Tuesday, October 18, 2011

"Occupy Makati", Posible Ba?



Dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo gayundin ang sunod-sunod na dagok ng mga bagyo, hindi imposibleng gumaya na rin ang mga Filipino na okupahin ang Lungsod ng Makati upang iprotesta ang patuloy na paghihirap na kanilang nararanasan. Dagdag pa rito ang patuloy na pagyaman ng iilang pamilya samantalang patuloy na naghihikahos ang karamihan.

Hindi na rin ako magtataka kung isang araw ay bulagain na lang tayo ng isang panawagang "Occupy Makati" bilang tugon sa dumaraming pag-ookupa ng mga financial districts sa buong mundo tulad nang nangyayari sa mga siyudad ng New York, London, Berlin, Toronto at Sydney. Sa katunayan, nakabandera na sa ilang networking site tulad ng Facebook ang panawagang "Occupy Makati",gayundin ang hindi kalakihang rally sa harap ng Philippine Stock Exchange.

Tiyak na sasamantalahin ito ng mga grupong makakaliwa at maging ng mga grupong nahahanay sa kahirapan. Dahil dito napapanahong mag-isip ang gobyerno ni PNoy kung paano hindi humantong sa ganitong eksenang sanhi ng kumakalam na sikmura ni Juan Dela Cruz. Isa ring pagkakataon sa mga namumuhunang ibahagi ang kanilang tinutubo sa mahihirap nang sa gayon ay maagapan ang anumang kaguluhang maaaring maganap na hahantong sa tuluyang pagkawala ng kanilang mga puhunan.

Marami sa mga mayayaman at namumuhunan ang walang iniisip kundi lumago pa nang husto ang kanilang mga salapi at yaman. Hindi nila alintana kung nakakasama man sa kapaligiran o sa pamayanan ang kanilang mga proyektong itatayo. Ang mahalaga sa kanila ay mabawi ang puhunan sa lalong madaling panahon. Dahil dito, lalong lumalaki ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap. Ito ang nais putulin ng mga nagproprotesta sa America, England at Australia.

Dahil nakaka-relate ang iba pang mamamayan sa buong mundo, hindi katakataka kung isang araw ay bulagain tayo ng sunod-sunod na pag-aaklas sa iba't ibang panig ng mundo. Kapag nangyari ito, lalong gugulo ang ekonomiya ng bawa't bansa at kasunod nito ang pagkawasak ng katahimikan.

Nararapat na maging handa ang mga Filipino sa senaryong posibleng mangyari. Nakakaisip ng masama ang katawang nagugutom. Dapat ipakita ng gobyerno na handa siyang tumulong at alalayan ang mga walang makain sa buhay. Ipakita rin ng mga negosyo na handa silang magsakripisyo upang huwag lumala ang gulo. Dapat na gawin na ito. NOW NA!

No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...