Nakatutulong ba o Nakapeperwisyo ang mga Kalingap Partners kay Kuya Val Santos Matubang at Kalingap Rab?
Iyan ang tanong na namumutawi sa aking isipan bago ko isulat ang blog na ito. Mahigit isang taon na nang maging silent viewer ako ni Kuya Val Santos Matubang. Ito 'yong panahong halos lahat ng tao sa buong mundo ay hindi makalabas ng bahay dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19. Dahil laging nasa loob ng bahay o bakuran, isa sa napaglibangan ay ang panonood ng YouTube. Isa nga sa aking napili ay ang vlog ni Kuya Val.
Dati ay iilan lang ang kasama ni Kuya Val sa kanyangg misyong makatulong sa mga seniors citizens at sa mga tunay na naghihikahos sa buhay. Sina Atorni Franklin at Engr. Agul ang lagi niyang kasa-kasama. Sa pagsisimula ng kalahatian ng taon ay dumami na nang dumami ang naging kasama ni Kuya Val sa kanyang misyon maliban pa sa kanyang anak na si Kalingap Rab, (na nagresign pa sa kanyang trabaho noong isang taon para makatulong sa kanyang ama), at maybahay na si Ate Edna. Ito ay bunsod na rin sa panawagan ni Kuya Val na tutulungan at ime-mentor niya ang mga small YouTube bloggers.
Sa simula ay naging maayos naman ang lahat. Nasa background lang ang mga vloggers na tumugon sa panawagan ni Kuya Val. Kasa-kasama man sa mga misyon ay tahimik lang sila. Dahil sa pagdami ng mga nais maging charity vloggers na katuwang ni Kuya Val, nagkaroon ng mga kategorya ito. Category A yaong mga naunang vloggers at nakatutulong nang malaki sa adhikain ni Kuya Val.
Nagsimula ang kaguluhan nang magkaroon na ng pagkakataon ang ilang vloggers na mag-post na rin ng kani-kanilang reaction video hinggil sa mga pabahay at feeding programs ni Kuya Val. Healthy naman ito dahil lalo pang lumaganap ang ginagawang kabutihan ni Kuya Val at dumami ang kanyang mga subscribers at sponsors. Ngunit kalaunan, nagkaroon na ng iringan at inggitan sa pagitan ng mga vloggers na kinupkop ni Kuya Val. Ang ilang mga reaction videos ay hindi na nakapokus sa mga misyon kundi sa personalidad na ng mga vloggers. Dagdag pa rito, pati mga sponsors ay nakilahok na rin sa mga balitaktakan. Nagbigay na rin sila ng kani-kanilang kuro-kuro at pala-palagay kahit hindi na nila lubos alam ang tunay na pangyayari at dahilan. Ito ang sanhi kung bakit maraming bashers ang naglabasan sa Facebook page ni Kuya Val.
Nitong huli nga ay isang sponsor ni Kalingap Rab ang naging tampulan ng pagba-bash, hindi lamang ng mga viewers at subscribers nina Kuya Val at Kalingap Rab kundi pati na rin sa hanay ng mga vloggers na nasa poder ni Kuya Val. Dahil dito, nagkaroon ng grupo-grupo sa Kalingap community. Nagkampi-kampihan ang isa't isa. Ito ang naging sanhi kung bakit, pagkatapos ng birthday ni Kuya Val ay may nag-alisang Category A vloggers sa Kalingap quarters. Ito ay sinundan ng iba't ibang reaction videos mula sa iba't ibang vloggers. Natuon ang content ng mga vloggers na ito sa isyu, tsismis, o problema at hindi na sa misyon ni Kuya Val.
Dahil sa "kaguluhang" ito, nagre-act din ng kani-kanilang saloobin ang mga viewers at subscribers. Naunsyami ang iba, ang ilan ay nag-unsubscribe na. Dahil dito naapektuhan din ang bilang ng viewers at revenue ng mag-ama. Nagbabala si Kuya Val sa kaniyang live stream na kung nais ng isang kalingap team na gumawa ng reaction video tungkol sa isyu, kailangang umalis muna sila sa team. Pinapapayagan silang magsalita, tagapagtanggol man ng isang panig o kalaban, dapat lang ay bilang isang personalidad at hindi bilang isang grupo.
Brother Jose
May nakinig naman sa panawagan ni Kuya Val. Ang iba ay nanahimik at ang ilan ay pansamantala munang umalis sa bahay ni Kuya Val. Isa sa hindi napigilan ang maglabas ng saloobin tungkol sa isyu ay si Brother Jose. Maganda naman ang kaniyang sinabi sa kanyang live vlog noong November 26, 2021 na umani ng 75k+ views subali't dahil sa tayming ng kanyang pahayag ay nagdesisyon si Kuya Val na tanggalin muna siya sa team ni Kalingap Rab. Inayunan naman ni Kalingap Rab ang naging desisyon ng kanyang ama kaya nasuspinde si Brother Jose. Sa kanyang vlog noong November 28, 2021, humingi na si Brother Jose ng paunmanhin sa sinumang nasaktan sa kanyang naging pahayag. Nilinaw niya na hindi siya nagtatanggol ng isang sponsor bagkus ay pangkalahatang pakiusap ang kanyang layuning irespeto ang kababaihan. Dahil dito ay maraming viewers ang humanga sa tapang ni Brother Jose at nakakuha ito ng 75k+ viewers, wala pang isang araw nang ito ay mailathala.
Dahil sa pangyayari sa itaas, napagbuod ko na hindi nakatutulong kay Kuya Val Santos Matubang kung mga vloggers din ang kasama sa kanyang kalingap team. Sa kagustuhan kasi ng ilan na tumaas agad ang kanilang subscribers at viewers ay mga isyu at problema ang kanilang pinagtutuunan ng pansin sa halip na ang content ng kanilang mga vlogs ay ang misyon ng pagtulong. Dahil sa kanilang reaction videos, nalalaman pa tuloy ng mga viewers at subscribers ang mga problema sa loob ng kalingap quarters. Pinalalaki nila ang isang usok lang. Ginagawang sensational ang munting isyu na ang layunin ay makahatak lang ng viewers.
Sa aking palagay ay may mga volunteers naman ang handang tumulong kay Kuya Val sa kanyang mga misyon. Kung hindi mapipigilan ang mga vloggers na handang magpa-mentor, dapat ay magkaroon ng rules of mutual understanding na nagsasaad ng kung ano lang ang kanilang dapat gawin habang sila ay nasa pangangalaga ni Kuya Val. Kapag sila ay sumuway sa kautusan, dapat silang umalis upang hindi maapektuhan ang pangalan ni Kuya Val, Kalingap Rab, at Ate Edna.
Nawa ay maging maayos na ang gusot sa kalingap partners at kalingap team. Nanghihinayang ako kay Brother Jose subali't sa palagay ko ang mas aangat ang kanyang channel dahil sa kanyang paninindigan. Kailangan siya ni Kalingap Rab.
========
Para sa buong video ni Brother Jose, i-klik ito ==> https://www.youtube.com/watch?v=Q7VKmylcpSs