Parang spaghetti itong usapan tungkol sa dalawang YouTube vloggers na kapwa natulungan ni Idol Japer Sniper. Ang reaction video ni RTD PH ay ginawan ng reaction ni KATROPAH OFFICIAL. Sinagot naman ni RTD PH ang mga pahayag ni KATROPAH na ginawan naman ng reaction ng iba pang vloggers na ginawan din ng reactions ng marami pang vloggers. Pati nga si Japer Sniper ay nagbalak na magsalita tungkol sa isyu subali't hindi niya itinuloy at na-PRANK lang ang maraming viewers.
Hindi ko na rin sana isusulat ang blog na ito pero tila lumalala ang sitwasyon. Marami na ang mga haka-hakang lumabas. Marami na ang gumawa ng sariling pag-aanalisa kahit wala sila sa pinangyarihan o hindi nila napanood o lubos na naunawaan ang mga binitiwang salita ng magkabilang kampo. Nakisawsaw na rin ang marami pang mga vloggers kaya lalo pang naging masalimuot ang isyu kahit na tumahimik na ang mga nasasanggot.
Sino nga ba kina RTD PH at KATROPAH OFFICIAL ang TAMA o MAY TAMA?
Para sagutin ito, hinimay ko ang mga binitiwang salita ng dalawang Bucana vloggers (kahit hindi roon talaga nakatira si RTD PH nguni't doon lumakas ang channel niya). In fairness kay RTD PH, wala naman akong napakinggang pananalita na tumutuligsa kina Japer Sniper, Louie TV, at Wasalak o Madi Katigbak Official. Kung baga, sinabi lang niya ang kanyang puna na hindi na ganoon kalaki ang views na tinatanggap ng tatlong vloggers nitong mga nakaraan nilang upload. Hindi nga siya nagsabi ng kung ano-ano ang dahilan kung bakit. Tila pansin lang ang kanyang ginawa at hindi isang paghuhusga o pamumuna.
Natural lang na mag-react si KaTropah Official sa mga pahayag ni RTD PH tungkol sa kanyang kapatid. Gannon naman tayong mga Pinoy, kapag kinanti mo ang isang kadugo ay buong angkan na ang iyong sinaktan. Sa kanyang reaction video, pinagtanggol na mabuti ni KaTropah si Wasalak na inaasahan na ng lahat ng manonood. Tumpak sana ito kung may nasabi ngang hindi kanasnais ang isang tao sa kanyang kapatid. Sa kanyang paglalabas ng saloobin, maraming paratang at paghuhusga ang pinakawalan ni KaTropah Official laban kay RTD PH. Sana naman ay totoo at may basehan ang mga paratang na iyon dahil baka lumala ang sitwasyon at mauwi pa sa demandahan ang lahat. Tulad ng nasabi ko, natural lang ang naging gawi ng kapatid ni Madi Katigbak. Kaya lamang, sana ay hindi na niya binanatan nang ganoon si RTD PH kung wala siyang sapat na ebidensya.
Maaaring nadala lang si KaTropah ng kanyang emosyon ng mga sandaling iyon. Marahil ay nais lang niyang ilabas ang kanyang nararamdaman sa taong sa palagay niya ay gumawa ng hindi mabuti sa kanyang kapatid. Mauunawaan iyon ng mga manonood na may malawak na pang-unawa subali't paano naman iyong madaling manghusga nang hindi pinag-aaralan ang mga pangungusap ng magkabilang panig?
Kung gayon, sino kina RTD PH at KATROPAH OFFICIAL ang TAMA at MAY TAMA?
Matapos kong analisahin at himay-himayin ang bawa't titik, salitang-ugat, salita, parirala, sugnay (makapagsasarili man ito o di-makapag-iisa), pahayag o pangungusap, ang aking konklusyon ay pareho silang TAMA. Kayo na lang ang bahala kung kanino ninyo idaragdag ang "MAY", matapos ninyong i-klik at panoorin ang kani-kanilang mga video sa ibaba:
Dagdag ko pa, TAMA si Japer Sniper na huwag na lang ipahayag ang kanyang saloobin sa isyu sa pamamagitan ng social media. Mas mainam na talakayin ito nang harapan at masinsinan. Nawa ay matapos at magkasundo na ang dalawang panig dahil wala naman itong magandang patutunguhan. Sa nagkamali, tanggapin ito at humingi ng pasensya. Sa naagrabyado, magpakumbaba at magpatawad.
TAMA ba ako rito o MAY TAMA?
No comments:
Post a Comment