Madalas ko na siyang nakikitang nagtitinda ng yosi sa kahabaang iyon ng Roxas Boulevard kapag ako ay nagjo-jogging. Hindi ko naman binibigyan ng kaukulang atensyon dahil ordinaryong tanawin na iyon sa breakwater. Pero nang minsang madupilas ako dahil sa balat ng pakwan at magasgasan, siya ang unang tumulong sa akin. Dahil doon ay naging interesado na ako sa kanyang buhay. Isa pa ay tila magaan na ang loob ko sa kanya.
“Salbahis naman gid iton ibang tawo, bai!” wika niya sa wikang Bisaya habang tinutulungan akong tumayo. “Kadamo namang basurahan dinhi ay diri pa maitapon nang maopay ang sarang!”
Dahil taga-Leyte ako, naunawaan ko naman ang ibang salitang kanyang binigkas kaya tumango-tango na lang ako. (Isalin na lang natin sa Tagalog ang kanyang salita para maintindihan ng iba).
“S-salamat, bai!” sabi ko nang makaupo na sa isang bangkong konkreto roon.
“W-walang anuman,” nakangiting sagot niya habang pinagmamasdan ko ang kanyang kaanyuan.
Sunog ang balat ni Jacinto. Halatang dahil sa kabibilad sa ilalim ng araw o dahil iyon na talaga ang kulay ng kanyang balat. Pangkaraniwan ang tabas ng mukha – maiitim ng mga mata, hindi matangos ang ilong pero hindi naman sarat, makapal ang labi at mga kilay. Katamtaman din ang kanyang taas, manga 5 feet 6 inches siguro. May masel man ang mga braso at hita ay hindi masyadong halata dahil sa kanyang kapayatan. Magtetrenta y otso na siya sa Mayo.
“Matagal ka na rito sa Maynila?” tanong ko habang hinihilot-hilot niya ang aking binti. Bukod kasi sa gasgas ay posibleng napilayan din ako.
“May dalawampu’t isang taon na siguro,” mahina niyang sagot habang ibinababa na ang laylayan ng aking jogging pants.
(Image from https://i.ytimg.com/vi/aQImTeIp3Ws/hqdefault.jpg)
Taga-Leyte raw siya. Biktima ng Bagyong Uring. Nakipagsapalaran sa Maynila matapos matabunan ang kanilang bahay at sinasakang lupa sa Ormoc City, kasama ang mga magulang at dalawang kapatid.
“T-tumira kami ng isa ko pang kapatid na nakaligtas sa trahedya sa bahay ng aming tiyuhin sa Pasay,” pagkukuwento ni Jacinto. “Umalis din kami pagkatapos ng dalawang buwan dahil panay ang parinig ng kanyang asawa. Kumuha pa raw ng palamunin ang tiyo ko!”
Nagpalaboy-laboy raw silang magkapatid. Natutulog kung saan abutan ng gabi. Kumakain kung may makakakain. Hanggang mapadpad sa Roxas Boulevard. Sa gilid ng Folk Arts o sa Cultural Center of the Philippines sila madalas matulog kapag sumasapit ang gabi.
“Inisip ko ring bumalik na Leyte pero wala pa akong ipong pamasahe!” pagpapatuloy ni Intoy.
Nakaramdam ako ng awa sa aking katabi sa puntong ito. Siguro ay dahil pareho kaming taga-Leyte. Isa pa, para ko kasing nakikita ang akin sarili sa kanyang mga kuwento. Tulad ni Jacinto, biktima rin kami ng bagyo. Nagpalaboy-laboy kami ng aking kuya matapos manirahan sa aming kamag-anak. Maglilimang taon gulang lamang ako noon kaya hindi ko na natandaan pa ang ilang detalye sa aking buhay.
“N-nasaan na nga pala ang kapatid mo?” tanong ko sa kanya.
Sa halip na sumagot ay kinuha ni Jacinto ang kanyang takatak at mabilis na pinuntahan ng driver ng jeep na tumawag sa kanya.
“P-pasensya na, bai!” hingi niya ng paumanhin sa akin. “Trabaho muna nang may makain!”
Dahan-dahan na rin akong tumayo upang umuwi na. Mag-aalas-diyes na noon ng umaga. Ipinagpasalamat ko at hindi ako napilayan. Habang papunta sa pinag-parking-ngan ko ng aking kotse sa di-kalayuan at sinipat ko pa ng ilang beses si Jacinto habang ito ay palipat-lipat sa mga nakahintong sasakyan sa Roxas Boulevard.
Mag-aalas onse ng tanghali nang makarating ako ng aming bahay na nasa loob ng isang subdivision sa Bacoor, Cavite. Hindi man kasinglaki ng isang mansyon ay ipinagpasalamat ko ang biyayang tinanggap sa Maykapal. Masayang sumalubong ang aking asawang si Maribel at anak na babae, si Annaliza, anim na taong gulang.
“Napaano ka, Hon?” naawang tanong ni Maribel habang tinitingnan ang punit sa suot kong jogging pants. “Bakit may dugo ang pantalon mo?”
Ikinuwento ko sa kanila ang nangyari. “Mabuti at tinulungan ka ng mama, Daddy!” sabat ni Annaliza. “ Ambait naman niya!”
Dahil sa sunod-sunod na pag-ulan ay bihira na akong nagawi sa Roxas Boulevard upang mag-jogging. Panandalian kong nakalimutan ang tungkol kay Jacinto. Tuloy ang normal kong buhay. Pasok sa Makati at uwi sa Cavite mula Lunes hanggang Biyernes. Ang Sabado at Linggo ay laan sa paglalakwatsa at pagsisimba naming pamilya.
Maganda ang sikat ng araw kaya nainganyo akong pumunta sa Roxas Boulevard upang mag-jogging. Tatlong buwan matapos namin magtagpo ng landas ni Jacinto. Nakakadalawang balik na ako sa kahabaan ng breakwaterkasabay ng iba pang tumatakbo ay hindi ko man lamang nasulyapan kahit ang kanyang anino.
Nang mapagod ay umupo ako malapit sa laging pinup’westuhan ni Jacinto. Bumili ng mineral water sa di-kalayuan upang mapawi ang uhaw.
“Ale,” simula ko sa matabang babaing nagtitinda ng kung anu-ano na aking nilapitan. “’Asan na po ‘yong mamang nagtitinda ng sigarilyo rito?”
“Si Jacinto?” tanong ng magtitinda. Tumango ako. “Hindi ko na rin nakikita eh. Teka, tanungin natin si Baldo!” Sinutsutan nito ang isang kalbuhing mama na tulad ng hinahanap ko ay takatak din.
“Nadisgrasya,” palatak ni Baldo. “Nasa presinto cinco!”
Lalong namayat ang mukha at katawan ni Jacinto nang muli kong makita. Nakasuot itong ng maduming shorts na hanggang tuhod at kamisetang puti pero tila kulay dilaw na kung titingnan. Nagpasalamat siya at agad na nilantakan ang aking dalang pagkain.
(Image from http://i2.mirror.co.uk/incoming/article7395559.ece/ALTERNATES/s615b/Inside-The-Worlds-Toughest-Prisons.jpg)
“Ilang araw ka na rito?” tanong ko.
“Mag-iisang buwan na,” maagap niyang sagot na tila mahihirinan dahil sa pandalas na subo.
Hindi raw tutoo ang ibinibintang ng mga pulis na humuli sa kanya. Inakusahan daw siyang kasabwat ng holdaper na nambiktima sa baywalk. Tamang-tama kasing sa kanyang palatak bumagsak ang inihagis na walletng holdaper nang hinahabol ito ng pulis. Hindi nahuli ang kawatan kaya siya ang dinampot.
(Image from http://philippinereporter.com/wp-content/uploads/sites/6/2016/03/Miguel-Mangalindan-.jpg)
Agad kong tinawagan si Robert, ang kaibigan kong abogado at pinapunta sa Presinto 5. Pinag-taksi ko na dahil nasa talyer raw ang kanyang kotse. Nang dumating siya sa himpilan ng pulisya ay agad inayos ang piyansa ni Jacinto. Kasama na namin itong pauwi nang kami ay lumabas ng presinto.
“Maraming-maraming salamat, bai!” tuwang-tuwang turan ng tindero ng yosi nang ibaba ko siya sa kanyang puwesto. Bukod kasi sa piyansa ay binigyan ko siya ng puhunan sa pagtitinda.
“Hindi kaya isahan ka lang ng lalaking ‘yon?” nababahalang tanong ng kaibigan kong abogado habang papauwi na kami sakay ng aking kotse.
“Kahit pangalawang beses ko pa lang siyang nakakaharap ay alam kong hindi niya ako lolokohin,” pagtatanggol ko. “Palagay ko naman ay mabuti siyang tao. Kung lokohin man niya ako, nasasakanya na ‘yon!”
Itutuloy