay inikot-ikot niya ang paningin. Lumapit siya sa pintong-bakal at sinalat ang ginawang puso roon ni Ruben. Nang magbaba siya ng mga mata ay napansin niyang naiwan sa susian ang susi. Naisip niyang baka nakalimutang tanggalin ni Tata Ambo sa pagmamadali.


Inikot ni Arminda ang susi. Umawang ang pintuan. Matapos ilagay ang susi sa bulsa ng suot niyang saya ay marahan niyang itinulak ang pinto at siya ay pumasok. Inihakbang sa hagdan paitaas ang mga paa. Iniyuko ang ulo dahil mababa na ang pinakakisame nito. Nakakatatlong hakbang pa lamang siya nang biglang lumakas ang ihip ng hangin. Biglang sumara ang pintong-bakal. Sa gulat ay biglang napaunat ang buo niyang katawan. Naramdaman niya ang pagtama ng kanyang ulo sa pinakakisame ng parola. Hindi na niya nalaman pa ang sumunod na pangyayari.


Nang maubos ang ihinandang masasarap na pagkain ng tatlong dalaga ay sinamahan sila ng mga ito sa pinakapuno ng komunidad. Nang mapunta sila roon ay may mga lalaking bumabati sa kanilang tatlo. Nakilala ni Ruben ang ilan sa mga ito. Mga kababayan niyang matagal nang nawawala at ipinagpalagay na mga patay na. Napansin din niyang parang hindi nagsisitanda ang mga ito. Ang ilan sa mga kababaryo ay may akay at pangkong mga bata katabi ng magagandang dilag.



Ngayon lang nakakita ng ganoong kagandahan si Ruben. Kahit sino sigurong lalaki ay maaakit at mabibighani sa mala-diyosang ganda ni Reyna Elvira. Sa kanilang tatlong magkakaibigan, higit ang atensyong ibinibigay nito kay Ruben. Alam ng binatang kahit medyo kayumanggi ang kanyang kulay ay may mukha at katawan naman siyang maipagmamalaki. Patunay ang madalas na pagkuha sa kanya bilang konsorte sa kanilang baryo.


Tanaw na ni Ruben ang parola. Mula sa kinaroroonan ay namalas niya ang aandap-andap na liwanag ng mga gasera. Ipinagtaka niya iyon dahil malaking spotlight ang dating nagsisilbing tanglaw ng mga mangingisdang pumapalaot. Gayunpaman, nagpasalamat siya sa tanglaw dahil nakarating siya sa pupuntahan.

Kinabukasan ay nagtungo sa lumang parola ang mga magulang ni Arminda, kasama ang kapitan del baryo, si Marissa, at ilang kapitbahay nang hindi umuwi ang dalaga kinabukasan. Sinuyod nila ang lugar habang tinatawag ang pangalan nito. Pinuntahan din nila ang tuktok ng parola. Kinatok-katok ni Tata Ambo ang pintong-bakal habang isinisigaw ng mga kasama ang pangalan ni Arminda. Hindi naman mabuksan ng matanda ang pinto dahil nawawala ang susi nito. Ipinasya nilang bumaba na at ipinagpatuloy sa kapaligiran ng parola ang paghahanap.


Magkahalong iyak at tuwa ang namutawi sa mga magulang at kapatid ni Ruben nang makita ang binata. Ipinagpasalamat sa Diyos ang himalang pagbabalik niya.

“Saan ka ba napadpad bata ka?” tanong ni Ka Crispin. “Aba’y isang taon kang nawala!”

Kumunot ang noo ni Ruben sa narinig. “I-isang taon po?” ulit niya.

“Aba’y oo!” sagot ni Ka Trining. “Pinagbabang-luksa ka na nga namin noong isang linggo!”

Inakala pala ng mga ito ay patay na siya. Nguni’t kung susumahin niya ang inilagi niya sa islang napadparan ay isang linggo lamang ang inilagi niya roon.

Ikinuwento ni Ruben ang nangyari sa kanilang tatlo nina Natoy at Turo matapos kainin ang kakaibang isdang kanilang nahuli. Isang napakagandang isla raw iyong sagana sa mga pagkain. Para raw paraiso kung kanyang pagmasdan. Mababait ang mga naninirahan at ubod ng kagaganda ng mga kababaihan.

“Naroon po ang nawawala nating kabinataan. Puro de-pamilya na!” dagdag ni Ruben.

“Eh sina Natoy at Turo, nagpaiwan doon?” tanong ni Ka Crispin.



“Ayaw na pong umuwi ng dalawang iyon. Sa hitsura ba naman nila ay sinong mga dalaga rito ang magkakagusto?’”nakangiting tugon ni Ruben. “Doon, sila ang pinag-aagawan ng mga magagandang dilag!”

Ikinuwento rin ng binata na siya ang nagustuhan ng pinakapinuno ng islang iyon. Hinandugan siya ng mga alahas na ngayon lang niya nakita sa buong buhay niya. Isa pa ay saksakan ng ganda ang reyna. Kung wala raw siyang kasintahan ay baka nagpaiwan na rin siya roon.

Patuloy ang pagkukuwento ni Ruben nang biglang makarinig siya ng iyak ng sanggol sa kanyang silid. Pumasok doon ang kanyang ina at nang lumabas ay may karga ng isang sanggol na lalaki. Inilapit ni Ka Trining kay Ruben ang bata.

“Ang kyut at guwapo naman! Kaninong anak ito?” magiliw niyang tanong



“A-anak mo ‘yan... si Armando!” sagot ni Ka Crispin.

“P-paanong?” nagtatakang tanong ni Ruben.

Hindi alam ni Arminda kung ilang oras siyang nawalan ng ulirat. Maliban sa nakitang natuyong dugo sa kanyang ulo ay wala siyang naramdamang sakit sa buong katawan. Sa pakiwari nga niya ay magaan na magaan ang kanyang pakiramdam. Binuksan niya ang pintong-bakal at lumabas. Nang tangkain niyang buksan uli ang pinto ay hindi na niya itong mabuksang muli. Nala-lock pala ito sa loob. Naalala niya ang ginamit na susi kagabi subali’t wala na ito sa bulsang pinaglagyan.



Nakita ni Arminada ang mga taong tila may hinahanap sa di-kalayuan nang makababa at makalabas siya ng parola. Tinawag niya ang kanyang ina subali’t parang hindi nito naririnig ang kanyang pagtawag. Ipinagpalagay niyang dahil sa lakas ng hangin. Ipinasya niyang umuwi na lamang dahil may naghihintay pa sa kanya sa bahay. Bumalik siya kinagabihan at muling sinindihan ang mga gasera. Ginawa niya iyon araw-araw. Umulan man o bumagyo. Walang liban. Kailangang may sindi ang mga gasera ng parola upang matanglawan ang mga mangingisda lalo na sa pagbabalik ni Ruben.

Mapulang-mapula ang mga mata ni Ruben matapos mapakinggan ang kuwento ng ina. Tuluyang napaiyak nang kargahin ang anak.

“Simula noon ay wala nang nagagawi sa parola lalo na nang naipatayo na ang bago sa kabilang ibayo,” pagpapatuloy ni Ka Trining.

“Maliban sa luma na ay ginawang katatakutan ang parola. May lumalabas daw na mahiwagang babae tuwing gabi. Nagsisindi ng mga gasera!” dagdag ni Ka Crispin.



“Meron nga po akong nakita kanina,” alala ni Ruben.

Kinaumagahan ay nagtungo si Ruben sa parola. Mula sa malayo ay tanaw na niya ang lugar na naging saksi ng pag-iibigan nila ni Arminda. Nang makalapit ay napansin niya ang magubat na kinalalagyan nito. Natutuklap na ang mga pintura at kinakalawang na ang mga bakal ng bintana. Nang umakyat ay muntik na siyang nahulog kung hindi nakahawak sa kapitan ng hagdan. Nang sapitin ang lugar kung saan siya sinagot ni Armina ay nagsimulang mamasa ang kanyang mga mata. Napahagugol nang maalala ang kanilang naging pagtatalik ng kasintahan isang araw bago siya umalis kasama nina Natoy at Turo.

Tinanaw ni Ruben ang kalawakan ng dagat mula sa isang bintana ng parola. Nakita niya ang mga gasera sa pasimano ng mga bintana gayundin ang posporong ginamit. Mula sa bintana ay lumapit siya sa pintuang-bakal. Sinalat sa dingding nito ang pusong ginawa nila ni Arminda. Dahil sa kalawang ay hindi na makita itong mabuti.




Paalis na si Ruben nang makita ang isang paa ng step-in na nakasingit sa pinakailalim ng pintuan. Hinatak niya ito. Bigla siyang kinabahan nang mahawakan ang plastic na sapin sa paa. Kahit lumang-luma na ay kilala niya kung sino ang nagmamay-ari nito. Iyon ang regalo niya kay Arminda noong mag-debut ito.

Puno ng kaba ang dibdib ni Ruben habang inuuga-uga ang pintong-bakal. Tumutulo na ang kanyang mga luha at basa na rin sa sipon ang magkabilang butas ng kanyang ilong sa ginagawa. Ilang pag-uga pa ay natanggal ang mga turnilyong kumakapit sa bakal na pinto at ng sementong kinakapitan nito.

Nagising si Arminda nang marinig ang mahinang pagtawag ni Ruben sa kanyang pangalan. Masayang-masaya siya dahil natupad na ang kanyang dinadalangin. Nakabalik na ang kanyang kasintahan. Matutuloy na ang kanilang kasal. Mapapabinyagan na nila ang kanilang anak na si Armando.



Binaba ni Ruben sa sahig ang natanggal na pintong-bakal. Isinungaw niya ang kalahati ng kanyang katawan sa lagusan. Lalong nanangis ang binata nang makumpirma ang kanyang hinala.

Walang paglagyan ng tuwa si Arminda nang masilayan ang kalahating katawan ng kanyang minamahal. Yumakap siya rito nang mahigpit nang makitang umiiyak ito sa kanyang harapan. Nagtaka siya nang hindi gumanti ng yakap ang matagal na niyang hinihintay. Ang taong gabi-gabing nilalaanan niya ng tanglaw sa parola.

Muli sanang yayakap si Arminda nang makita ang iniipon na mga buto ng tao ni Ruben. Napaiyak din siya nang makita ang isang pares ng kanyang step-in na hawak-hawak ng minamahal. Iyon ang suot niya nang nabigla siya at nauntog sa pader ng parola nang biglang sumara ang pintong-bakal.



Yumakap si Arminda nang mahigpit kay Ruben habang unti-unting naglalaho ang kanyang kaluluwa. Naramdaman ni Ruben ang malamig na hangin na tila nakayapos sa kanya. Nasambit niya nang buong pagmamahal ang pangalan ni Arminda, ang babae sa parola. Kasunod noon ay ang kanyang paghagulgol muli.

Wakas

--o0o--


Isulat ang inyong komento sa box.

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...