Thursday, August 17, 2017

Maikling Kuwento: Ang Babae sa Parola - Part 1 of 3

Nakatulong ang liwanag ng buwan nang gabing iyon upang tanglawan ang masukal na daang tinatahanak ni Arminda patungong aplaya. Papalapit pa lamang siya ay upaapaw na ang kanyang paghanga sa unti-unting pagbuo ng isang istruktura sa di-kalayuan. Sa malayo ay tanaw na niya ang tuktok nitong kulay bughaw. Kung hindi lamang sa mga punong-kahoy na humaharang sa kanyang paningin ay disin sana’y ang kabuuan nito ang kanyang nakikita mula sa nilalakaran.  Gayunpaman, hindi niya ito binigyan ng pansin dahil alam niyang hindi magtatagal ay mararating na niya ang paroroonan.


Kahit gutom at nanghihina ay pinagpatuloy ni Ruben ang pagsagwan upang marating ang patutunguhan. Hindi na niya maalala kung ilang araw na ba siyang nagsasagwan sa gitna ng dagat dahil halos araw at gabi ang kanyang paggaod. Mauubos na ang kanyang baong pagkain at tubig. Kailangang makarating na siya sa aplaya bago pa siya mamatay sa gutom.


Mula sa talampas ay kitang-kita na ni Arminda ang kabuuan ng parola. Madadangkal niya sa kanyang hinlalaki at hintuturo ang laki nito dahil malayo pa ito sa kanyang kinatatayuan. Gayunman, nagbigay kasiyahan sa kanyang katauhan ang pagsilay sa puti at bughaw na tanglawan. Nagbigay ito ng sigla at lakas upang ipagpatuloy niya ang kanyang paglalakbay.

Pinagpasalamat ni Ruben na kalma ang dagat ngayong gabi, hindi katulad noong siya ay huling pumalaot. Tanda pa niyang tatlo silang magkakaibigan nang mangisda nang mas maaga kaysa sa karaniwan. Nais kasi niyang makadami ng huli kaya isinama ang mga kababata sa kanyang balak. Wala namang nagawa sina Natoyat Turo kundi pumayag sa kanyang kagustuhan kahit na nga bitin ang mga ito sa inuman at lakwatsa.

Habang papalapit ay unti-unting lumalaki ang gusali sa harapan ni Arminda. Batid niyang ilang sandali pa ay mararating na niya ang paanan nito. Punumpuno ng pananabik ang kanyang katauhan dahil gustong-gusto niyang makatapak na muli sa parola. Habang nilalakad ang makitid na daan patungo roon ay hindi niya maiwasang sariwain ang mga masasayang pangyayari sa lugar na iyon.

Habang papalaot ay panay ang buska nina Natoy at Turo kay Ruben. Para raw itong mauubusan ng isda sa dagat.


“’Putsa,” palatak ni Natoy habang tinatabo ang tubig-dagat na naipon sa loob ng bangka. “P’wede namang mamayang alas-diyes ang gaod. Nabitin tuloy ang inom ko!”

“Oo nga, Ruben!” sang-ayon naman ni Turo. “Balak pa naman naming pumaroon sa bagong bukas na inuman sa labasan. Mga bago raw ang mga bebong!”

“Pasensya na sa iyong dalawa,” nakangiting wika ni Ruben habang ginigiya ang kanyang bangka sa laot. “Hayaan n’yo, pagbabalik natin, ako ang gagastos sa alak at babae ninyo!”


“Sinabi mo ‘yan,” untag ni Turo. “Walang bawian!”

MALAKING BAHAGI ang parola sa pagiging bata at pagdadalaga ni Arminda. Ito ang puntahan niya kapag napapagalitan ng kanyang inang si Aling Bebang. Matigas daw kasi ang kukote niya. Ayaw susunod sa mga ipinag-uutos.

“Inay naman, “ angal niya nang minsan utusan siya nito. “Nakakasawa na po ang pagbibilad ng isda. Gusto ko namang maglaro!” Katorse na siya noon, hindi na bata pero hindi pa naman ganap na dalaga.


“Aba, Arminda!” mataas ang boses na sagot ni Aling Bebang. “Kung hindi dahil sa mga daing na ‘yan ay titirik ang mga mata natin sa gutom!”

Ayaw man ay mapipilitan siyang sumunod kapag ganito na ang tema ng pananalita ng kanyang ina. Pero may mga pagkakataong sa kapatid na mas bata sa kanya inuutos ang utos ni Aling Bebang dahilan upang magbangayan sila kapag sila ay nagkita.


Halos panawan na ng ulirat si Ruben habang patuloy sa pagsagwan. Parang kinakapos na siya ng hininga sa maghapon at magdamag na paggaod. Hindi na niya alintana ang gutom. Ang mas mahalaga sa kanya ay makauwi agad. Alam niyang marami ang naghihintay sa kanyang pagdating. Matagal na siyang gustong makita ng mga ito. Hindi siya maaaring mag-aksaya ng panahon upang ang mga mahal sa buhay ay makasamang muli.

Masama ang loob ni Arminda nang araw na pumaroon siya sa parola. Paano ay nakurot siya sa singit ni Aling Bebang dahil ang tanda-tanda na raw niya ay nakipaglaro pa sa mga kabataang lalaki sa kanilang lugar. Dalaga na raw siya. Kasama niya roon ang kanyang matalik na kaibigang si Marissa at ang mga kalarong lalaki na sina Ruben at Turo.


“Huwag kayong aakyat sa itaas,”paalala sa kanila ni Tata Ambo, ang bantay ng parola. “Mahihina na ang mga baitang ng hagdan. Baka kayo mahulog!”


Hindi nila pinansing apat ang habilin ng matandang lalaki. Nang makalingat ito ay dali-dali silang pumasok sa parola at inakyat ang paikot na hagdan nito. Nagtatakbuhan pa nga sila patungo sa pinakatuktok. Sa itaas ay napansin ni Ruben ang isang maliit na pintong-bakal patungo sa pinakatuktok pa ng gusali.

“Sarado!”, ang puna ni Ruben nang balakin niyang pumasok. Nakasusi kasi ito.


“Ano kaya ang nariyan?, tanong ni Arminda.

“Baka mga gamit ni Tata Ambo,” palagay ni Marissa.

Muling sinubukang itulak ni Ruben ang nakasaradong pinto. Itutulak sana niya nang mas malakas nang mula sa kanilang likod ay nagsalita si Tata Ambo. Napa-ay silang apat.

“Lintek na mga batang ito,” medyo galit ang boses na wika ng matanda. “Sinabi nang huwag aakyat eh!” dugtong pa nito habang akmang ipapamalo ang hawak na patpat.
Kumaripas sa pagtakbo paibaba ang apat. Habol naman si Tata Ambo.

Nakalabas na ang magkakaibigan nang mapansin ni Marissa ang harapan ni Arminda. May bahid ng dugo ang damit nito. Nahintakutan sina Ruben at Turo sa nakita. Kumaripas ng takbo pauwi ang dalawang binatilyo. Naiwan ang umiiyak na si Arminda habang inaalo ng kababata.


“Huwag kang umiyak, Arminda!” alo ni Marissa. “Nagkaganyan din ako noong isang buwan. Dalaga ka na!”

ITUTULOY ......

No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...