Showing posts with label Multo. Show all posts
Showing posts with label Multo. Show all posts

Thursday, August 17, 2017

Maikling Kuwento: Ang Babae Sa Parola - Part 2 of 3

MULA SA kinalalagyan ay umaliwalas ang mukha ni Ruben. May nababaanag na siyang mga kumukuti-kutitap na ilaw sa malayo. Pamilyar na ang tanawing iyon. Nang makatapos kasi ng mataas na paaralan ay hindi na siya nakatuntong ng kolehiyo dahil sa kahirapan. Tinuruan at isinama siya ng kanyang ama sa pangingisda magmula noon. Hindi siya maaaring magkamali. Ang direksyong tinatahak ng kanyang bangka ay ang Baryo Alimasag.



Mula nang datnan ay hindi na nakipaglaro pa sa mga lalaki si Arminda. Nag-iba na rin siya ng bihis. Ang dating kamison lang ay nasapinan pa ng kamiseta o makapal na damit pambabae. Nagkaroon na rin siya ng kamalayan sa kanyang ayos at pananalita. Hindi basta-basta lumalabas ng bahay nang hindi maayos na nakasuklay ang mga buhok. Binibigyan malisya na ang patingin-tingin at pasulyap-sulyap nina Ruben, Natoy, Turo at iba pang kabataan sa kanilang baryo.



Hindi lamang ang mga magulang na sina Ka Crispin at Ka Trining at mga nakababatang kapatid na sina Ilyo at Rebecca ang kinasasabikang makitang muli ni Ruben. Nais din niyang makita at mayakap nang mahigpit ang kanyang kasintahan. Ang tagal-tagal na nilang hindi nagkikita. Sa palagay niya ay sabik na sabik na rin itong magkatagpong silang muli. Sa puntong ito ay nanariwa sa kanya ang kanilang huling pagniniig.

Sa mga kabataang umakyat sa kanya ng ligaw matapos ang kanyang ika-labingwalong kaarawan, tanging si Ruben ang binigyan ni Arminda ng kaukulang pagtingin. Tuwang-tuwa ang binata nang sagutin niya sa tuktok mismo ng parola.
“Talagang-talaga?” nakangiti nitong tanong nang marinig ang kanyang sagot sa iniluluhog na pag-ibig.

Tumango siya habang nakangiti.

“Gusto kong marinig!” utos ni Ruben.

Nahihiya man ay napilitan siyang magsalita. “M-mahal din kita, Ruben!”



Lumapit sa kanya si Ruben. Mahigpit na yumakap. “Mahal na mahal din kita, Arminda!” Naramdaman niya sa kanyang balikat ang luhang pumatak mula sa mga mata ng kasintahan. Hindi na siya nakatanggi ng halikan siya nito sa labi. Maalab, mainit at punumpuno ng pagmamahal.

Bago sila umalis ng parola ay nagsumpaan pa sila sa isa’t isa na sila lamang sa bandang huli. Sa pamamagitan ng pako, umukit pa ng isang puso na may pangalan nila si Ruben sa nakasaradong pinto. Nagalit man si Tata Ambo sa ginawa ng kasintahan ay wala naman itong nagawa dahil inaanak niya sa binyag si Ruben.



Ano’ng ligaya ni Ruben simula nang sagutin siya ni Arminda. Liyad ang kanyang dibdib sa daan kapag magkasama sila ng kasintahan. Kahit sino naman ay ganoon din ang magiging pakiramdam lalo na at isa sa pinakamagagandang dalaga si Arminda sa Baryo Alimasag.  Iyon din ang dahilan kung bakit lalo siyang nagsipag sa pangingisda. Nais niyang patunayan sa mga magulang ng kasintahan na kaya niyang buhayin nang mariwasa si Arminda kahit hindi siya nakatuntong ng kolehiyo.

Nang makarating sa parola ay nagtaka si Arminda. Napansin niyang natatanggal na ang pintura nitong puti. Nagtaasan na rin ang mga damo sa paligid. Naisip niyang tila napabayaan na ni Tata Ambo ang pangangalaga sa parola.  Halos magiba na ang pintuan nito nang kanyang itulak. Nang makapasok at tahakin ang paikot na kahoy na hagdan ay dinig niya ang paglangitngit nito. Bigla niyang naisip ang nangyari dalawang buwan na ang nakalipas.



Ipinagpalagay ng mga naninirahan sa Baryo Alimasag na patay na sina Ruben at ang kanyang mga kaibigan nang isang linggo na ay hindi pa sila bumabalik. Ipinagpalagay naman ng ilan na marahil ay kinuha ng mga hindi kilalang nilalang ang mga binata. Kuwento na kasi iyon ng mga matatanda simula nang magkasunod-sunod na hindi magsibalik ang ilan sa kanilang kabataang lalaki. Ang mga bangka na lang ng mga ito ang natatagpuan sa dagat.



Halos araw-araw si Arminda sa parola nang hindi pa bumabalik sina Ruben. Gusto na niyang maniwala sa sabi-sabi na maaaring patay na ang kasintahan. Nguni’t ayaw tanggapin ng kanyang puso ang maaaring sinapit ng kanyang minamahal. Ngayon pang may nangyari na sa kanila sa parola.



“Mag-iipon lang ako ng konti at mamamanhikan na kami sa inyo!” malambing na wika ni Ruben kay Arminda habang hinahalikan ang mga matang nitong puno ng luha, matapos nilang pagsaluhan ang pag-ibig. Narinig niya ang pasasalamat ng kasintahan sa kanyang sinabi. Ayaw din kasi niyang matulad si Arminda sa ilang kababaihan na iniwan ng kasintahan matapos maanakan. Magiging malaking kahihiyan iyon sa pamilya ng kasintahan. Hindi naman siya iresponsable para gawin iyon.
Dahan-dahang inakyat ni Arminda ang parola. Kailangan niyang makarating sa tutok nito upang sindihan ang mga gaserang naroroon. Ang mga iyon ang magsisilbing tanglaw ng mga mangingisdang pumapalaot. Magmula kasi nang ipasara ito matapos maipatayo ang bagong tanglawan sa kabilang ibayo ng baryo ay nawalan na ito ng kuryente. Subali’t kailangan niyang lagyan ng ilaw ang lumang parola dahil dito sanay si Ruben. Baka maligaw ang kanyang kasintahan kapag hindi nakita ang tanglaw mula sa laot.
Maraming nahuling isda sila Ruben at ang dalawang kababata nang araw na iyon. Binalak nilang umuwi na pagkatapos ng huli nilang paglambat.  Puno ng isda ang lambat nang kanilang iahon. Tuwang- tuwa ang magkaibigan dahil malaking pera ang kanilang kikitain. Kasalukuyan nilang inilalagay ang mga nahuli sa mga tiklis nang mapansin nila ang isang kakaibang isdang ngayon lang nilang nakita. Ipinasya ng magkaibigan na ihawin iyon para sa kanilang agahan. Masarap ang lasa ng isda. Kakaiba ang linamnam nito. Matamis-tamis na hindi mo mawari.


Dahil sa puyat at kabusugan ay hinabol ng antok ang tatlo. Nang magising ay nasa loob na sila ng isang silid na napakaganda ang paligid. Mula sa isang pintuan ay bumulaga sa kanila ang tatlong babaeng ubod nang ganda na may dalang mga pagkain. Aminin man o hindi, mas magaganda ang mga iyon sa sinumang babae sa Baryo Alimasag, kasama na si Arminda.

Itutuloy...

Maikling Kuwento: Ang Babae sa Parola - Part 1 of 3

Nakatulong ang liwanag ng buwan nang gabing iyon upang tanglawan ang masukal na daang tinatahanak ni Arminda patungong aplaya. Papalapit pa lamang siya ay upaapaw na ang kanyang paghanga sa unti-unting pagbuo ng isang istruktura sa di-kalayuan. Sa malayo ay tanaw na niya ang tuktok nitong kulay bughaw. Kung hindi lamang sa mga punong-kahoy na humaharang sa kanyang paningin ay disin sana’y ang kabuuan nito ang kanyang nakikita mula sa nilalakaran.  Gayunpaman, hindi niya ito binigyan ng pansin dahil alam niyang hindi magtatagal ay mararating na niya ang paroroonan.


Kahit gutom at nanghihina ay pinagpatuloy ni Ruben ang pagsagwan upang marating ang patutunguhan. Hindi na niya maalala kung ilang araw na ba siyang nagsasagwan sa gitna ng dagat dahil halos araw at gabi ang kanyang paggaod. Mauubos na ang kanyang baong pagkain at tubig. Kailangang makarating na siya sa aplaya bago pa siya mamatay sa gutom.


Mula sa talampas ay kitang-kita na ni Arminda ang kabuuan ng parola. Madadangkal niya sa kanyang hinlalaki at hintuturo ang laki nito dahil malayo pa ito sa kanyang kinatatayuan. Gayunman, nagbigay kasiyahan sa kanyang katauhan ang pagsilay sa puti at bughaw na tanglawan. Nagbigay ito ng sigla at lakas upang ipagpatuloy niya ang kanyang paglalakbay.

Pinagpasalamat ni Ruben na kalma ang dagat ngayong gabi, hindi katulad noong siya ay huling pumalaot. Tanda pa niyang tatlo silang magkakaibigan nang mangisda nang mas maaga kaysa sa karaniwan. Nais kasi niyang makadami ng huli kaya isinama ang mga kababata sa kanyang balak. Wala namang nagawa sina Natoyat Turo kundi pumayag sa kanyang kagustuhan kahit na nga bitin ang mga ito sa inuman at lakwatsa.

Habang papalapit ay unti-unting lumalaki ang gusali sa harapan ni Arminda. Batid niyang ilang sandali pa ay mararating na niya ang paanan nito. Punumpuno ng pananabik ang kanyang katauhan dahil gustong-gusto niyang makatapak na muli sa parola. Habang nilalakad ang makitid na daan patungo roon ay hindi niya maiwasang sariwain ang mga masasayang pangyayari sa lugar na iyon.

Habang papalaot ay panay ang buska nina Natoy at Turo kay Ruben. Para raw itong mauubusan ng isda sa dagat.


“’Putsa,” palatak ni Natoy habang tinatabo ang tubig-dagat na naipon sa loob ng bangka. “P’wede namang mamayang alas-diyes ang gaod. Nabitin tuloy ang inom ko!”

“Oo nga, Ruben!” sang-ayon naman ni Turo. “Balak pa naman naming pumaroon sa bagong bukas na inuman sa labasan. Mga bago raw ang mga bebong!”

“Pasensya na sa iyong dalawa,” nakangiting wika ni Ruben habang ginigiya ang kanyang bangka sa laot. “Hayaan n’yo, pagbabalik natin, ako ang gagastos sa alak at babae ninyo!”


“Sinabi mo ‘yan,” untag ni Turo. “Walang bawian!”

MALAKING BAHAGI ang parola sa pagiging bata at pagdadalaga ni Arminda. Ito ang puntahan niya kapag napapagalitan ng kanyang inang si Aling Bebang. Matigas daw kasi ang kukote niya. Ayaw susunod sa mga ipinag-uutos.

“Inay naman, “ angal niya nang minsan utusan siya nito. “Nakakasawa na po ang pagbibilad ng isda. Gusto ko namang maglaro!” Katorse na siya noon, hindi na bata pero hindi pa naman ganap na dalaga.


“Aba, Arminda!” mataas ang boses na sagot ni Aling Bebang. “Kung hindi dahil sa mga daing na ‘yan ay titirik ang mga mata natin sa gutom!”

Ayaw man ay mapipilitan siyang sumunod kapag ganito na ang tema ng pananalita ng kanyang ina. Pero may mga pagkakataong sa kapatid na mas bata sa kanya inuutos ang utos ni Aling Bebang dahilan upang magbangayan sila kapag sila ay nagkita.


Halos panawan na ng ulirat si Ruben habang patuloy sa pagsagwan. Parang kinakapos na siya ng hininga sa maghapon at magdamag na paggaod. Hindi na niya alintana ang gutom. Ang mas mahalaga sa kanya ay makauwi agad. Alam niyang marami ang naghihintay sa kanyang pagdating. Matagal na siyang gustong makita ng mga ito. Hindi siya maaaring mag-aksaya ng panahon upang ang mga mahal sa buhay ay makasamang muli.

Masama ang loob ni Arminda nang araw na pumaroon siya sa parola. Paano ay nakurot siya sa singit ni Aling Bebang dahil ang tanda-tanda na raw niya ay nakipaglaro pa sa mga kabataang lalaki sa kanilang lugar. Dalaga na raw siya. Kasama niya roon ang kanyang matalik na kaibigang si Marissa at ang mga kalarong lalaki na sina Ruben at Turo.


“Huwag kayong aakyat sa itaas,”paalala sa kanila ni Tata Ambo, ang bantay ng parola. “Mahihina na ang mga baitang ng hagdan. Baka kayo mahulog!”


Hindi nila pinansing apat ang habilin ng matandang lalaki. Nang makalingat ito ay dali-dali silang pumasok sa parola at inakyat ang paikot na hagdan nito. Nagtatakbuhan pa nga sila patungo sa pinakatuktok. Sa itaas ay napansin ni Ruben ang isang maliit na pintong-bakal patungo sa pinakatuktok pa ng gusali.

“Sarado!”, ang puna ni Ruben nang balakin niyang pumasok. Nakasusi kasi ito.


“Ano kaya ang nariyan?, tanong ni Arminda.

“Baka mga gamit ni Tata Ambo,” palagay ni Marissa.

Muling sinubukang itulak ni Ruben ang nakasaradong pinto. Itutulak sana niya nang mas malakas nang mula sa kanilang likod ay nagsalita si Tata Ambo. Napa-ay silang apat.

“Lintek na mga batang ito,” medyo galit ang boses na wika ng matanda. “Sinabi nang huwag aakyat eh!” dugtong pa nito habang akmang ipapamalo ang hawak na patpat.
Kumaripas sa pagtakbo paibaba ang apat. Habol naman si Tata Ambo.

Nakalabas na ang magkakaibigan nang mapansin ni Marissa ang harapan ni Arminda. May bahid ng dugo ang damit nito. Nahintakutan sina Ruben at Turo sa nakita. Kumaripas ng takbo pauwi ang dalawang binatilyo. Naiwan ang umiiyak na si Arminda habang inaalo ng kababata.


“Huwag kang umiyak, Arminda!” alo ni Marissa. “Nagkaganyan din ako noong isang buwan. Dalaga ka na!”

ITUTULOY ......

Tuesday, September 22, 2009

MULTO na si PATRICK SWAYZE


Ang artista ng "Ghost" at " Dirty Dancing" na si Patrick Swayze ay maituturing na ganap ng multo nang siya ay mamayapa sa sakit na pancreatic cancer noong ika-14 September 2009.

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...