Sa hardin, hindi lang sari-saring bulaklak ang nakatanim. Sa likuran ay sari-sari ring punong-kahoy at ibat'ibang klaseng gulay ang nakatanim. Mahilig gayahin ng mga pinoy ang kantang Bahay Kubo na napapaligiran din ng sari-saring uri ng halaman.
Tingnan natin ang jeep. Hindi pwedeng simple lang ang dekorasyon. Dapat ay makukulay at punong-puno ng arte ang loob at labas ng sasakyan. Kung anu-ano ang nakasabit - "Jeepney Driver, Sweet Lover!"," Magbayad nang Maaga Nang di Maabala!", "God Knows Hudas not Pay!", at kung anu-ano pang nakapaskel at nakabitin.
Hindi pwede ang simpleng kuwaderno lang. Dapat ay may balot itong matitingkad na kulay na papel kasama na ang iba't ibang disenyo. Tapos lalagyan ng mga larawan ng paboritong artista o manlalaro. Susulatan ng kung anu-anong kasabihan, etc., etc.
Sa mga handaan, hindi pwedeng kokonti ang laman ng mesa. Dapat ay hindi na makita ang ibabaw ng mesa sa dami ng putaheng nakapatong dito.
Sa labas, hindi pwedeng walang nakakabit na billboard ang mga lansangan at mga anunsyo at poster sa harap at gilid ng mga tindahan. Pati poste ng Meralco ay sangkatutak din ang nakapaskel na anunsyo.
Hindi uso ang plain white t-shirt. Dapat ay may naka-print din doon kahit na numero lang. Pati nga katawan ay hindi IN kung walang tattoo.
Sa mga opisina, parang walang ginagawa ang isng empleyado kung walang kalaman-laman ang kanyang mesa. Lagi nang tambak ito ng mga papeles at mga gamit-pang -opisina.
Kapag may bakanteng lote, isang linggo pa lang ay punong-puno na ito ng mga iskwater. Ang estero ay punong-puno na ng mga basura.
Parang malulunod ang Pinoy kapag nasa gitna siya ng disyerto. Hindi siya sanay sa payak na kapaligiran. Tila nakakadama siya ng pag-iisa kapag masyadong maluwang at maaliwalas ang paligid.
At kung susuriin ang blog ko, di ba punong-puno rin ito ng kung anu-ano? E kasi, PINOY AKO!