Bilang isang Pinoy, ang unang reaksyon ko ay ang magtaka sa balitang ito dahil grabe naman ang pamimintas nila sa ating paliparan. Pangalawang reaksyon ay puntahan ang website ng mga bumabatikos at basahin ang kanilang mga komento at basehan sa kanilang pagboto.
Ang mga tao ay may kanya-kanyang opinyon sa kanilang nakikita pero napakahirap namang gumawa ng isang objektibo at makatarungang konklusyon kung hindi mo naman napuntahan ang iba pang mga paliparan. Isa pa, hindi naman inilabas ng website na ito kung ilan ba ang nakuhang boto ng NAIA-1at ilan ang mga bomoto. Sa aking palagay, may mas masahol pang airport sa buong mundo na hindi napuntahan ng grupong ito. Hindi nga ba't nakikitulog lang sila sa paliparan at binibigyan ito ng hindi magandang review kapag sila ay pinaalis at hindi pinatulog?
Hindi dapat intindihing mabuti ng mga Pinoy ang punang ito ng mga taong walang sapat na pera upang maglakbay. Ang kanilang komento ay maaaring nabasa lang nila at hindi talaga naranasan o kung naranasan man ay noon pa. At tulad nang nasabi ko na, mali magparatang kung hindi mo pa naman nasusubukang puntahan ang iba pang mga airport.
Magkagayunman, isang aral ito sa pamunuan ng NAIA upang mabago ang imahe ng airport. May mga pagkukulang nga subalit hindi naman pinakamasahol ang NAIA-1 sa mga airport. Nagpunta na ba sila sa iba pang airports sa Asia, Africa, Central America at Middle East? Marahil ay hindi dahil wala silang perang pang-hotel.
Kung sasabihin nilang pangit din ang mga paliparan sa France, Italy, Russian, Germany at London, ano pang paliparan ang gusto nila? Dahil pinatalsik sila sa mga airport na ito at hindi binayaang makatulog ng libre ay babatikusin na nila?
Hindi natin kailangan ang mga pasaherong nakikitulog lang pero kailangan nating ayusin ang ating sistema at pasilidad hindi para sa mga "sleepers in airport" kundi para sa mga Pinoy at lahat ng banyagang bumibisita sa ating bansa.
Sa mga "Sleeping in Airport" readers, maraming salamat dahil naging tanyag na naman ang Pilipinas. Mabuhay kayo! Dahil sa inyo, marami na namang pupunta sa Pilipinas upang tingnan kung world's worst airport nga ba ang NAIA Terminal 1. Sa uulitin, sa Luneta na lang kayo matulog... may guwardiya pa!
View the World's Worst Airport here:
http://www.flickr.com/photos/er-ap/4150059394/lightbox/
No comments:
Post a Comment