Friday, August 14, 2020

PHILHEALTH, UBOS NA ANG PONDO?!

Isa na namang kontrobersya ang kinahaharap ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth matapos na isiwalat ni Greco Belgica, komisyoner ng Philippine Anti-Corruption Commision (PACC) na 2 bilyon hanggang 3 bilyong piso linggo-linggo ang posibleng nakaamba sa korupsyon sa ahensya. Nauna rito, ibinalita ni G. Belgica na mula 2013 hanggang 2018 ay tinatayang nasa 15 bilyong piso ang nawala sa Philhealth dahil sa korupsyon. Binanggit ng komisyoner na malaking bahagi ng katiwalian ay sanhi ng sistema ng Information & Communication Technology (ICT) at ang “legal setup” nito.


Sinabi ni Belgica na hindi “transparent” o malinaw o madaling maunawaan ang ICT system ng Philhealth kahit na malaking pondo ang ginastos para rito. Dahil dito, malaki ang posibilidad na nagamit ang naturang sistema upang madaling makapangloko ang tiwaling kawani ng ahensiya sa pamamagitan ng “upcasing” o palubhain ang sakit ng isang pasyente upang mapataas ang mga bayaran at kumubra ng benepisyo ang mga “multo” at pekeng kasapi.

PACC Commissioner Greco Belgica

Hindi naman pinaligtas ng mga pulitikong nasa oposisyon at mga kalaban ng gobyerno ang pahayag ni Belgica. Kanya-kanyang pagpapapogi ang mga Senador at Kinatawan ng Kongreso gayong nanunungkulan na sila sa mga taong unti-unting nauubos ang pondo ng Philhealth dahil sa katiwalian. Noon pa man ay binabatikos na ng taumbayan ang malaking bonus na nakukuha ng mga matataas na kawani ng Philhealth subali’t ito ay kinibit-balikat lamang ng nagdaang administrasyon.

(Image from https://ph.news.yahoo.com/davao-city-launches-first-ever-061744211.html)

Sinasabing pinupulitika ng ilang laban sa gobyerno ang anomalya sa Philhealth. Sa datos na inilabas ng Philhealth, lumalabas na pinakamalaking pondo ang nailabas sa isang ospital sa Davao City kung saan naninirahan si Pangulong Rodrigo Duterte. Maayos sana ang lahat kung walang halong malisya o pasaring ang balitang inilabas ng convicted journalist na si Maria Rezza sa kanyang Rappler site. Tila lumalabas na pinapaboran ng ahensiya ang ospital na nasa Davao, ng walang sapat na pag-aaral o pag-iimbestiga. Lumabas tuloy ang katutohanan na ang nasabing ospital - Southern Philippines Medical Center (SPMC) – ay pagmamay-ari ng Department of Health (DOH) at hindi ng Lungsod ng Davao. Kaya malaki ang IRM o interim reimbursement mechanism ng SPMC ay dahil buong Mindanao ang siniserbisyohan ng ospital at ang perang sangkot ay hindi lahat napunta sa pagsawata sa Covid-19. Kabilang din dito ang iba pang gastusin ng ospital. Marami ring naging pasyente at kanilang kamag-anak ang nagpatutoo ng magaling na serbisyo at modernong pasilidad ng nasabing ospital, maliban pa na halos walang perang nailalabas ang isang pasyente at pamilya nito.

Naunang naging kontrobersyal ang Philhealth nang maglabas ng kautusan na itaas ang premium nito sa 3%. Maigting na tinutulan ito ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) dahil nakabase ang 3% sa buwanang sahod ng isang manggagawa. Isang dahilan ng pagtutol ay dahil limitado ang benipisyong napupunta sa OFW dahil may sarili silang health insurance sa bansang pinagtatrabahuhan. Tulad sa kaso ng mga OFW sa Saudi Arabia, hindi makakakuha ng Iqama o Residence Permit ang isang banyagang manggagawa kung hindi muna kukuha ng health insurance ang kanyang employer. Labis ang pagtutol ng mga OFW dahil tila sila ang “ginagatasan” ng gobyerno gayong malaki ang naitutulong nila sa ekonomiya ng bansa. Bukas ang aklat na dahil sa mga padala ng mga OFW kung kaya’t hindi masyadong naapektuhan ang Pilipinas noong  2008 world financial crisis.

Dahil sa pag-alma ng mga OFW kung kaya’t hindi natuloy ang 3% sa buwanang sahod na ibabayad sa Philhealth, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte. Sa halip, naging boluntaryo na lamang sa mga OFW ang maging miyembro ng Philhealth.

Philhealth President & CEO BGen. Ricardo C. Morales

Sa pagtataya ni Belgica, maaaring maubos ang pondo ng Philhealth sa loob lamang ng dalawang taon kung hindi makakakalap ng panibagong pondo o hindi masasawata ang katiwalian sa loob ng ahensya. Taliwas sa pahayag ni Philhealth President at CEO BGen. Ricardo Morales na maging si “Superman” ay hindi kayang lutasin ang problema sa ahensya, naniniwala si Belgica na kaya itong “linisin” sa loob lang ng anim na buwan.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng pagdinig ang Senado upang makakalap ng impormasyon at makapanukala ng batas na magbibigay kalutasan at/o magmungkahi ng mga balakid upang mabawasan at/o lubusang mawala ang korupsyon sa Philhealth.

Nawa ay hindi lamang Philhealth ang pagtuunan ng pansin ng mga taumbayan at mambabatas. Panahon na upang linisin sa katiwalian ang lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang Senado at Kongreso.

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...