Nakatutuwa namang panoorin at malaman ng marami na sa ating kababayan na YouTube vloggers ang umasenso na ang buhay. Huwag na natin isama rito yaong mga sikat na artista at celebrities, tulad nina Ivana Alawi, Alex Gonzaga, Vice Ganda, atbp. Pagtuunan na lang natin 'yaong mga simpleng vloggers na wala pang 500K ang subscribers.
Hindi ako subscribers na ibang mga sikat na YT vloggers, bale ang napagtuunan ko lamang ng pansin ay 'yong mga YT channel na pinanonood ko, subscriber man ako o hindi.
Una sa listahan ko si Basel Manadil a.k.a. The Hungry Syrian Wanderer. Sa ngayon ay nagpapa-renovate siya ng malaking bahay na sa tantya ko ay aabutin ng ilang milyon ang halaga.
Hindi pa sikat si Louie TV pero nakapagpagawa na rin siya ng simpleng bahay sa Barangay Bucana, Nasugbu, Batangas - sa lugar kung saan sumikat ang isa pang YT sensation na si Jeffrey Agravante a.k.a. Japer Sniper. Bagama't mas maraming subscriber si Japer, hindi pa siya nagpapagawa ng sariling bahay. Gayunman, ilang bangkang de-motor na ang kanyang nabili. Sa palagay ko ay magpapatayo na rin siya ng bahay sa lalong madaling panahon.
Ang isa pang nagpapagawa ng bahay ay si Kafarmer. Malaking bahagi ng pondo ng kanyang bahay ay buhat sa kinikita niya sa YouTube.
Nagpapagawa na rin ng bahay si Dhix's Spidee sa kanilang lugar sa Sta. Ana, Cagayan. Hindi pa tapos ang bahay nila ng nobyang si Princess Cooks subali't malaking tulong ang sinasahod nila sa Google Adsense upang matupad ang kanilang mga pangarap.
Isang YT vlogger na taga-San Jose, Occidental Mindoro rin ang nagpapagawa ng bahay. Si Jeff Guansing o ang mas kilala bilang Harabas, ay nasimulan na rin ang pagpapagawa ng bahay. Nasa finishing stage na ito. Sa ngayon ay partner din siya sa isang kabubukas pa lamang na pasyalan-kainan sa Highway 54 ng nasabing bayan.
Sa kasalukuyan, nagpa-renovate din ng bahay si Ate Nel's ng General Nakar, Quezon. Ang simpleng maybahay na may masipag na bossing ay unti-unti ring nababago ang kalagayan sa buhay sa tulong ni Google Adsense. Ang kanyang panganay na si Melot ay nagba-vlog na rin at dumarami na rin ang mga subscribers at viewers.
Hindi man kalakihan ay nakabili na rin ng lupang pagtitirikan ng kanilang bahay si Ulysses at Francis na mas lalong kilala bilang Franuly. Sila 'yong pareho ang kasarian na na-inlove sa isa't isa mula sa Magallanes, Agusan Del Norte. Sa susunod na mga araw ay sisimulan na rin nila ang kanilang simpleng tahanan.
Sa mga pahayag, makikita nating may pera sa paggawa ng video sa YouTube. Gayunman, hindi ito madaling gawin lalo na at ordinaryong Pinoy ka lamang. Nangangailangan ito ng sakripisyo, oras, at pagtitiyaga. Dapat ay mahaba ang iyong pasensya. Ipagpatuloy ang paggawa ng video kahit kokonti pa lamang ang nanonood dito. Ang mahalaga ay masaya ka sa iyong ginagawa at nakapagbibigay ka ng kaalaman o kasiyahan sa mga nanonood.
No comments:
Post a Comment