Showing posts with label Yahoo!Messenger. Show all posts
Showing posts with label Yahoo!Messenger. Show all posts

Saturday, August 19, 2017

Maikling Kuwento: Ang Ate Kong Bading - Part 4 of 4

LAPTOP ang regalo ko kay Ate nang ipagdiwang niya ang kanyang ika-30 kaarawan. Dumalaw kami sa puntod ni Gerald at nagtuloy kina Nicko upang imbitahan ang mga ito sa kanyang party. Nagkaayos na rin sila ni Bogart matapos humingi ng tawad ang huli.


Dahil sa computer ay unti-unting nalimutan ni Ate ang kanyang ikatlong kasawian. Tinuruan ko siyang gumamit nito hanggang ma-adik sa larong Farmville.  Gumigising pa nga siya ng madaling araw para lamang anihin ang mga itinanim na talong, repolyo at kalabasa. Dahil sa game na ito ay dumami ang kanyang friends sa Facebook. Isa na rito si Stephen na isang Canadian.

Dahil friend din ako ni Ate sa Farmville, nakikita ko ang galaw niya sa laro. Sa lahat ng kanyang kaibigan, madalas kong makita ang mga requests ni Stephen sa aking kapatid gayundin ang hiling ni Ate sa kanya. Noong una ay hindi ko ito masyadong pinapansin subali’t nang nababanggit na niya ang pangalan ni Stephen sa aming mga usapan ay bigla akong kinabahan.


Una kong ginawa ay kilalanin kung sino si Stephen. Nag-friend request ako sa kanya sa Facebook para makita ang kabuuan ng kanyang profile. Tumagal ng isang linggo bago niya tinanggap ang aking anyaya. Humingi ng paumanhin dahil nagbakasyon daw sila at walang internet access ang kanilang pinuntahan.
Thirty-three years old na si Stephen. Third generation Canadian na nagmula sa bansang Ireland. Katoliko tulad namin. Diborsyado at may dalawang anak – lalaki, 10 years old at babae, 5. Nagtatrabaho siya bilang software developer sa isang kumpanya sa Toronto.

Ang simpleng kaibigan sa Farmville ay nauwi sa isang malalim na relasyon nang minsang hilingin ni Ate na turuan ko raw siyang gumamit ng Yahoo! Messenger. Gusto raw kasi ni Stephen na makausap at makita siya sa pamamagitan ng apps na ito.

Ayoko man ay wala akong nagawa. Nakatatanda ko siyang kapatid. Hindi man ako ay tiyak na may gagawa sa kanya ng accountsa Yahoo! Messenger lalo na at bihasa na rito ang kanyang mga empleyado sa parlor. Pinaalalahan ko lang si Ate na maging matapat kay Stephen. Sabihin kung sino siya at ano ang kanyang pagkatao sa una pa lang. Baka kasi akalaing babae siya dahil ValeriE ang ginamit niyang alias sa Facebook. Malapit namin iyon sa tunay niyang pangalang Valeriano Estrada.

Ikinuwento minsan ng ate ko na tila na-disappoint daw si Stephen nang una niyang maka-chat. Inakala raw kasi nito na babae siya dahil sa mga isinulat niyang mga posts sa FB at sa kanyang mga isini-share. Ilang linggo raw na hindi kini-click nito ang kanyang mga request sa Farmville. Nagbago lang daw ang pananaw nito nang payuhan niya sa isang post.

Tila dumating na naman ang aking kinatatakutan. Dalawang taon na kasing nagpapalitan ng mga messages sina ate at Stephen. Bukod pa rito ang palitan nila ng mga email, sulat, pictures, postcards at greeting cards  sa isa’t isa. Napapansin kong nahuhulog na naman ang loob ni Ate sa Canadian na ito kahit hindi pa sila nagkikita ng personal.

Ako na ang gumawa ng paraan upang maputol ang napipintong pagyabong ng relasyong iyon kung meron man. Gumawa ako ngaccount sa Messenger at nag-friend request kay Stephen, lingid sa kaalaman ng aking ate.

Dalawang araw ang lumipas bago tinanggap ni Stephen ang hiling ko matapos niyang malaman na friend ko rin siya sa Farmville. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Nagpakilala agad ako sa kanya at binalaan kung anumang kalokohan ang nasa isip niya. Ikinuwento ko rin sa kanya ang lahat nang pinagdaanan ni Ate at ayoko nang mangyari pa sa kanya iyon.



Nagalit si Ate sa akin nang ikuwento ni Stephen ang aking mga sinabi. Hindi ko raw dapat pinangungunahan ang kanyang desisyon. Hindi agad tinanggap ng aking kapatid ang aking dahilan at paliwanag kung kaya’t ilang linggo ring hindi niya ako kinakausap ng normal. Gayunman, ipinagpasalamat ko na rin ang lahat dahil kahit papaano ay inilabas ko sa kanya ang aking pangamba at takot. Baka kasi hindi na niya makayanan pa ang susunod na pagkabigo. Hindi ko na rin makakaya ang magiging bunga nito kapag nagkataon.

Tila nagkabisa ang aking pagkausap kay Stephen. Ilang araw ko kasing nakitang malungkot si Ate at walang ganang maglaro ng Farmville. Napansin ko kasing natutuyo ang kanyang mga pananim kapag binibisita ko ito. Isa pa ay madalang ko siyang nakikitang gumagamit ng laptop kapag nasa bahay.

Lihim akong nagpasalamat dahil naging matagumpay ang aking plano. Nahinto agad ang relasyon ni Ate kay Stephen bago pa ito lumala. Alam kung masakit pero hindi ito kasing sakit kapag nag-ibigan sila at nagkalayong muli.
Isang araw ng Linggo nang makita kong may bitbit na isang kahon ng sapatos si Ate at malungkot na ibinigay sa akin. Sunugin ko raw at agad siyang bumalik ng kanyang kuwarto na aking ipinagtaka. Binuksan ko ang kahon at nakita ko roon ang mga email, sulat, pictures, postcards at greeting cards na padala ni Stephen.

Naupo ako sa labas ng pintuan ng aming bahay habang binabasa isa-isa ang mga email at sulat na iyon. Bago pa matapos ang lahat ay puno na ng luha ang aking mga mata at sipon ang aking ilong. Nabatid ko ang labis na pagmamahal ni Stephen sa aking ate. Tulad ni Gerald ay handa rin niyang ipaglaban ang pag-iibigan nilang dalawa. Sinabi na rin nito ang relasyon nila ng aking kapatid sa kanyang mga anak at hindi naman tumutol ang mga ito. Inamin din niyang isa siyang bisexual at ito ang dahilan ng diborsyo nilang mag-asawa. Ang huling email ay nagsasabing hindi tinatanggap ni Stephen ang kanilang paghihiwalay.

Kasalukuyang pinapahid ng laylayan ng aking kamiseta ang aking tumutulong luha at sipon nang mapalingon ako sa taksing huminto sa tapat ng aming tarangkahan. Nang bumaba ang sakay nito at unti-unting pumapasok sa aming gate ay nabanaag ko ang pigura ng isang taong humahangos.

Matangkad ang lalaki. Sa tantya ko ay nasa anim na piye at dalawang pulgada ang taas. Maputi, malapad ang dibdib at bakat ang mga masel sa suot na long sleeves na blue at itim na pantalon. Blonde ang buhok, pangahan ang guwapong mukha at greenish-blue ang mga mata. Si Stephen.

Bago pa nakalapit ang Canadian sa pinto ng aming bahay ay mabilis akong nakapasok at pasigaw na tinawag nang paulit-ulit ang pangalan ni Ate. Magkahalong kaba, takot at pananabik ang aking nadama habang palapit sa kuwarto ng aking kapatid. Pandalas ang aking katok sa kanyang pinto.



Nakalapag na ang sinakyan kong eroplano sa Toronto Pearson International Airport ay hindi pa rin ako makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Ilang buwan matapos dumating ng Pilipinas si Stephen ay kasama na niya pabalik sa Canada ang aking ate. Ikinuha pala niya ng conjugal partner visa ang aking kapatid upang maging permanent resident doon.

Anim na buwan matapos pumunta ng Canada si Ate ay masaya niyang ibinalitang ikinasal na sila ni Stephen. Masaya raw siya roon dahil tanggap siya ng mga anak ni Stephen at maging ng mga magulang nito at mga kaibigan. Kakaiba man daw ang kanilang sitwasyon ay lubod naman daw ang kaniyang kaligayahan. Kalaunan ay nakapagpatayo siya ng maliit na beauty parlor sa lugar na malapit sa kanilang  bahay.


Pagkatapos ng isang taon ay inayos ni Ate ang permanent residence visa ko para roon na rin manirahan sa Canada. Ipinagkatiwala ko sa matalik na kaibigan ni Ate ang kanyang parlor. Pinatirhan ko sa isang malapit na kamag-anak ang aming bahay. Magsisilbi itong caretaker ng bahay kapalit ng buwanang allowance na manggagaling naman sa kita ng parlor.

Magkahalong pananabik at kaba ang aking nadarama habang ibinibigay ko sa magandang immigration officer ang aking passport. Nakangiti ito habang binubuklat ang aking dokumento. Ikinumpara niya ang litrato sa aking pasaporte sa taong kaharap niya ngayon. Maya-maya pa ay nakita ko ang pag-stamped niya rito. Iniabot niya ang aking passport at lumuwang ang ngiting nagsabing: Miss Josefina Estrada, Welcome to Canada!



Oo, lesbian ako. Tomboy, tibo, binalaki, kurang, lakin-on at iba-iba pang katawagan sa aking pagkatao. Wala akong pakialam kung ano man ang opinyon n’yo. Makulay rin ang buhay ko pero saka ko na ikukuwento.

--Wakas --

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...