Friday, February 19, 2021

May Bato sa Apdo ang Mamay P

Kapag nagkakaidad ang isang tao ay maraming nababago sa kanyang katawan: humihina na ang kanyang resistensya; lumalabo ang paningin; humihina ang pandinig; tumataas ang presyon; sumasakit ang mga kasu-kasuan at mga buto-buto; at kung anu-ano pang karamdaman na sanhi ng pagtanda. Kung minsan, nasa isip na lang natin ang mga gawaing easy-easy lang nating nagagawa noong tayo ay bata-bata pa.

Dahil sa ating pagtanda, bigla-bigla na lamang lumilitaw ang iba’t ibang sakit na hindi natin alam na meron tayo. Tulad sa kaso ko, hindi ko alam na ang simpleng pagsakit ng tiyan ay may malalim palang dahilan. Gabi nang biglang sumakit ang aking tiyan. Akala ko ay hyperacidic lang ako dahil pareho ang sintomas. Agad akong uminom ng maligamgam na gatas na aking ginagawa kapag nakararamdam ako noon. Bahagyang nawala ang sakit subali’t nang ako’y matutulog na ay umulit ang sakit ng aking tiyan. Hindi ko malaman kung saan parte ito nagmumula. Parang hinahalukay ang aking sikmura, may pumipintig sa loob, at medyo kumukulo. Tagos hanggang likod ang sakit kung kaya’t hindi ko alam kung saan ko ibabaling ang aking paghiga. Halos hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Pagising-gising ako.

Kinabukasan, medyo pawala ang sakit ng aking tiyan. Minabuti kong kumunsulta na sa isang manggagamot nang hindi pa rin ito tuluyang naalis. Mabait at maasikaso ang Nigerian na doktor na si Dr. Olumide Omawaye na umasikaso sa akin. Pinapunta ako sa laboratoryo upang kuhanan ng sample ng dugo upang masuri kung ano talaga ang dahilan ng pagsakit ng aking tiyan. Gayunman, niresetahan niya ako ng SOMAC, isang gamot sa hyperacidity o GERD (Gastroesophageal Reflux Disease (GERD). Sinabihan din niya kong magbawas ng timbang dahil overweight ako base sa aking BMI (body mass index).

                                                CT Scan Machine

Nawala ang pagsakit ng aking tiyan ng araw na iyon. Nang bumalik ako kinabukasan para sa resulta ng aking blood test, nakita ni Dr. Omowaye na masyadong mataas ang aking ferritin – isang protina ng dugo na nagtataglay ng  “iron”. Ang normal na level ng ferritin ay nasa 30 – 300 ug/L lang subali’t ang ferritin ko ay 3,079 ug/L – sampung beses ang taas! Maraming indikasyon kung bakit nataas ang ferritin ng isang tao. Maaaring sanhi ito ng sakit sa atay, rayuma, pamamaga, o maaari rin namang isang uri ng kanser.

Ang unang sapantaha ni Dr. Omawaye ay pancreatitis ang aking nararamdaman kaya binigyan niya ako ng referral upang magpa-CT scan (computerized tomography scan). Hindi ako kumain ng hapunan ng araw  na iyon at almusal kinabukasan para sa test. Isang basong kulay tsaa ang pinainom sa akin bago ako sumalang sa CT machine. Tinurukan din ako ng heringgilya upang pasukan ng dye ang akin katawan. Hinga at pigil-hininga ang aking ginawa habang nakasalang sa makina.

Hindi pancreatitis o tumor ang dahilan ng pagsakit na aking tiyan. Ang nakita sa aking CT scan ay maliliit na “bato” sa aking apdo o tinatawag na “cholelithiasis”. Upang masuring mabuti ay inirekomenda ni Dr. Omawaye ang “abdominal ultrasound” upang makitang mabuti ang kalagayan ng mga “batong” ito. Madali lamang ang procedure ng ultrasound. Walang ineksyon at walang pinaiinom. Papahiran lamang ng parang “gel” ang iyong tiyan at may ilalapat na instrumento rito. Tulad ng dati, hinga at pigil-hininga lang ang iyong gagawin.

Ultrasound machine

Ayon sa resulta ng aking ultrasound, ang aking apdo ay naglalaman ng maraming gumagalaw na mga “bato” o “calculli” na ang pinakamalaki ay 9 mm. Normal naman ang wall o kalamnan ng aking apdo. Ang common bile duct o CBD ay “dilated” na may sukat na 9.3mm subali’t walang nakitang mga “bato” rito.  Ang aking lapay at bato (kidney) ay normal naman.

Pinahinto ni Dr. Omawaye ang pag-inom ko ng Atorvastatin – isang gamot sa high cholesterol level – dahil baka sanhi rin ito ng pagtaas ng aking ferritin. Sa pag-inom ko ng Somac at paghinto sa pag-inom ng Atorvastatin, ay unti-unting bumaba ang aking ferritin. Gayunman, nirekomenda ako ng doktor sa isang surgeon, si Dr. Frank Wang, dahi baka mauwi sa “choledocholithiasis” o pagbaba ng mga “bato” sa CBD na maaaring maging sanhi ng pagbabara nito.

MRI Machine

Gumawa ng referral si Dr. Wang sa isang laboratoryo upang sumalang ako sa isang MRI (Magnetic resonance imaging). Isinagawa ang MRI noong May 19, 2020.  Hinga at pigil-hininga lang aking ginawa habang kinukunan ng larawan ang loob ng aking tiyan. Inabot nang higit sa isang oras ang pagsalang ko sa MRI machine dahil inulit ang malalabong kuha.

Nirekomenda ako ni Dr. Wang kay Dr. Passan para sa isang ERCP (Endoscopic retrograde cholangiopancreatography), isa itong procedure kung saan may ipapasok na instrumento sa iyong katawan mula sa bibig hanggang sa doudenum at CBD upang suriin at/o alisin ang anumang nakabara roon. Sa isang pampublikong ospital ginawa ang aking ERCP. Tinurukan ako ng Anaesthesiologist ng sedative o anaesthesia upang hindi ko maramdaman at mamalayan ang gagawin sa akin.

Habang nasa loob ng silid ay iniisip ko kung paano makakatulog at magkakaroon ng bisa ang initurok sa aking gamot. Nagising na lamang ako na nasa Recovery Room na kabilang ang mga pasyenteng dumaan din sa iba’t ibang procedure ng Endoscopy Department ng ospital, habang may IV fluid na nakalagay sa aking kanang kamay. Apat na oras na NBM (Nothing By Mouth) ang rekomendado ni Dr. Passan kaya 4 na oras din ang inilagi ko sa silid. Ibinalita ng doktor na nasa 30 ang inalis na “bato” sa akin na ang pinakamalaki ay 4mm.

Pagkatapos ng apat na oras ay pinakain ako ng jelly at pinainom ng tsaa at saka pinauwi rin nang araw na iyon. May ilang araw na masakit-sakit ang aking lalamunan dahil sa instrumentong ipinasok dito. Nawala rin naman ito pagkatapos. Nang muli akong bumalik kay Dr. Wang ay sinabing kailangan akong operahan at tanggalin ang aking apdo dahil meron pa itong mga “bato”. Nag-fill up siya ng Admission Request sa isang pampublikong ospital kung saan gaganapin ang operasyon. Pinilapan ko rin ang nasabing dokumento at ipinasa sa nasabing ospital. Maghihintay pa ako ng tatlo hanggang apat na buwan sa opeasyon na maaari ring matagalan dahil sa Covid-19.

Sa ngayon, hindi naman sumusumpong ang pananakit ng aking tiyan. Limitado lamang ang aking kinakain. Iniiwasan ko nga lamang ang pagkain ng mamantika kahit sinabi ni Dr. Wang na wala akong dapat iwasang kainin nang tanungin ko siya. Halos 10 kilo ang nawala sa aking timbang. Mula sa 77.7 kilo ay nasa 67.5 kilo na lang ito. Ang pagbaba ay dahil sa limitadong pagkain at paglakad-lakad ng 30 minuto sa araw-araw. Dahil nabawasan ng timbang, medyo tumanda ang itsura ng inyong Mamay P subali’t mas iwas naman ito sa iba pang sakit. 

For the video version, please watch below:


No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...