Sunday, October 15, 2023

Magastos na Pamana - Isang Sanaysay o Essay

Sa dulang ating napakinggan, isa na namang bahagi ng ating kultura ang nailarawan. Ito ay ang pagdaraos ng kapistahan. Ang pamanang ito na nagbuhat sa mga Kastila ay sumasalamin ng pagiging relihiyoso ng mga Filipino. Gayunman,  ang tradisyong ito ay nagiging maluho kung kaya't tugma ang titulong "Magastos na Pamana".

(Image from https://www.kollectivehustle.com)

Ang Pista ay isang tradisyong ng mga Filipino na ipinagdiriwang taon-taon. Ang pagdiriwang na ito ay isang parangal o pasasalamat sa santo o santa ng isang barangay o bayan. Nagsisilbi ring isang "reunion" ng isang pamilya o mga kaibigan ang pista dahil nagkakasama-sama sila at nagsasalo-salo sa hapag ng maraming masasarap na pagkain.

(Image from https://en.wikipedia.org)

Kung datirati ay simple lang ang pagdaraos ng pista, ito ay naging magastos na habang umuusad ang panahon. Ang okasyon na kaakibat lang ng pagiging Kristiyano ng mga Filipino noon ay nahaluan na ng kayabangan at kahambugan. Malayo pa ang pista ay limpak-limpak ng salapi ang nagugugol. Mula sa pagsasabit ng mga banderitas sa kahabaan ng kalsada hanggang sa maglalagay ng mga bagong muwebles at kurtina sa loob ng mga bahay, libo-libong salapi ang nawawaldas. Wala pa rito ang gastos sa pag-aarkila ng mga banda, tagapagpasaya, at mga artistang mangtatanghal sa bisperas at araw ng kapistahan. Upang makaagapay sa mga kapitbahay, marami ang nangungutang makapaghanda lamang sa pagdiriwang ito. 

Kahit magastos ang pamanang ito ng mga Kastila, nanatiling isang okasyon ang Pista na inaabangan ng mga Filipino dahil na rin sa kasayahan at kasiyahang naidudulot nito. Dagdag pa rito, ang nabuong masayang karanasan at mga alaala sa bawa't pamilya at mga kaibigan ay hindi malilimutan at walang katumbas na salapi. Isa pa, ang pagdaraos ng kapistahan ay isang tradisyon na bahagi na ng ating kultura. Hindi na ito maaalis kailanman nguni't sana, ang paggastos ay maging sapat lamang.

No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...