Tuesday, July 18, 2017

i-DOLE OFW ID, NAPURNADA?

Maaaring mapurnada ang paglulunsad ng I-DOLE OFW ID card dahil sa batikos na inabot nito sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) partikular na tungkol sa bayad nito. Inilabas kasi ng DOLE na libre ang ID card subali't sa kalaunan ay may babayarang Php 701.00 bago ito mapasakamay sa mga OFW. Nang mag-react ang mga OFW sa website kung saan maaaring magbayad, sinabi ng DOLE na peke raw ang website gayong naka-ugnay dito ang mga datos ng mga OFS sa BMonline at gamit pa ang logo ng DOLE at OWWA.


Sa panayam ni Mocha Uson, tahasang sinabi ni Kalihim Bello III na hindi raw ang mga OFW ang magbabayad nito. Sinabi pa niyang mas mura sa binabayarang $25 ng mga OFW ang halaga ng i-DOLE OFW ID. Salunggat ang pahayag na ito dahil ang binabanggit ng $25 ng Kalihim ay bayad sa OWWA at hindi sa Overseas Employment Certificate (OEC). Nangangahulugan lamang na salat ang kaalaman ni Kal. Bello III tungkol dito.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOLE Secretary na sa Agosto pa lalabas ang Implementing Rules and Regulations ng i-DOLE OFW ID subali't pinagdiinan niya na hindi gagastos ni isang kusing ang mga OFW. Maaaring ang employer o ang employment agency ang magbayad nito depende sa pagkakasunduan ng committee.

Ngayon pa man ay tila malabo pa ang pagpapatupad ng i-DOLE OFW ID. Isa sa nakakasagabal ay ang usapin tungkol kung sino ang magbabayad ng ID. Sariwain natin na ang paglulunsad ng i-DOLE OFW ID ay upang magamit ito bilang kapalit ng OEC. Sa ngayon, ang datihang OFW ay exempted na sa pagbabayad ng OEC. Kailangan lamang na kumuha ng OEC Exemption  sa Balik-Manggagawa website (http://bmonline.ph/). Ang bagong OFW ay magbabayad lang ng Php100 para makakuha ng OEC. Kailangan ang OEC bilang pagpapatunay na OFW ang isang may hawak nito at libre sa pagbabayad ng terminal fee sa mga international airport ng Pilipinas.

Pinulaan ng mga OFW ang i-DOLE OFW ID dahil may bayad nga ito. Pangalawa, mayroon itong validity na 2 taon lang at nakasulat din dito ang job site at employer ng OFW. Dahil sa mga limitasyong ito, tiyak na mas maraming babayaran ang isang OFW kapag nagpalit siya ng job site at employer. Pangatlo, kailangan niya itong palitan kada ikalawang taon. Isa pa, tila malabo ang pagsasabing LIBRE ang i-DOLE para sa mga OFW.

Dahil sa nabanggit  sa itaas, tila hindi naging mabuti ang pagpapalit ng OEC dahil sa gastos na maaaring kaharapin ng mga OFW at ng mga limitasyon ng card. Sa aking palagay, mabuti pang gawing voluntary na lang ang pagkuha ng i-DOLE OFW ID upang maiwasan ang pagbatikos dito. Kumuha yaong nais magbayad. Yong ayaw ay maaaring kumuha ng OEC, exempted man o hindi.


No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...