Saturday, August 19, 2017

Maikling Kuwento: Ang Ate Kong Bading - Part 2 of 4

TULOY ang masayang buhay namin ni Ate nang sumunod na mga araw. Masaya na naman siyang umaalis ng bahay para magtrabaho at pamahalaan ang kanyang parlor. Lumuwag naman ang aking dibdib dahil alam kong okay na naman siya. Naging konsentrado ako sa aking pagpasok sa kolehiyo at dumalang ang inuman sa bahay. Panay nga ang tanong ng mga kabarkada ko kung kailangan kami uli iinom sa amin. Tila nagustuhan nila ang nangyayari kapag malungkot si Ate. Kamao ang sagot ko sa kanilang pagtatanong at tawa naman ang kanilang sinusukli.


Tuwang-tuwa si Ate nang grumadweyt ako ng Bachelor of Science in Accountancysa PUP. Natupad na raw ang kanyang pangarap. Parang nagtapos na din daw siya ng pag-aaral. Masaya naming sinelebreyt ang aking graduation sa isang pamosong pizza parlour malapit sa aming eskwelahan. Doon pala niya makikita ang pangalawang lalaking magpapaluha sa kanya.

Head waiter si Nicko sa retaurant na iyon. Matangkad, mestiso, alaga ng gymang mga masel at abs, higit sa lahat, guwapo. Ang mga katangiang ito ang gustong-gusto ni Ate. Mula nang makita niya si Nicko, parang nabaliw na naman siya. Halos linggo-linggo ay naroon kami sa pinagtatrabahuhan nito at kumakain ngpizza. Mabuti sana kung malapit iyon sa aming tinitirhan. Dalawang sakay kaya sa jeep.

Noong una ay casual lang si Nicko sa pagpapakyut ni Ate. Hindi niya pinapansin ang mga pasaring ng aking kapatid sa tuwing naroroon kami. Siguro ay sanay na siya sa ganoong mga biro ng mga bading na bumibisita sa pizza parlour. Nagbago lang ang pakikitungo niya nang tulungan na siya ni Ate sa mga pinansiyal niyang pangangailangan.

Si Ate ang tumulong kay Nicko upang madala at maipagamot sa PGH ang kanyang ina. Nagbibigay din siya ng pera sa pangmatrikula ng kapatid na babae kapag kinakapos ang binata. Wala namang hininging kapalit ang aking kapatid. Basta’t masaya raw siya sa pagtulong sa lalaking muling nagpatibok ng kanyang natutulog na puso, sabi niya sa akin isang araw.

Bukas ang tahanan nina Nicko sa aming magkakapatid. Naging magiliw ang kanyang ina at kapatid sa aming dalawa kapag bumibisita kami. Hindi ko lang alam kung tutuo ba iyon o pangtanaw lang ng utang na loob. Gayunman, naging masaya si Ate magmula ng makilala si Nicko at iyon ang mahalaga sa akin.

Ewan ko lang kung ano ang nangyari. Basta isang araw ay nakita ko na lamang si Nicko sa aming bahay. Galing ako sa pagre-review noon para sa CPA board. Masaya silang naghahapunan nang dumating ako. Sandaling nahinto ang kanilang tawanan nang makita akong iniluluwa ng pinto ng aming bahay.


Kinausap ko si Nicko ng gabing iyon. Lalaki sa lalaki. Sabi ko sa kanyang kung lolokohin lang niya ang aking kapatid ay huwag na niyang ituloy ang kanyang balak dahil ako ang makakalaban niya. Nakita ko kung paano nasaktan si Ate dahil kay Bogart. Ayoko nang makita muli iyon.

Nangako naman si Nicko. Hindi raw niya lolokohin ang aking kapatid dahil napamahal na siya rito dahil sa ipinakitang kabaitan nang hindi humingi ng kapalit. Siya na raw ang lumapit upang ibigay ang sarili at pagmamahal. Natuwa naman ako sa aking narinig. Nagpasalamat sa Itaas na natagpuan na yata ni Ate ang taong magbibigay sa kanya ng importansiya.

Naging maayos naman ang relasyon ni Nicko sa aking ate. Madaling lumipas ang mga araw, linggo, buwan at taon. Habang tumatagal ay lumalalim ang kanilang ugnayan. Ang dating dalawang araw sa isang linggong pagbisita ay naging tatlo, apat…hanggang tumira na sa amin si Nicko kalaunan.

Nakapasa na ako sa CPA board at nakapagtrabaho sa isang sikat na accounting firm sa Makati ay tuloy pa rin ang ugnayan ng aking kapatid at ni Nicko. Ipinalangin kong huwag nang matapos iyon. Nguni’t sadya yatang mapagbiro ang tadhana.

Isang hapon ay nadatnan ko na lang na lasing na lasing si Ate, kasama ang iba pang mga bading sa kanyang parlor. Nang tanungin ko ang mga bakla kung ano ang nangyari ay sinabing dinadamayan daw nila ang broken-hearted nilang kaibigan. Na naman! Dumating na uli ang aking kinatatakutan.


Lasing si Nicko nang madatnan ko sa kanilang bahay sa Paco. Umiiyak ang umaawat niyang ina at kapatid habang pinagsusuntok ko siya sa mukha. Umiilag siya pero hindi gumaganti. Hinahayaan lang niyang ilabas ko ang labis na galit sa aking dibdib. Sa isang sulok ng bahay ay nakita ko ang isang taong hindi ko kilala. Siya siguro ang babaeng lumandi sa kanya sa party ng kanilang pizza parlour nang mag-celebrate ito ng 10th year anniversary. Nabuntis niya ito at piniling panagutan.

Tulad nang dati, sa kuwarto uli ako ni Ate natulog ng gabing iyon at ng sumunod pang mga gabi. Sa araw ay pinatitingnan ko siya sa kanyang mga trabahador sa parlor. Natatakot kasi ako na baka may maisip siyang masama. Ayokong mawala siya sa akin ng dahil lang sa lalaki.


Tulad noon, parang normal ang pang-araw-araw na buhay ni Ate. Tuloy pa rin ang pasok nito sa parlor. Magiliw pa rin sa mga parukyano, parang walang problemang dinadala. Subali’t kapag wala raw ibang tao sa parlor, kuwento ng kanyang mga kaibigan, bigla na lang itong papalahaw ng iyak.

Isang gabi matapos ang isang buwang paghihiwalay nila ni Nicko ay kinausap ako ni Ate. Huwag ko na raw siyang samahan sa pagtulog. Okay na raw siya. Pero hindi ako naniwala. Napapansin ko kasing madalas pa rin siyang natitigilan at lihim na umiiyak. Sinabi ko sa kanyang ilabas niya ang galit na nariyan pa sa kanyang dibdib, tulad ng paggulpi ko kay Nicko. Umiyak siya nang umiyak ng gabing iyon. Halos mabiyak ang aking puso sa awa. Pinagmumura niya si Nicko. Kung may magagawa pa sana akong iba ay ginawa ko na.

At tulad nang dati, isinalang ko na naman ang mga kabarkada ko kay Ate. Dumalas na uli ang inuman sa aming bahay. Pero sa ngayon ay hindi na akong nahirapang kumumbinse. Sila na ang nagpiprisintang tumabi sa ate ko sa pagtulog.

Itutuloy

1 comment:

Rose said...

Thank you foor sharing this

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...