Hindi sapat na nabibigkas ng isang nagsisimulang nag-aaral sa formal school o kinder ang "one-two-three-four ....hanggang ten". Dapat ay nauunawaan niya kung ano ang kanyang sinasabi. Mas mabuti na matuto siyang magbilang sa wikang Filipino bago pa sa English. Makatutulong ang pagbibilang gamit ang mga daliri subali't mas mainam na malaman muna ng bata ang konsepto ng numero o bilang bago siya matutong magbilang.
(Image from pexels.com)
Paano sisimulang turuang bumilang ang isang bata?
Dapat ay makabuluhan sa buhay ng isang kinder ang kanyang ginagawa. Ipaunawa sa kanya ang kahalagahan ng marunong bumilang. Pagkatapos noon ay ipaliwanag sa kanya ang konsepto ng mga bilang. Magsimula muna sa 1, 2, 3 (isa, dalawa, tatlo).
(Image from https://www.teachearlyyears.com)
Ang simbolismo muna ng mga bilang ang ituro sa bata. Isulat sa blackboard ang numerong isa o 1. Ipakita kung paano ito isinusulat - mula itaas, pababa. Bigkasin din ito. Ipaliwanag sa bata na ang 1 ay sumisimbolo sa IISANG bagay tulad ng isang saging, isang papel .... at mga bagay na nasa paligid ng silid aralan (o bahay) at nakikita ng bata o mayroon siyang karanasan dito.
Papikitin ang bata at sabihin sa kanya na isulat ang bilang 1 sa pamamagitan ng kanyang isang daliri. Gawin ito ng paulit-ulit. Pagkatapos nito ay ipasulat sa kanyang papel ang bilang 1 (isa) nang paulit-ulit hanggang mapuno ang harapan ng kanyang papel.
Matapos isulat sa kanyang papel, tawagin ang ilang bata at ipasulat ang numerong 1 sa pisara. Mapapansin na iba-iba ang pagkakasulat ng bilang 1 na isinulat ng mga bata. Ipaliwanag sa mga bata na kahit iba-iba ang pagkakasulat ng bilang 1, ito ay may pangkalahatang katangian - ang pagsisimula ng pagsulat mula sa itaas, paibaba. Kahit tuwid, pahilig, pakanan, pakaliwa, at pakurba ang pagkakasulat - iisa lang ang kinakatawan nito - ISA - na maaaring isang bulaklak, isang tinapay, isang ruler, at iba pa.
Bilang gawaing-bahay, pakupitin ng bilang 1 sa mga diyaryo, magazine, lumang libro o kalendaryo at idikit ito sa isang bond paper.
Matapos maunawaan ng basta ang tunay na kahulugan ng bilang 1 (isa), isunod naman ang bilang 2 at 3 sa mga susunod na mga araw.