Tuesday, March 31, 2009

Aralin No. 4 - SUBUKIN at SUBUKAN

Subukin, Subukan

Sa aking pagsasaliksik sa iba't ibat webpurok (website) sa internet, nagkandahilu-hilo ako kung ano talaga ang wastong gamit ng mga salitang "subukin at subukan". Magkakabaliktad ang paliwanag ng bawa't isa kaya hindi ko masuri kung ano talaga ang tamang gamit ng mga ito. Sa pagsasalita natin, nababaligtad din natin ang paggamit ng mga ito subali't nauunawaan pa rin tayo ng ating kausap. Sa aking palagay, ito ay sapat na. Nguni't kung ang isusulat mo ay isang pormal na sanaysay at tesis, nararapat lamang na gamitin ang wastong gamit ng mga salitang ito.
Sa aking pagsusuri at palagay, ito ang wastong gamit ng subukin at subukan.

Subukin ang ginagamit kung ang ating nais ipahayag ay ang paggawa ng isang bagay (to DO something).
Mga halimbawa:
1) Subukin natin ang sumayaw ng cha-cha.

2) Susubukin kong mag-aral lumangoy ngayong bakasyon.


3) Subukin mong gumawa ng magandang bagay sa iyong kapuwa.

Subukan naman ang ginagamit kung ang nais nating ipagpalagay ay ang pagtikim, pagkilatis at pagsubok ng isang bagay (to TASTE, ASSESS & TRY something).






Mga halimbawa:
1) Ating subukan ang mantikilyang ito.
2) Subukan mo kung matibay nga ang binili kong sinulid.
3) Tayo nang subukan kung matamis nga ang mga lanzones.

Ang salitang subukan ay ginagamit rin kung ang nais ipagkahulugan ay ang paniniktik (spying) sa isang tao.

Mga halimbawa:

1) Subukan mo kung ano ang ginagawa ng iyong kuya sa kanyang kuwarto.
2) Susundan ko si Mister bukas. Susubukan ko kung siya nga ay may kulasisi.
3) Tayo nang subukan ang ginagawa ng mga mag-aaral sa palaruan.

Inaanyayahan ang mga pantas sa wikang Filipino na magbigay ng kanilang komento at pahayag sa usaping ito.

No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...