Kahit inaasahan na ng ilan nating kababayan, marami pa rin ang nagtaas ng mga kilay nang tanggapin ng "Pambansang Kamao" Manny Pacquiao ang nominasyon ng PDP-Laban (Pacquiao-Pimentel wing) bilang pagka-Pangulo sa Halalan 2022. Ito ay dahil sa inaarok ng ilan ang kwalipikasyon ni Manny bilang Presidente.
Batid naman natin na hindi nakapag-aral ng pormal si Pacman dahil sa rin sa kahirapan at maagang pagsabak sa boksing upang mabuhay. Kung matatandaan, nakatapos siya ng high school sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS. Maging ang kanyang Bachelor of Science in Political Science na bigay ng University of Makati ay kinukwesyon pa rin ang legalidad.
Dahil sa paglabas ng pangalan ni Pacquiao bilang isang katunggali sa pagka-Presidente ng Pilipinas, naglabasan na ang iba't ibang propaganda ng iba pang kandidato sa pagka-Pangulo. Lahat ay pinupunto ang karunungan ni Manny gayundin ang kanyang kakayahang pamunuan ang mga Pilipino. Sanhi nito, naglabasan na naman ang sinabi ni dating Senator Miriam Defensor-Santiago na dapat ay college graduate ang mga nasa Kongreso o yaong nagbabalak mamuno sa Malakanyang.
Marami rin ang naglabas ng pahayag na dapat ay pabayaan na lang si Pacman ang pagka-Pangulo sa mga batikang politiko - na tila sinasabing hindi bagay sa isang ordinaryong Pilipino at isang boksingero ang mamahala ng buong bansa.
Nakalulungkot na hanggang ngayon ay wala pa ring pagbabago ang mga politiko sa kanilang sistema. Sa halip na ipahayag ang kanilang magagawa sa sambayanang Pilipino ay ang kahinaan at/o kabulukan ng kanilang mga katunggali ang higit nilang pinagkakaabalahan manalo lamang sa eleksyon.
Ano nga ba ang kwalipikasyon ng isang nais maging Pangulo ng Pilipinas ayon sa Saligang Batas?
Narito ang mga pamantayan upang maging kwalipikado ang isang nagnanais na maging Pangulo ng Pilipinas:
1. natural born Filipino;
2. isang rehistradong botante;
3. dapat marunong magbasa at magsulat;
4. 40 taong gulang sa araw ng halalan; at.
5. dapat nanirahan sa Pilipinas sampung taon bago gaganapin ang halalan.
Kung pagbabasehan ang mga nasa itaas, simple lamang ang mga kinakailangan upang maging kwalipikado para kumandidato bilang isang Pangulo subali't sa tunay na mga pangyayari, hindi ito sapat. Marami ang nadi-disqualified dahil kinokonsidera silang "nuisance candidate". Tinuturing na isang panggulong kandidato ang isang taong nagnanais na pamuno ng bansa kung siya ay walang kakayahang makumpanya sa buong Pilipinas. Panggulo lamang siya kung "wala siyang milyon". Panggulo lamang siya dahil hindi siya kilala.
Dapat pala ay isama sa mga pamantayan sa Saligang Batas ang pagiging milyonaryo upang kumandidato sa pagka-Pangulo. Ang limang nabanggit sa itaas ay hindi pala sapat. Dahil dito, wala na talagang pag-asa na mamuno ng bansa ang isang pobre at mahirap gayong nangyayari ito sa ibang bansa. Hindi sapat ang magandang hangarin at malinis na puso upang maglingkod. Ang mahalaga ay may kakayahan kang mangampanya at himukin ang bawa't Pilipino na piliin ka. Maaari rin sigurong idagdag dito na may sapat kang salapi upang "mabayaran" ang mga PCOS machines na magbibilang ng iyong boto.
Nakalulungkot ang patuloy na sistemang ito ng politika sa Pilipinas. Dahil dito, asahan na natin na hindi mababago ng isang Pangulo o politiko ang kalagayan natin sa buhay. Nasa atin pa ring mga kamay nakasalalay ang ating kapalaran. Huwag nating iasa sa mga namumuno ang ikatitiwasay ng ating buhay. Tayo ang kumilos upang mabago ang kalagayan natin sa buhay. Kilala lang tayo ng mga politiko sa panahon ng halalan. Mabibilang ang sadyang may malasakit sa mga ordinaryong mamamayan.
Dahil laki sa hirap at alam ni Manny Pacquiao ang damdamin at hinanaing ng mga nasa laylayan ng lipunan, karapat-dapat siyang maging Pangulo dahil alam niya ang mga gagawin upang makamtan ng karamihan ang kanilang mga pangangailangan at pangarap sa buhay. Nasabi ko rin na siya ang iboboto ko kung siya ay tatakbo bilang Pangulo. Tutuparin ko pa rin ito sa Halalan 2022 kung hindi tatakbo si Bong Bong Marcos ngayong 2022 bilang Presidente. Magbigay muna si Manny kay Bong Bong dahil bata pa naman siya.