Saturday, April 3, 2021

How to Make Natural and Organic Plant Boosters and Fertilizers

Dahil sa pandemya na dulot ng Covid-19, maraming mamamayan ang nanatiling nasa loob ng kanilang bahay o bakuran. Sa una, maganda ang naging epekto nito sa mga tao. Nagkaroon sila ng maraming oras upang makapag-relax at mag-bonding kasama ang mga miyembro ng pamilya. Subali't kalaunan, ang maraming oras sa pamamahinga ay unti-unting nauuwi sa pagkabagot. Maraming paraan ang magagawa upang maibsan ang pagkabagot. Isa na rito ang pagtatanim ng halaman at mga gulay.

Sanhi ng mga hindi maipaliwanag na sakit na tinatamo ng mga tao sa buong mundo dulot ng pagkonsumo ng mga prutas at gulay na ginagamitan ng pestidyo at mga patabang komersyal, natuon ang pansin ng mga mamimili sa pagbili ng mga prutas at gulay na gamit lamang at natural at organikong pataba. Gayunman, ang presyo ng mga produktong ito ay mas mahal kaysa sa mga prutas at gulay na gamit ang mga commercial fertilizers.

Upang mabawasan ang pagbili ng mga prutas at gulay na mahal, isang istratehiya ay ang pagtatanim ng mga ito gamit ang natural at organikong pataba, pampalaki ng mga bunga,at pampalakas ng mga halaman. Tatlo sa mga ito ay ang paggawa ng Fermented Plant Juice (FPJ), Fermented Fruit Juice (FFJ), at Fish Amino Acid (FAA).

1. Paggawa ng Fermented Plant Juice o FPJ

Ang Fermented Plant Juice (FPJ) ay isang fermented extract ng chlorophyll at mga batang suloy ubod ng halaman tulad ng mga ubod, dahon, damo, mga bubot prutas at bulaklak. Ang isang mahalagang sangkap sa paggawa ng FPJ ay ang tinatawag na chlorophyll.  Ito ay isang berdeng molekyul sa mga halaman na sumisipsip ng sikat ng araw para sa potosintesis. Ang mga taong kumokonsumo ng mga pananim na gumagamit ng FPJ ay maaaring makatulong sa detoxification ng dugo, paggaling ng sugat, suporta sa immune system, at pag-iwas sa cancer.

Ang FPJ ay mayaman sa mga enzyme na puno ng lactic acid at mga mikroorganismo tulad ng lebadura. Sa pamamagitan ng pagdidilig sa lupa ng solusyon o sa pamamagitan ng direktang pagwiwisik nito sa mga prutas at bulaklak, napapabuti ng patabang ito ang  ang kalusugan ng mga halaman at matulungan silang lumago nang masigla.

Mga Sangkap sa Paggawa ng Fermented Plant Juice

500 gramo ng dahon at malambot na sanga ng mga halaman, tulad ng: talbos ng kamote, alugbati, kangkong, mani-mani, dahon ng saging, atbp.

250 gramo ng molasses o asukal na pula (mas brown ang kulay, mas mabuti)

Isang sisidlan

Gayatin nang maliliit ang mga dahol, talbos, at malambot na sanga. Pagkatapos ay paghalu-haluin lang ang mga sangkap at ilagay sa isang sisidlan. Takpan ang sisidlan at iburo ng hanggang isang linggo o higit pa. Ilagay ito sa isang lugar na malamig, madilim-dilim at hindi nasisikatan ng araw. Salain ang katas ng sisidlan at ilagay sa isang plastic na bote.

Sa paggamit, maglagay ng 20 ml ng solusyon sa isang litro ng tubig. Maaari itong ipandilig sa halaman o i-wisik (spray) sa mga bulaklak ng mga gulay.

2. Paggawa ng Fermented Fruit Juice (FFJ)

Ang Fermented Fruit Juice (FFJ) ay isang artipisyal na pulot. Ito ay isang nutritional activation enzyme at napaka-epektibo sa natural na pagsasaka. Ang FFJ ay isang uri ng FPJ na gumagamit lamang ng prutas bilang pangunahing sangkap nito. Ginagamit ito upang muling buhayin ang mga pananim, hayop at tao. Ang pangunahing sangkap ng prutas na maaari nating gamitin ay ang saging, papaya, mangga, ubas, melon, pakwan, mansanas,  atbp (Ang mga prutas ay dapat na matamis).

Mga Sanggap sa Paggawa ng Fermented Fruit Juice

500 gramo ng pinaghalong-halong luma o nabubulok na mga prutas, tulad ng saging, mangga, papaya, pakwan, o iba pang matatamis na prutas.

500 gramo ng molasses o pulang asukal

Isang sisidlan

Hati-hatiin sa maliliit na piraso ang amg prutas. Ilagay sa isang sisidlan ang mga sangkap at halu-haluin at saka takpan. Panatiliin ang binurong mga sangkap sa malamig na lugar, madilim-dilim, at hindi nasisikatan ng araw sa loob ng isang linggo o higit pa. Salain at ilagay sa isang plastic na bote ang nakolektang likido. Kanawin ang 20 ml ng pulot sa isang litro ng tubig at idilig sa lupa o i-spray sa mga bulaklak ng mga gulay.

3. Paggawa ng Fish Amino Acid (FAA)

Ang Fish Amino Acid (FAA) ay isang likido na gawa sa isda. Ang FAA ay napakahalaga sa mga halaman at gayundin sa mikroorganismo sa kanilang paglaki, sapagkat naglalaman ito ng  maraming dami ng mga nutrisyon at iba't ibang uri ng mga amino acid. Ito ay isang mapagkukunan ng nitrogen (N) para sa mga halaman. Direkta itong hinihigop ng mga pananim at pinasisigla din nito ang aktibidad ng mga mikroorganismo.

Mga Sangkap sa Paggawa ng Fish Amino Acid

500 gramo ng mga nabubulok na kahit anong klase ng isda, hasang, o lamang-loob

50 gramo ng molasses o pulang asukal

Isang sisidlan

Hiwain nang maliliit ang mga isda at lamang-loob nito. Ilagay ang lahat ng mga sangkap sa isang lalagyan at halu-haluin. Takpan at ilagay ang sisidlan sa isang lugar na malamig, madilim-dilim, at hindi nasisikatan ng araw. Panatiliin ang lalagyan sa loob ng dalawang linggo o higit. Salain ang likido at isalin sa isang plastic na bote. Kanawin ang 20 ml ng likido sa isang litro ng tubig. Gawin itong pandilig sa lupa ng mga gulay at halaman. Hindi ito maaaring i-spray sa bulaklak o sa halaman.



 


No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...