Wednesday, March 7, 2012

Ligtas Pa Ba Ang Mga Mag-aaral?


Napatay ang isang mag-aaral ng UP Los Banos sa harap mismo ng tarangkahan ng unibersidad noong Linggo ng madaling araw, Marso 4, 2012. Ang biktima ay si Ray Bernard Penaranda, 19 at kumukuha ng kursong Agrikultura. Si Penaranda at ang 2 pa niyang kasama ay biktima ng holdap kung saan sinaksak sa dibdib ang biktima. Ang pangayayaring ito ay ikalawa nang pagkakataon sa loob lamang ng dalawang linggo. Noong nakaraang linggo, matatandaang pinatay rin ang isang 14 na gulang na mag-aaral ng UPLB High School na si Rochel Geronda matapos itong halayin. Noong October 2011, isa ring estudyante ng UPLB ang pinatay matapos halayin. Siya si Given Grace Sebanico. 


Dahil sa mga pangyayari sa itaas, marami ang nagtatanong kung ligtas pa ba ang mga mag-aaral sa loob at paligid ng kanilang paaralan? Sa aking palagay, hindi naging aral sa kapulisan ng Los Banos ang pagkamatay ni Sebanico kahit na nga sinabi nilang pag-iigtingin nila ang seguridad sa paligid ng UP Los Banos. Ang paghalay at pagpatay sa biktimang si Geronda ang nagpapatunay rito. Tila hindi gumawa ng komprehinsibong paghahanda ang PNP ng Los Banos at nararapat lamang ang pagsibak sa mga tauhan nito. Tila natutulog sila sa kangkungan.


Sa ibang panig ng Pilipinas at pali-paligid ng mga paaralan, elementarya, high school o unibersidad man, nagkalat ang mga kawatan at masasamang loob. Marami ang nababalitang nagbebenta ng pinagbabawal na gamot sa paligid-ligid ng mga paaralan nguni't tila walang nakikita ang kapulisan. Hinihintay pa yata nilang maraming bata na ang nabiktima bago kumilos.


Police visibility ang kailangan sa paligid ng mga paaralan lalo na sa gabi. Dapat na ring tumulong ang mga barangay tanod at mamamayan upang mapanatili ang kaligtasan ninuman. 


Kung hindi na ligtas ang mga mag-aaral sa paaralan, higit na mapanganib kung malayo sila rito. Dapat na gabayang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak. At sa mga mag-aaral, nararapat ding umuwi agad matapos ang mga klase. Sa hirap ng buhay ngayon, ang mga tamad at halang ang mga kaluluwa ay walang pinipiling lugar o sinisinong tao. Papatay sila magkalaman lang ang mga kumakalam na sikmura o tustusan ang masamang bisyo.

Dapat na maging alerto ang bawa't isa. Dapat magbantay mabuti ang kapulisan.

No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...