Kaalinsabay ng pagdating ng Bagong Taon ay ang pagsabog ng balita na isang bagong virus ang naitala na nagmula sa bansang Tsina. Ang coronavirus na pinangalanang Novel Coronavirus o nCov ay sinasabing nagmula sa isang pamilihan ng mga hayop-gubat sa Wuhan, China. Sa simula ay hindi pinansin masyado ang balitang ito subali’t nang sumapit ang huling linggo ng Enero 2020 at dumarami ang mga nagkakasakit sa Wuhan at nagkaroon na rin ng mga kaso sa iba’t ibang panig ng mundo ay saka hilong-talilong na kumilos ang mga lider ng mundo.
Ang bagong bayrus na iba sa mga naitalang coronavirus tulad ng SARS (Severe acute respiratory syndrome (SARS) at MERS (Middle East respiratory syndrome) ay mabilis na kumalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil dito, naging istrikto ang pagpasok ang mga bansa sa pagpasok ng mga turistang Tsino. Gayunman, naging mabilis ang transmisyon ng virus kaya sa madaling panahon ay apektado na ang halos lahat ng mga bansa.
COVID-19 ang ipinangalan sa sakit na nakuha sa bagong bayrus na ito. 19 dahil noong mga huling quarter ng 2019 pa pala ito naitala ng China subali’t hindi masyadong pinansin. Maraming teorya ang lumabas hinggil sa nasabing sakit. Sabi ng ilang eksperto, ang virus daw ay sadyang ginawa sa laboratoryo at hindi galing sa mga hayop-gubat. Ito raw ay sadyang ikinalat ng China para sa sariling interes, ayon naman sa iba. Anuman ang tunay na pinagmulan ng virus, iisa ang tutoo: kumalat na ito at apektado ang buong mundo.
Maliban sa China, ang mas naapektuhang mga bansa ay yaong nasa Europa, ganoon din sa Amerika dahil nakapagpatala ang mga ito ng maraming kaso ng Covid-19 at bilang ng mga namatay sa sakit. Napakabilis ng pagkalat ng nakamamatay na sakit na kadalasan ay mga may idad at may iniindang sakit ang labis na naapektuhan. Sa ngayon (July 15,2020), nasa 13,150,645 na ang kumpirmadong tinamaan ng Covid-19 kung saan 574,464 sa mga ito ang nasawi. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang transmisyon ng sakit at wala pa ring bakuna ang minumungkahi ng mga dalubhasa habang patuloy ang pagtuklas at pagta-trial ng iba’t ibang bansa.
Dahil sa Covid-19, naparalisado ang ekonomiya ng bawat bansa. Sinarhan ang mga paliparan at mga mamamayan lamang ng isang bansa ang pinahihintulutang pumasok. Nagsara ng total lockdown ang maraming bansa. Mga piling manggagawa lamang ang pinahihintulutang magtrabaho tulad ng mga health professionals, mga emergency & rescue officers, mga sundalo, at kapulisan. Ang halaga ng mga stocks ng mga kumpanya ay bumulusok kung kaya’t pansamantalang itinigil ang operasyon ng stocks exchange ng ilang bansa. Nangutang ang maraming bansa mula sa World Bank at ilan pang pangdaigdigan at pangrehiyong banko upang matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng bansa. Maraming pabrika, kumpanya, at maliliit na negosyo ang pansamantalang ipinasara dahilan upang maraming empleyado at trabahador ang nawalan ng trabaho at kita.
Sa Australia, ang pagkaubos ng toilet papers, hand sanitizers, tissue papers, at iba pang bilihin sa mga pamilihan ang naging hudyat para madama ang epekto ng Covid-19. Tulad sa Pilipinas, naging mabilis din ang tugon ni Prime Minister Scott Morisson sa pandemya. Tinaasan ang tulong-pinansyal sa mga naghahanap ng trabaho o jobseekers, ganoon din sa mga seniors citizens, at iba pang beneficiaries ng Centrelink. Ang mga kumpanya ay tinulungang paswelduhin ang mga manggagawa para hindi magbawas (Jobkeepers Program). Pinahintulutan ding makakuha ng pera ang mga apektadong manggagawa mula sa kanilang superannuation o retirement fund.
“Stay at Home”, “Social distancing”, at “Wash your hands”, ang naging islogan o motto sa oras ng pandemya. Limitado ang paglabas-labas sa bahay at may bilang ang maaaring papasukin sa mga pamilihan. Hindi naman naging mahirap sa inyong Mamay ang pagbabagong ito dahil bihira naman kaming lumabas ng inyong Nanay, na bumalik ng Australia bago pa lumaganap ang Covid-19. Isa pa, hindi naman uso sa Australia ang pangangapitbahay kaya maiiwasan talaga ang pagkalat ng virus. Hindi naman siksikan sa mga pampublikong sasakyan dahil bihira naman ang sumasakay. Naging mahirap nga lamang ang pagbili ng toilet paper at ilang bilihin dahil limitado at/o madaling maubos. Ang takot nga lamang ay ‘yong mahawa ka. Mabuti na nga lamang at sa bahay nagtatrabaho ang aking anak at ang kanyang nobya kaya naiwasan ang paghahalubiho sa mga tao sa labas ng bahay.
Sa ngayon ay narito pa rin ang banta ng Covid-19. Ang kaso sa Pilipinas ay parami pa rin ng parami. Sa Australia, medyo humupa na pero may mga second wave nang naitala. Sana ay makatuklas na ng bakuna upang sa gayon ay makontrol ang virus at maiwasan ang kamatayan. Stay safe, mga apo at mga ka-senyor!
No comments:
Post a Comment