Sa pulong ng pagkatatatag ng Bagumbayan-Volunteers for a New Philippines kahapon, April 27, 2009 sa Manila Hotel, tila ipinahayag na ni Senator Richard "Dick" Gordon ang kanyang pagkandidato sa nalalapit na eleksyon bilang pangulo ng Pilipinas. Ang Bagumbayan Movement ay pinanguluhan ni Leon Herrera, dating kaklase ni Gordon sa Ateneo de Manila University. Naging visible si Gordon nitong mga nakaraang linggo dahil sa pagiging chairman ng Philippine National Red Cross hinggil sa pagdukot ng Abu Sayyaf sa 3 volunteer ng ICRC kung saan 2 na ang nakalaya.
Walang masama kung kumandidato man si Gordon bilang pinakamataas na opisyal ng bansa pero dapat busisiin ng mga botante kung ano ang ginawa niya sa lungsod na kanyang pinanggalingan - ang Olongapo City. Ano bang industriya o kabuhayan ang itinayo ni Gordon sa Olongapo noon? Maliban sa pagawaan ng mga bata, na karamihan ay Amerisians,wala akong nakitang industriyang itinayo si Gordon at ng mga sumunod pa niyang kamag-anak na namuno rin at kasalukuyang namumuno sa Olongapo at Zambales. Kung hindi dahil sa US Naval Base noon at SBMA ngayon, baka ang Olongapo ay matagal nang nalugmot sa kahirapan.
Ngayon ay kinakampanya niya ang malinis na pamamahala. Naku ha, para namang napakalinis ng kanyang pamamahala noon. Sa laki ng kinikita mula sa Base Nabal ng Amerika, hindi ko alam kung anong mga proyekto ang ginawa niya sa Olongapo at kung saan ito napunta. Napakababaw at napakabaho pa rin ang ilog na nakapalibot sa Olongapo kung saan nagiging sanhi ng baha at sakit kapag umuulan. Noon, ang ilog na ito na nagmumula sa Kalaklan palabas sa Bajac-Bajac ay pinagliliguan at pinangingisdaan pa namin.
Ang Olongapo City ay inari na ng husto ng mga Gordon. Sila-sila na lang ang namamahala rito - mula sa kanyang ama, ina, asawa, anak at kapatid. Naging ehemplo ang pamilya Gordon ng political dynasty sa Olongapo. Okay sana kung may nakikita kang pagbabago sa labas ng SBMA.
Sa aking palagay ay hindi naman mananalo si Gordon bilang presidente kaya ngayon pa lang ay ihinto na niya ang ambisyong ito. Dahil ako mismo na tubong-Olongapo ay hindi siya iboboto. Kung hindi niya napaunlad ang maliit na lungsod ng Olongapo, ano pa kaya ang buong Pilipinas? Sabi pa niya sa isang panayam, " Change ourselves first, before we change our leader." Hindi ko alam kung siya ang una o pangalawa sa kanyang nabanggit.
1 comment:
Free Facebook Layouts:
http://www.facebookdig.com/filipino/facebook-layouts.php
Post a Comment