Monday, March 1, 2021

Isang Sanaysay sa ALS: Paano Nakatutulong ang Edukasyon sa Pamayanan?

Ang edukasyon ay isang prosesong nagpapadali ng pagkatuto o ang pagkakaroon ng kaalaman, kasanayan, at magandang pag-uugali. Sa depinisyong ito, hindi lamang dapat maging matalino at mahusay ang isang nilalang. Dapat din siyang magkaroon ng magandang loob upang masabing siya ay edukadong tao. Sa puntong ito, bakit pinipilit ng mga magulang na magkaroon ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak? Ano ba ang kontribution ng edukasyon sa pamayanan?

(Image from https://www.pngitem.com/so/toga/)

Malaki ang ginagampanang papel ng pagkakaroon ng magandang edukasyon ng mga mamamayan sa isang komunidad sa pag-unlad nito. Kapag ang mamamayan ay may sapat na kaalaman at kasanayan upang makalikha ng produkto o makapagbigay ng serbisyo, ito ay nangangahulugan ng mabilis na paglago ng ekonomiya ng isang bayan. Ang kaalaman at kasanayan ng isang nilalang ay napakahalaga lalo na at napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya. Nararapat lamang na makaagabay ang mga mamamayan sa mabilis na pagsulong nito upang makalikha ng makabagong produkto o proseso upang mapabilis ang produksyon at mapabuti ang handog na serbisyo. Ang mga ito ay makakamit kung may sapat na edukasyon ang naninirahan sa isang komunidad.

Education and Technological Progress
(Image from https://www.study.ru)

Ang edukasyon ay nagbibigay kaalaman sa isang nilalang, bilang miyembro ng pamayanan, na makapili at makilala ang isang lider na mamumuno sa kanya. Dahil marunong magbasa, kumilatis ng propaganda sa katutohanan, at mabasa ang tunay na saloobin at pagkatao ng isang kandidato sa pamamagitan ng kanyang pagsasalita, pagpapahayag, at ikinikilos, makapipili ng mga karapatdapat na pinuno ang isang mamamayan na may pinag-aralan.  Makaiiwas ang isang edukadong tao na manipulahin ng isang nagnanais na maging lider dahil siya ay may sapat ng kaalaman sa pagsusuri ng isang tapat na pinuno.

Bong Bong & Imelda Marcos on a Campaign Trail

Ang edukasyon ay nakatutulong din upang maging mapagparaya o tolerant ang isang mamamayang naninirahan sa isang bayan na iba’t iba ang pag-uugali at kultura ng mga tao. Dahil marunong umunawa ang isang taong nakapag-aral, mauunawaan niya ang gawi o kilos ng isang kaibigan, kapitbahay, o kaopisina. Pipiliin niya ang diplomasya kaysa init ng ulo sa pagresolba ng hindi pagkakaunawaan. Kapag may alam o impormasyon ang isang tao sa pag-uugali at ikinikilos ng mga nakapaligid sa kanya, matututunan niyang tanggapin at unawain ang mga ito, tulad din ng pagtanggap at pang-unawang ibinibigay ng mga ito sa kanyang kultura at pag-uugali.

Love and be tolerant with our Indigenous People & Cultural Minorities

Maliban sa pagkakaroon ng pag-unlad, pagpili ng lider, at pag-iwas sa gulo, marami pang kontribusyon ang edukasyon sa komunidad. Dagdag pa rito ang pagkaiwas sa pagmamanipula ng mga pinuno o samahang naghahasik ng karahasan at kaalaman. Dahil sa edukasyon, may sapat ng kaalaman at kasanayan ang isang nilalang upang masuri kung ang kanyang nababasa at naririnig ay kabulaanan lamang o hindi. Isa pang kahalagahan ng edukasyon ay ang pagbibigay nito ng pag-asa sa mga mamamayan. Dahil sa edukasyon, naniniwala ang isang tao lalo na ang mga magulang na magdudulot ito ng maganda at maunlad na buhay sa kanyang mga anak. Ang edukasyon ay isang pamanang hindi makukuha ng ibang tao kaya nagsasakripisyo ang maraming magulang upang ipagkaloob ito sa kanilang mga anak.

Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan - Gat. Jose Rizal
(Image from https://www.imoney.ph)

Ikaw, bilang isang mamamayang Pilipino, ano ang kahalagahan ng edukasyon sa iyo? Paano ito makatutulong sa pag-unlad ng iyong sarili at ng pamayanang iyong ginagalawan?

No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...