Isa na namang kontrobersya ang kinahaharap ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth matapos na isiwalat ni Greco Belgica, komisyoner ng Philippine Anti-Corruption Commision (PACC) na 2 bilyon hanggang 3 bilyong piso linggo-linggo ang posibleng nakaamba sa korupsyon sa ahensya. Nauna rito, ibinalita ni G. Belgica na mula 2013 hanggang 2018 ay tinatayang nasa 15 bilyong piso ang nawala sa Philhealth dahil sa korupsyon. Binanggit ng komisyoner na malaking bahagi ng katiwalian ay sanhi ng sistema ng Information & Communication Technology (ICT) at ang “legal setup” nito.
Sinabi ni Belgica na hindi “transparent” o malinaw o madaling
maunawaan ang ICT system ng Philhealth kahit na malaking pondo ang ginastos
para rito. Dahil dito, malaki ang posibilidad na nagamit ang naturang sistema
upang madaling makapangloko ang tiwaling kawani ng ahensiya sa pamamagitan ng “upcasing”
o palubhain ang sakit ng isang pasyente upang mapataas ang mga bayaran at
kumubra ng benepisyo ang mga “multo” at pekeng kasapi.
PACC Commissioner Greco Belgica
Hindi naman pinaligtas ng mga pulitikong nasa oposisyon at
mga kalaban ng gobyerno ang pahayag ni Belgica. Kanya-kanyang pagpapapogi ang
mga Senador at Kinatawan ng Kongreso gayong nanunungkulan na sila sa mga taong
unti-unting nauubos ang pondo ng Philhealth dahil sa katiwalian. Noon pa man ay
binabatikos na ng taumbayan ang malaking bonus na nakukuha ng mga matataas na
kawani ng Philhealth subali’t ito ay kinibit-balikat lamang ng nagdaang
administrasyon.
(Image from https://ph.news.yahoo.com/davao-city-launches-first-ever-061744211.html)
Sinasabing pinupulitika ng ilang laban sa gobyerno ang
anomalya sa Philhealth. Sa datos na inilabas ng Philhealth, lumalabas na
pinakamalaking pondo ang nailabas sa isang ospital sa Davao City kung saan
naninirahan si Pangulong Rodrigo Duterte. Maayos sana ang lahat kung walang
halong malisya o pasaring ang balitang inilabas ng convicted journalist na si Maria Rezza sa kanyang Rappler site.
Tila lumalabas na pinapaboran ng ahensiya ang ospital na nasa Davao, ng walang
sapat na pag-aaral o pag-iimbestiga. Lumabas tuloy ang katutohanan na ang nasabing
ospital - Southern Philippines Medical Center (SPMC) – ay pagmamay-ari ng
Department of Health (DOH) at hindi ng Lungsod ng Davao. Kaya malaki ang IRM o
interim reimbursement mechanism ng SPMC ay dahil buong Mindanao ang siniserbisyohan
ng ospital at ang perang sangkot ay hindi lahat napunta sa pagsawata sa
Covid-19. Kabilang din dito ang iba pang gastusin ng ospital. Marami ring
naging pasyente at kanilang kamag-anak ang nagpatutoo ng magaling na serbisyo at
modernong pasilidad ng nasabing ospital, maliban pa na halos walang perang
nailalabas ang isang pasyente at pamilya nito.
Naunang naging kontrobersyal ang Philhealth nang maglabas ng
kautusan na itaas ang premium nito sa 3%. Maigting na tinutulan ito ng mga
Overseas Filipino Worker (OFW) dahil nakabase ang 3% sa buwanang sahod ng isang
manggagawa. Isang dahilan ng pagtutol ay dahil limitado ang benipisyong napupunta
sa OFW dahil may sarili silang health insurance sa bansang pinagtatrabahuhan.
Tulad sa kaso ng mga OFW sa Saudi Arabia, hindi makakakuha ng Iqama o Residence Permit ang isang banyagang
manggagawa kung hindi muna kukuha ng health
insurance ang kanyang employer. Labis ang pagtutol ng mga OFW
dahil tila sila ang “ginagatasan” ng gobyerno gayong malaki ang naitutulong
nila sa ekonomiya ng bansa. Bukas ang aklat na dahil sa mga padala ng mga OFW
kung kaya’t hindi masyadong naapektuhan ang Pilipinas noong 2008 world
financial crisis.
Dahil sa pag-alma ng mga OFW kung kaya’t hindi natuloy ang 3%
sa buwanang sahod na ibabayad sa Philhealth, alinsunod sa direktiba ni
Pangulong Duterte. Sa halip, naging boluntaryo na lamang sa mga OFW ang maging
miyembro ng Philhealth.
Sa pagtataya ni Belgica, maaaring maubos ang pondo ng
Philhealth sa loob lamang ng dalawang taon kung hindi makakakalap ng panibagong
pondo o hindi masasawata ang katiwalian sa loob ng ahensya. Taliwas sa pahayag
ni Philhealth President at CEO BGen. Ricardo Morales na maging si “Superman” ay
hindi kayang lutasin ang problema sa ahensya, naniniwala si Belgica na kaya
itong “linisin” sa loob lang ng anim na buwan.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng pagdinig ang Senado upang
makakalap ng impormasyon at makapanukala ng batas na magbibigay kalutasan at/o
magmungkahi ng mga balakid upang mabawasan at/o lubusang mawala ang korupsyon
sa Philhealth.
Nawa ay hindi lamang Philhealth ang pagtuunan ng pansin ng
mga taumbayan at mambabatas. Panahon na upang linisin sa katiwalian ang lahat
ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang Senado at Kongreso.
No comments:
Post a Comment