Napanood ko kagabi ang isang indie film na may pamagat na Tuli na dinerehe ni Auraeus Solito, ang director na gumawa ng pelikulang Busong na ipinalaban sa Cannes Film Festival sa taong ito. Ito ay pinagbibidahan ni Desiree Del Valle, Carlo Aquino at Vanna Garcia. Nasasapanahon naman ang palabas na ito dahil kabi-kabila ang Operasyon-Tuli sa buong Pilipinas.
Habang nanonood ay biglang sumagi sa aking isipan ang katulad na ritwal na aking pinagdaan noong ako ay labing-isang taon gulang pa lamang. Dahil hindi pa naman uso ang pagtutuli ng mga doktor o wala lang kaming pera para roon, sa Hagonoy, Bulacan pa ako dinala ng aking Amang para magpatuli. Tamang-tama naman dahil bakasyon na sa klase noon. Kalahating araw kaming nagbabad sa ilog. Ako ang nauna dahil mahina ang aking loob sa dugo. Tuling-batakan ang ginawa sa akin. At tulad nang dapat asahan muntik na akong mahilo noon. Bawal ang malansa kaya mangga o kaya'y saging ang aming pang-ulam. Sa silong ng bahay kami naglalanggas ng pinakuluang dahon ng bayabas gamit ang pakpak ng manok. Pagkatapos ng 10 araw, hilom na ang sugat at hindi na ako supot.
Dahil ang palabas ay download lang sa internet, palaktaw-laktaw ang aking panonood. May lahok na senakulo ang pelikula dahil Mahal na Araw. Hindi sinasadyang nakawit ang suot na tapis ng Kristo kaya't nabuyangyang ang ari nito. Hagalpak sa tawa ang mga manonood dahil supot daw pala si Kristo( na hindi naman tutuo sa tunay na buhay).
Nagsimula ang pelikula sa pagtutuli at dito rin natapos. Sa mga bagay-bagay na nais malaman tungkol sa tuli, basahin ito: http://naquem.blogspot.com/2010/04/operation-tuli-rite-of-summer.html
No comments:
Post a Comment